settings icon
share icon

Aklat ni Tito

Manunulat: Ipinakilala sa Tito 1:1 na si Apostol Pablo ang manunulat ng aklat.

Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ni Tito ay isinulat noong humigit kumulang 66 A.D. Naidokumento ang marami sa mga paglalakbay ni Pablo at ipinakikita na sumulat si Pablo kay Tito habang siya ay nasa Epirus. Sa ibang mga kasulatan, may subskripyon na nagsasaad na sumulat si Pablo mula sa Nicopolis ng Macedonia. Gayunman, walang lugar na may ganoong pangalan sa Macedonia at ang subskripyon ay walang awtoridad at hindi kapani-paniwala.

Layunin ng Sulat: Ang sulat ni Pablo kay Tito ay kilala bilang isa sa mga sulat ni Pablo sa mga pastor katulad ng kanyang dalawang sulat para kay Timoteo. Ginawa ni Pablo ang sulat na ito upang palakasin ang loob ng isang kapatid sa pananampalataya na si Tito, na kanyang iniwan sa Creta upang pangunahan ang iglesya na itinatag niya doon sa isa sa kanyang mga paglalakbay (Tito 1:5). Pinapayuhan si Tito sa sulat na ito tungkol sa mga kwalipikasyon na dapat hanapin sa mga magiging tagapanguna sa iglesya. Binalaan din niya si Tito tungkol sa reputasyon ng mga naninirahan sa isla ng Creta (Tito 1:12).

Bilang karagdagan sa instrukyon ni Pablo kay Tito para sa mga kwalipikasyon na dapat hanapin sa mga magiging tagapanguna ng iglesya, hinimok din niya si Tito na magbalik sa Nicopolis upang makadalaw sa kanya. Nangangahulugan ito na patuloy na dinisipulo ni Pablo si Tito at ang iba pa niyang mga kamanggagawa habang lumalago sila sa grasya ng Panginoon (Tito 3:13).

Mga Susing Talata: Tito 1:5, "Iniwan kita sa Creta upang ayusin ang mga bagay na wala pa sa ayos at pumili ng matatanda sa iglesya sa bawat bayan, ayon sa itinagubilin ko sa iyo."

Tito 1:16, "Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit ito'y pinabubulaanan ng kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam at suwail at di nararapat sa anumang mabuting gawain."

Tito 2:15, "Ipahayag mo ang lahat ng ito at gamitin mo ang buo mong kapangyarihan sa pagpapalakas ng loob at sa pagsaway sa iyong mga tagapakinig. Huwag mong bigyang-daan na maalipusta ka ng sinuman."

Tito 3:3-6, "Noong una, tayo'y nalihis ng landas dahil sa ating kamangmangan at katigasan ng ulo; naging alipin tayo ng sariling damdamin at lahat ng uri ng kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo'y kinapootan ng iba at sila'y kinapootan din natin. Ngunit nang mahayag ang kagandahang-loob at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, tayo'y iniligtas niya. Natamo natin ito hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi sa kanyang habag sa atin. Naligtas tayo at ipinanganak na muli sa Espiritu Santo na siyang luminis at nagbigay ng bagong buhay sa atin. Sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, ibinuhos sa atin ng Diyos ang Espiritu Santo."

Maiksing Pagbubuod: Maaaring napakasaya ni Tito ng makatanggap niya ang sulat na ito mula sa kanyang gurong si Apostol Pablo. Si Pablo ay isang lalaki ng karangalan pagkatapos na magtatag ng mga iglesya sa buong silangangang bahagi ng mundo. Binasa ni Tito ang popular na introduksyon mula kay Pablo, "Kay Tito, tunay kong anak sa pananampalatayang ipinagkaloob sa ating lahat: nawa ang pagkalinga at kapayapaan mula sa Diyos Ama at sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus" (Tito 1:4).

Ang isla ng Creta kung saan iniwan ni Pablo si Tito upang pangunahan ang iglesya doon ay pinaninirahan ng mga katutubong Cretan at ng mga Hudyo na hindi nakaaalam ng katotohanan tungkol kay Hesu Kristo (Tito 1:12-14). Ginanap ni Pablo ang kanyang responsibilidad na sulatan si Tito at palakasin ang loob nito at hikayatin na gumawa ng mga alagad at pumili ng mga karapat dapat na lider sa iglesya. Habang binibigyan ni Pablo si Tito ng direksyon sa pagtatalaga ng mga lider sa iglesya, iminungkahi ni Pablo kay Tito na turuan muna niya sila upang lumago sa pananampalataya kay Kristo. Para sa lahat ng edad ang katuruan ni Pablo, maging mapababae man o lalaki (Tito 2:1-8).

Upang tulungan si Tito na magpatuloy sa kanyang pananampalataya kay Kristo, iminungkahi ni Pablo na magtungo ito sa Nicopolis at magsama ng dalawang miyembro ng iglesya (Tito 3:12-13).

Koneksyon sa Lumang Tipan: Muli, natanto ni Pablo na kinakailangang turuan ang mga lider ng iglesya upang makapagbantay sila laban sa mga taong sinisikap na idagdag ang mabubuting gawa sa biyaya ng Diyos para sa kanilang kaligtasan. Nagbabala siya laban sa mga mandaraya lalo na sa mga nagtuturo na kailangan pa ang pagtutuli at pagsunod sa mga ritwal at seremonya sa Lumang Tipan upang maging karapatdapat sa Diyos (Tito 1:10-11). Ito ang tema na inuulit-ulit sa Aklat ni Tito.

Praktikal na Aplikasyon: Karapat dapat si Apostol Pablo sa ating atensyon habang naghahanap tayo mula sa Bibliya ng mga katuruan kung paano tayo mamumuhay ng karapat dapat sa ating Panginoon. Matututunan natin dito ang mga bagay na dapat nating iwasan at ang mga bagay na dapat nating isakatuparan. Iminungkahi ni Pablo na dapat tayong magnais na maging malinis at umiwas sa mga bagay na makakapagparumi ng ating isip at konsensya. Sinabi ni Pablo sa aklat na ito ang isang hindi malilimutang pangungusap: "Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit ito'y pinabubulaanan ng kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam at suwail at di nararapat sa anumang mabuting gawain" (Tito 1:16). Bilang mga Kristiyano, dapat nating suriin ang ating mga sarili upang matiyak kung ang ating buhay ay naaayon sa ating pananampalaya kay Kristo (2 Corinto 13:5).

Bukod sa babalang ito ni Pablo, sinasabihan din niya tayo na umiwas sa pagtanggi sa Diyos sa pamamagitan ng pagtitiwala sa ating mabubuting gawa: "tayo'y iniligtas niya. Natamo natin ito hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi sa kanyang habag sa atin. Naligtas tayo at ipinanganak na muli sa Espiritu Santo na siyang luminis at nagbigay ng bagong buhay sa atin. Sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, ibinuhos sa atin ng Diyos ang Espiritu Santo" (Tito 3:5b-6). Sa pagpapanibago ng ating isip sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin, maaari tayong maging mga Kristiyano na napararangalan ang Diyos sa uri ng ating pamumuhay.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Aklat ni Tito
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries