Tanong
Ebanghelyo ni Lukas
Sagot
Manunulat: Hindi ipinakilala sa Ebanghelyo ni Lukas kung sino ang manunulat. Mula sa Lukas 1:1-4 at mga Gawa 1:1-3, malinaw na makikita na iisang manunulat lamang ang sumulat sa Ebanghelyo ni Lukas at Aklat ng mga Gawa, na ipinakilala ang sinulatan bilang isang "kagalang-galang na Teofilo," na posibleng isang mataas na pinunong Romano. Ang tradisyon mula sa pinakaunang panahon ng iglesya ay itinuturing na si Lukas, isang manggagamot at malapit na kaibigan ni Apostol Pablo ang sumulat ng Lukas at mga Gawa (Colosas 4:14; 2 Timoteo 4:11). Nangangahulugan ito na tanging si Lukas lamang ang kaisa isang hentil na manunulat ng aklat sa Kasulatan.
Panahon ng Pagkasulat: Ang Ebanghelyo ni Lukas ay nasulat sa pagitan ng 58 at 65 A.D.
Layunin ng Sulat: Katulad ng dalawa sa sinoptikong Ebanghelyo, ang Mateo at Markos, ang layunin ng Ebanghelyong ito ay ipakilala ang Panginoong Hesu Kristo, at ang lahat ng "ginawa at itinuro ni Jesus buhat sa pasimula" bago Siya umakyat sa langit (mga Gawa 1:1-2). Kakaiba ang ebanghelyo ni Lukas dahil ito ay isang kasaysayan na isinulat sa isang metikulosong pamamaraan - ito ay isang "maayos na tala" (Lukas 1:3) na naaayon sa isip ng manggagamot na si Lukas - na laging nagbibigay ng detalye sa mga pangyayari hindi gaya ng dalawa pang Ebanghelyo. Binibigyang diin ng kasaysayan ni Lukas ang tungkol sa buhay ng dakilang Manggagamot ang kanyang ministeryo at kahabagan sa mga Hentil, Samaritano, mga babae, bata, maniningil ng buwis, makasalanan at mga tao na itinakwil ng lipunan.
Mga Susing Talata: Lukas 2:4-7: "Mula sa Nazaret, Galilea, si Jose'y pumunta sa Betlehem, Judea, ang bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan at lahi ni David. Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa na noo'y kagampan. Samantalang naroroon sila, dumating ang oras ng panganganak ni Maria at isinilang niya ang kanyang panganay at ito'y lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan."
Lukas 3:16, "Marami ngang tao ang lumapit kay Juan upang pabautismo. "Kayong lahi ng mga ulupong!" sabi niya sa kanila, "sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa kaparusahang darating?"
Lukas 4:18-19, 21: "Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya, at sa mga bulag na sila'y makakikita; upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil, at ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon." At sinabi niya sa kanila: "Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo."
Lukas 18:31-32: "Ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila, "Tandaan ninyo: pupunta tayo sa Jerusalem at doo'y matutupad ang lahat ng sinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. Ipagkakanulo siya sa mga Hentil; tutuyain siya ng mga ito, dudustain, at luluraan."
Lukas 23:33-34: "Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, ipinako nila sa krus si Jesus. Ipinako rin ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. [Sinabi ni Jesus, "Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."] At nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang kasuutan ang mapupunta sa isa't isa."
Lukas 24:1-3: "Umagang-umaga nang araw ng Linggo,a ang mga babae'y nagtungo sa libingan, dala ang mga pabangong inihanda nila. Nang dumating sila, naratnan nilang naigulong na ang batong nakatakip sa pintuan ng libingan. Ngunit nang pumasok sila, wala ang bangkay ng Panginoong Jesus."
Maiksing Pagbubuod: Tinatawag na pinakamagandang aklat na nasulat sa kasaysayan, nagsimula si Lukas sa pagpapakilala sa mga magulang ni Hesus; sa pagsilang ng kanyang pinsang si Juan Bautista; sa paglalakbay ni Jose at Maria patungong Bethlehem kung saan ipinanganak si Hesus sa isang sabsaban at sa talaan ng angkang pinagmulan ni Hesus mula sa linya ni Maria. Ipinakita ng ministeryo ni Hesus sa publiko ang Kanyang perpektong kahabagan at pagpapatawad sa pamamagitan ng Kanyang kuwento tungkol sa alibughang anak, ang mayaman at si Lazaro at ang mabuting Samaritano. Habang naniwala ang marami na ang pag-big ayon sa turo ni Hesus ay dapat na walang kinikilingan, maraming tao ang hinamon at nilabanan ang Kanyang mga katuruan, lalo na ng mga lider ng relihiyong Hudyo. Hinimok ni Hesus ang kanyang mga tagasunod na ikunsidera ang halaga ng pagiging alagad, habang ninais naman ng kanyang mga kaaway na ipapatay siya sa krus. Sa huli, ipinagkanulo si Hesus, nilitis, hinatulan at ipinako sa krus. Ngunit hindi siya kayang pigilin ng kamatayan! Ang Kanyang pagkabuhay na muli ang nagbigay sa atin ng katiyakan ng pagpapatuloy ng Kanyang minsiteryo ng paghahanap at pagliligtas sa mga naliligaw.
Koneksyon sa Lumang Tipan: Bilang isang hentil, kakaunti lamang ang pagbanggit ni Lukas sa Lumang Tipan kumpara sa Ebanghelyo ni Mateo at ang karamihan ng mga pagbanggit sa Lumang Tipan ay ang mga salita na sinabi mismo ni Hesus sa halip na mula sa salaysay ni Lukas. Ginamit ni Hesus ang Lumang Tipan upang ipagtanggol ang sarili sa mga pagatake ni Satanas sa Lukas 4:1-13 kung saan Kanyang sinabi, "Nasusulat"; ginamit din ni Hesus ang Lumang Tipan upang ipakilala ang sarili bilang ang ipinangakong Mesiyas (Lukas 4:17-21); Upang paalalahanan ang mga Parieso sa kanilang kawalan ng kakayahan na ganapin ang Kautusan at ang kanilang pangangailangan ng Tagapagligtas (Lukas 10:25-28, 18:18-27); at upang guluhin ang kanilang kaalaman ng tangkain Siya ng mga ito na hulihin at lansihin (Lukas 20).
Praktikal na Aplikasyon: Binigyan tayo ni Lukas ng napakagandang larawan ng ating mahabaging Tagapagligtas. Hindi si Hesus lumayo sa mga mahihirap at nangangailangan, sa halip, ang mga taong ito ang pinagtuunan Niya ng pansin sa Kanyang pagmiministeryo. Nang panahon iyon, ang bansang Israel ay nakatuon ang pansin sa antas ng tao sa lipunan. Literal na walang kapangyarihan ang mga mahihina at mga api upang gawing maayos ang kanilang kalagayan sa buhay ngunit sila ay bukas sa mensahe ni Hesus na "nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo" (Lukas 10:9). Ang parehong mensaheng ito ang dapat nating dalhin sa mga tao sa ating paligid na nawawalan na ng pag-asa. Sa mga mayamang bansa - lalong matindi ang pangangailangang espiritwal higit sa lahat. Dapat na sundan ng mga Kristiyano ang halimbawa ni Hesus ng pagdadala ng Mabuting Balita ng kaligtasan sa mga mahihirap at nangangailangan sa espiritwal. Nalalapit na ang kaharian ng Diyos at lalo pa itong lumalapit sa paglipas ng mga araw.
English
Ebanghelyo ni Lukas