Tanong
Ebanghelyo ni Markos
Sagot
Manunulat: Kahit na hindi pinangalanan sa Ebanghelyo ni Markos ang manunulat, pinagkakaisahan ng mga naunang ama ng iglesya na si Markos ang manunulat ng aklat. Si Markos ay isang katuwang ni Pedro sa gawain at isa sa kanyang mga disipulo (1 Pedro 1:13). Nalaman niya mula kay Pedro ang mga impormasyon tungkol sa mga pangyayari sa buhay at mga katuruan ng Panginoong Hesu Kristo, at iningatan niya ang mga impormasyong ito sa pamamagitan ng pagsulat ng kanyang Ebanghelyo.
Nagkakasundo ang karamihan ng mga iskolar ng Bibliya na si Markos ay siya ring Juan Markos sa Bagong Tipan (Gawa 12:12). Ang kanyang ina ay isang kilala at mayamang Kristiyano na miyembro ng iglesya sa Jerusalem at maaaring sa bahay nila nagtitipon ang iglesya. Sumama si Markos kina Pablo at Barnabas sa kanilang unang pagmimisyon, ngunit hindi na siya isinama ni Pablo sa ikalawang pagmimisyon na nagresulta sa mainitang pagtatalo sa pagitan ni Pablo at Barnabas (Gawa 15:37-38). Gayunman, ng nalalapit na ang pagtatapos ng buhay ni Pablo, ipinatawag niya si Markos upang kanyang makita at makasama (2 Timoteo 4:11).
Panahon ng Pagkasulat: Ang Ebanghelyo ni Markos ay maaaring ang pinaka unang aklat na nasulat sa mga aklat sa Bagong Tipan. Isinulat ito sa pagitan ng 57 at 59 A.D.
Layunin ng Sulat: Kung sumulat si Mateo partikular para sa kanyang mga kapwa Hudyo, Ang Ebanghelyo naman ay isinulat ni Markos para sa mga mananampalatayang Romano, partikular sa mga Hentil. Sumulat si Markos bilang isang pastor sa mga Kristiyano na nakarinig na at sumampaltaya sa Ebanghelyo (Roma 1:8). Ninais Niya na magkaroon sila ng talambuhay ni Hesu Kristo bilang Tagapagligtas ng mundo at upang patatagin ang kanilang pananampalataya sa harap ng matinding paguusig at turuan sila kung paano maging tunay na mga alagad ni Hesus.
Mga Susing Talata: Markos 1:11: "At isang tinig ang nagmula sa langit: "Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan."
Markos 1:17: "Sinabi ni Jesus, "Sumama kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mamamalakaya ng tao."
Markos 10:14-15: "Nagalit si Jesus nang makita ito, at sinabi sa kanila, "Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos. Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya."
Markos 10:45: "Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami."
Markos 12:33: "At ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain."
Markos 16:6: "Tuwing Pista ng Paskuwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo---sinuman ang hilingin sa kanya ng taong-bayan."
Markos 16:15: "Sa paghahangad ni Pilato na pagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barrabas. Si Jesus ay kanyang ipinahagupit at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus."
Maiksing Pagbubuod: Ang Ebanghelyong ito ay kakaiba dahil binibigyang diin dito ang mga ginawa ni Hesus sa halip na ang kanyang mga itinuro. Isinulat ito sa isang simpleng pamamaraan, at mabilis na lumilipat mula sa isang kabanata patungo sa isa pang kabanata. Hindi ito nagsimula sa isang talaan ng angkang pinanggalingan ni Hesus, dahil hindi interesado ang mga Hentil sa talaan ng Kanyang angkan.
Pagkatapos ng pagpapakilala kay Hesus sa pagbabawtismo sa Kanya ni Juan, nagsimula ang ministeryo ni Hesus sa publiko sa Galilea at tinawag doon ang unang apat sa kanyang mga alagad. Sumunod na ang tala ng buhay ni Hesus, ang kanyang kamatayan at pagkabuhay na muli.
Ang salaysay ni Markos ay hindi lamang koleksyon ng mga kuwento kundi isang salaysay upang ipahayag na si Hesus ang Mesiyas, hindi lamang para sa mga Hudyo kundi pati rin sa mga Hentil. Sa isang maalab na propesyon, ang mga disipulo, sa pangunguna ni Pedro, ay nagpahayag ng kanilang pananampalataya sa Kanya (Markos 8:29-30), kahit na hindi nila naunawaan ng lubos ang kanyang pagiging Tagapagligtas hanggat hindi siya namatay at nabuhay na mag-uli.
Habang sinusundan natin ang Kanyang paglalakbay sa Galilea, at sa mga kanugnog na lugar hanggang sa Judea, makikita natin ang mabilis na transisyon ng kanyang ministeryo ayon sa salaysay ni Markos. Inabot Niya ang buhay ng maraming tao ngunit nagiwan Siya ng hindi mabuburang marka sa mga disipulo. Sa pagbabagong anyo ni Hesus, (Markos 9:1-9), binigyan Niya ang tatlo sa kanila ng isang sulyap sa mangyayari sa hinaharap sa Kanyang pagbabalik ng may kapangyarihan at kaluwalhatian, at muli nahayag sa kanila kung sino Siya.
Gayunman, sa mga huling araw ni Hesus sa kanyang huling pagdalaw sa Jerusalem, makikita natin ang mga alagad na nagugulumihanan, natatakot at nagdududa. Nang dakpin si Hesus, tumakas sila at iniwan si Hesus na nagiisa. Sa mga sumunod na oras ng paglilitis, buong tapang na ipinroklama ni Hesus na Siya ang Kristo, ang Anak ng Diyos, at magtatagumpay Siya sa Kanyang muling pagbabalik (Markos 14:61-62). Ang kasukdulan ng mga pangyayari gaya ng pagpapako sa Kanya sa krus, sa kanyang kamatayan, paglilibing at pagkabuhay na muli ay hindi nasaksihan ng karamihan ng mga alagad. Ngunit may ilang babae na tapat kay Hesus ang nakasaksi ng Kanyang paghihirap. Pagkatapos ng Sabbath, madaling araw ng unang araw ng sanlinggo, pumunta sila sa libingan dala ang mga sangkap na kanilang ipapahid sa Kanyang katawan. ang makita nila na naigulong na ang bato, pumasok sila sa libingan. Hindi ang katawan ni Hesus ang kanilang nakita kundi isang anghel sa putting kasuutan. Ang masayang balita na kanilang natanggap ay, "nabuhay Siyang mag-uli!" Ang mga babae ang unang ebanghelista at ikinalat nila ang Mabuting balita tungkol sa pagkabuhay na muli ni Kristo. Ang parehong mensahe ay ipinapangaral din sa buong mundo sa mga sumunod na siglo hanggang sa ating panahon.
Koneksyon sa Lumang Tipan: Dahil mga Hentil ang intensyon ni Markos na babasa ng kanyang aklat, hindi siya madalas na bumanggit ng mga talata sa Lumang Tipan gaya ni Mateo, na sumulat naman partikular para sa mga Hudyo. Hindi siya nagsimula sa talaan ng angkang pinanggalingan ni Hesus o sa mga patriyarka. Sa halip nagsimula siya sa pagbawtismo kay Hesus, ang pasimula ng Kanyang ministeryo sa lupa. Ngunit sa kabila noon, binanggit ni Markos ang isang hula sa Lumang Tipan at ito ay tungkol sa mensaherong si Juan Bautista na "naghanda para sa daraanan ng Panginoon" (Markos 1:3; Isaiah 40:3) habang hinihintay ng mga tao ang pagdating na Mesiyas.
Tinukoy din ni Hesus ang Lumang Tipan sa ilang mga talata sa Markos. Sa Markos 7:6, sinaway ni Jesus ang mga Pariseo dahil sa kanilang paimbabaw na pagsamba sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga labi samantalang ang kanilang mga puso ay malayo sa Kanya. Ginamit din ni Hesus ang propetang si Isaias upang usigin ang kanilang katigasan ng puso (Isaias 29:13). Binanggit din ni Hesus ang isang hula na magaganap sa mismong gabi kung kailan mangangalat ang mga alagad na gaya ng mga tupang walang pastol ng arestuhin si Hesus at hatulan ng kamatayan (Markos 14:27; Zacarias 13:7). Binanggit Niya muli si Isaias ng linisin Niya ang templo sa mga nagpapalit ng salapi (Markos 11:15-17; Isaias 56:7; Jeremias 7:11) at binanggit din Niya ang mga Awit ng ipaliwanag Niya na siya ang pundasyon ng ating pananampalataya at ng iglesya (Markos 12:10-11; Awit 118:22-23).
Praktikal na Aplikasyon: Ipinrisinta ni Markos si Hesus bilang isang mapagtiis na alipin (Markos 10:45) at bilang Isa na dumating upang maglingkod at magsakripisyo para sa atin at upang himukin tayo na gawin din ang gayon. Dapat tayong maglingkod kung paanong naglingkod si Hesus ng may kapakumbabaan at katapatan sa paglilingkod sa iba. Pinaalalahanan tayo ni Hesus na upang mging dakila tayo sa kaharian ng Diyos, dapat tayong maging alipin ng lahat (Markos 10:44). Ang pagpapakasakit ay dapat na mangibabaw sa ating pangangailangan ng pagkilala at pabuya, gaya ni Hesus na kusang loob na nagpakababa upang ibigay ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa.
English
Ebanghelyo ni Markos