Tanong
Ebanghelyo ni Mateo
Sagot
Manunulat: Ang Ebanghelyong ito ay nakilala bilang Ebanghelyo ni Mateo dahil ito ay isinulat ng apostol na nagtataglay ng parehong pangalan. Ang istilo ng pagkasulat sa aklat ay isang istilo na inaasahan mula sa isang dating maniningil ng buwis. May malalim na interes si Mateo sa mga numero (18:23-24; 25:14-15). Ang aklat ay napakaayos at direkta at sa halip na sumulat ayon sa pagkakasunod sunod ng mga pangyayari, inayos ni Mateo ang kanyang Ebangghelyo sa anim na diskusyon.
Bilang isang maniningil ng buwis, nagtataglay si Mateo ng kasanayan upang gawing kasiya siya ang kanyang aklat para sa mga Kristiyano. Ang mga maniningil ng buwis ay inaasahan na marunong sumulat sa paraang gaya ng shorthand kaya nangangahulugan na maaaring itala ni Mateo ang salita ng isang tao habang ito ay nagsasalita, letra por letra. Ang kakayahang ito ni Mateo ay nangangahulugan na ang kanyang sinulat ay hindi lamang ginabayan ng Banal na Epsiritu, kundi kumakatawan ito sa aktwal na mga sermon ng Panginoong Hesu Kristo. Halimbawa, ang Sermon sa Bundok, na gaya ng kanyang itinala sa kabanata 5 hanggang 7, ay tiyak na isang perpektong tala ng dakilang mensahe ni Kristo.
Panahon ng Pagkasulat: Bilang isang apostol, isinulat ni Mateo ang aklat na ito sa panahon ng unang iglesya, maaaring noong hunigit kumulang 50 A.D. Ito ang mga panahon na ang karamihan ng mga Kristiyano ay mga Hudyo, kaya madaling maunawan kung bakit sumulat si Mateo sa perspektibo ng mga Hudyo.
Layunin ng Sulat: Nais ni Mateo na patunayan sa mga Hudyo na si Hesus ang ipinangakong Mesiyas. Bumanggit si Mateo ng mga talata sa Lumang Tipan ng higit sa pagbanggit ng ibang Ebanghelyo upang patunayan kung paanong ginanap ni Hesus ang mga hula ng mga propetang Hudyo. Inilarawan ni Mateo ang detalye ng angkang pinanggalingan ni Hesus mula kay Haring David at gumamit siya ng maraming pigura ng pananalita na pamilyar sa mga Hudyo. Ang pag-ibig at pagmamalasakit ni Mateo sa mga kapwa niya Hudyo ay malinaw na masasalamin sa kanyang maingat na pagsulat ng kasaysayan ng Panginoong Hesu Kristo.
Mga Susing Talata: Mateo 5:17: "Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon."
Mateo 5:43-44: "Narinig na ninyong sinabi, 'Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway. 'Ngunit ito naman ang sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo."
Mateo 6:9-13: "Ganito kayo mananalangin: 'Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo. Ikaw nawa ang maghari sa amin, sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit. Bigyan mo kami ng pagkaing kai- langan namin sa araw na ito; at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng aming pagpapatawad sa mga nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok, Kundi ilayo mo kami sa Masama! [Sapagkat iyo ang kaharian at ang kapangyarihan at ang kapurihan, magpakailanman! Amen.]'."
Mateo 16:26: "Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito'y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay?"
Mateo 22:37-40: "Sumagot si Jesus, "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta."
Mateo 27:31: "At matapos kutyain, kanilang inalisan siya ng balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas."
Mateo 28:5-6: "Ngunit sinabi nito sa mga babae, "Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito, sapagkat siya'y muling nabuhay tulad ng kanyang sinabi."
Mateo 28:19-20: "Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan."
Maiksing Pagbubuod: Tinalakay ni Mateo ang talaan ng angkang pinagmulan ni Hesus, ang Kanyang pagsilang at ang Kanyang unang mga taon sa unang dalawang kabanata. Mula dito, tinalakay naman niya ang ministeryo ni Hesus. Ang mga katuruan ni Hesus ay inayos ni Mateo sa mga "diskurso" o mga "sermon" gaya ng sermon ni Hesus sa Bundok mula sa kabanata 5 hanggang 7. Sa kabanata 10, tinalakay ang misyon at layunin ng mga disipulo; sa kabanata 13, ang koleksyon ng mga talinghaga; sa kabanata 18, tinalakay ang iglesya; at sa kabanata 23, nagsimula ang sermon tungkol sa pagpapaimbabaw at sa mga mangyayari sa hinaharap. Tinalakay naman sa kabanata 21 hanggang 27 ang pagdakip, pagpaparusa at pagpapako kay Hesus sa krus. Inilarawan sa huling kabanata ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli at ang Dakilang Utos.
Koneksyon sa Lumang Tipan: Dahil ang layunin ni Mateo ay ipakilala si Hesus bilang Hari at Tagapagligtas ng Israel, bumanggit siya ng maraming mga sitas sa Lumang Tipan ng higit sa pagbanggit ng ibang manunulat ng Ebanghelyo. Bumanggit si Mateo na mahigit sa 60 beses na mga hula sa Lumang Tipan na nagpapatunay kung paanong ginanap ni Hesus ang mga hulang iyon. Inumpisahan niya ang kanyang Ebanghelyo sa talaan ng angkang pinagmulan ni Hesus, at sinusog ang Kanyang angkan mula kay Abraham, ang ninuno ng mga Hudyo. Mula doon, maraming beses na tinukoy ni Mateo ang mga hula ng mga propeta at malimit na ginamit ang salitang "gaya ng sinabi ng mga propeta" (Mateo 1:22-23, 2:5-6, 2:15, 4:13-16, 8:16-17, 13:35, 21:4-5). Ang mga talatang ito ay tumutukoy sa mga hula sa Lumang Tipan tungkol sa pagsilang sa Kanya ng isang birhen (Isaias 7:14) sa Bethlehem (Micas 5:2), ang Kanyang pagbabalik mula sa Egipto pagkatapos na mamatay si Herodes (Hosea 11:1), ang Kanyang ministeryo sa Galilea (Isaias 9:1-2; 60:1-3), ang kanyang mahimalang pagpapagaling sa mga kapansanan ng katawan at kaluluwa (Isaias 53:4), ang Kanyang pagtuturo sa pamamagitan ng mga talinghaga (Awit 78:2), at ang Kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem (Zacarias 9:9).
Praktikal na Aplikasyon: Ang aklat ni Mateo ay isang napakahusay na pagpapakilala sa mga pangunahing katuruan ng Kristiyanismo. Ang istilo ng pagkakabalangkas ay lohikal at nakatutulong ng malaki sa mga mambabasa upang madaling maunawaan at matagpuan ang mga diskusyon tungkol sa iba't ibang paksa. Malaki ang maitutulong ng Ebanghelyo ni Mateo upang maunawaan kung paanong ang buhay ni Kristo ang katuparan ng maraming mga hula sa Lumang Tipan.
Ang mga mambabasa na layong abutin ni Mateo ay ang kanyang mga kapwa Hudyo - lalo na ang mga Pariseo at mga Saduseo - na buong katigasan ng ulo ng tinanggihan si Hesus bilang kanilang Mesiyas o Tagapagligtas. Sa kabila ng maraming siglo ng pagbabasa at pag-aaral sa Lumang Tipan, ang kanilang mga mata ay nabulag sa mga katotohanan tungkol kay Kristo. Sinaway sila ni Hesus dahil sa katigasan ng kanilang puso at sa kanilang pagtanggi na kilalanin ang Isa na kanila sanang hinihintay (Juan 5:38-40). Nais nila ang isang Mesiyas na ayon sa kanilang sariling palagay, na gagawin ang kanilang sariling kagustuhan at susunod sa nais nilang ipagawa. Gaano kadalas na ganito ang turing natin sa Diyos? Hindi ba'y tinatanggihan natin Siya sa pamamagitan ng pagbibigay sa Kanya ng mga katangian na katanggap tanggap sa atin, ang mga katangian na magbibigay sa atin ng magandang pakiramdam - gaya ng kanyang pag-ibig, kaawaan at biyaya - habang tinatanggihan naman natin ang Kanyang mga katangian na hindi katanggap tanggap sa atin gaya ng - Kanyang poot, hustisya at banal na galit? Huwag nawang mangyari na gawin atin ang parehong pagkakamali na ginawa ng mga Pariseo - na ginawa ang Diyos ayon sa kanilang wangis at pagkatapos ay inasahan na susunod Siya sa kanilang mga itinakdang pamantayan. Ang ganoong diyos ay hindi tunay na Diyos kundi isang diyus diyusan. Binigyan tayo ng Bibliya ng sapat na impormasyon tungkol sa tunay na kalikasan at pagkakakilanlan
English
Ebanghelyo ni Mateo