Aklat ng mga Gawa
Manunulat: Hindi binanggit sa Aklat ng mga Gawa kung sino ang manunulat. Mula sa Lukas 1:1-4 at Mga Gawa 1:1-3, malinaw na makikita na iisa ang sumulat ng Aklat ni Lukas at Aklat ng mga Gawa. Tradisyunal na kinikilala mula pa sa unang mga taon ng iglesya na si Lukas, ang kasa-kasama ni Pablo sa pagmimisyon ang sumulat ng Lukas at Aklat ng mga Gawa (Colosas 4:14; 2 Timoteo 4:11).Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng mga Gawa ay nasulat sa pagitan ng 61 at 64 A.D.
Layunin ng Sulat: Ang Aklat ng mga Gawa ay isinulat upang itala ng kasaysayan ng unang iglesya. Ang kahalagahan ng Araw ng Pentecostes at ang pagbibigay ng Espiritu Santo ng kakayahan sa mga apostol at unang mga Kristiyano upang maging mga saksi para kay Hesu Kristo ang isa sa mga pangunahing paksa ng Aklat ng mga Gawa. Itinala sa Aklat ng mga Gawa ang gawa ng mga apostol. Bilang mga saksi sa Jerusalem, Judea, Samaria at sa lahat ng kanilang narating sa iba't ibang panig ng mundo. Inihayag ng aklat ang mga kaloob ng Espiritu na Siyang nagbibigay kalakasan, gumagabay, nagtuturo at nagsisilbi nating Tagapayo. Sa pagbabasa ng Aklat ng mga Gawa, maliliwanagan at mabibigyang lakas tayo ng maraming mga himala na ginawa sa panahong ito sa pamamagitan ng mga apostol na sina Juan, Pedro, at Pablo. Binibigyang diin sa Aklat ng mga Gawa ang kahalagahan ng pagsunod sa Salita ng Diyos at ang pagbabagong nagaganap sa buhay ng tao dahil sa pagkakilala kay Kristo. Marami ring pagbanggit tungkol sa pagtanggi sa katotohanan na ipinangaral ng mga apostol tungkol sa Panginoong Hesu Kristo. Ang kapangyarihan, kasakiman at marami pang gawa ng masamang espiritu ay makikita rin sa Aklat ng mga Gawa.
Mga Susing Talata: Gawa 1:8: "Ngunit bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig."
Gawa 2:4: "At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu."
Gawa 4:12: "Pagkakita ni Pedro sa mga tao, kanyang sinabi, "Mga Israelita, bakit kayo nanggigilalas sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinitingnan nang ganyan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya sa pamamagitan ng sarili naming kapangyarihan o kaya'y dahil sa aming kabanalan?"
Gawa 4:19-20: "Kaya't magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang pawiin niya ang inyong mga kasalanan vat bigyan kayo ng kaunting panahon ng pamamahinga. At susuguin niya si Jesus, ang Mesias na hinirang niya para sa inyo."
Gawa 9:3-6: "Naglakbay si Saulo patungong Damasco. Nang siya'y malapit na sa lunsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakasisilaw na liwanag mula sa langit, vanupat nasubasob siya. At narinig niya ang isang tinig na nagsalita sa kanya, "Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?" "Sino po kayo, Panginoon?" tanong niya. "Ako'y si Jesus, ang iyong inuusig," tugon sa kanya. "Tumindig ka't pumasok sa lunsod. Sasabihin sa iyo roon kung ano ang dapat mong gawin."
Gawa 16:31: "Sumagot sila, "Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka---ikaw at ang iyong sambahayan."
Maiksing Pagbubuod: Ipinahayag ng Aklat ng mga Gawa ang kasaysayan ng iglesyang Kristiyano at ang pagkalat ng Ebanghelyo ni Hesu Kristo gayundin ang tumitinding paglaban dito. Bagamat maraming mga lingkod ang ginamit ng Diyos upang ipangaral at ituro ang Ebanghelyo ng Panginoong Hesu Kristo, Si Saul na pinalitan ang pangalan bilang Pablo, ang pinaka maimpluwensya sa lahat. Bago siya naging isang mananampalataya, pinagsikapan niyang usigin at patayin ang mga Kristiyano. Ang pagtawag kay Pablo ni Hesus sa daan patungong Damasco (mga Gawa 9:1-31) ang isa sa pinakamahalagang pangyayari sa Aklat ng mga Gawa. Pagkatapos ng kanyang konbersyon sa Kristiyanismo, naging masugid naman siyang tagapaglingkod ng Diyos at inialay ang kanyang buong buhay sa pangagaral dahil sa kanyang masidhing pag-ibig sa Diyos. Ipinangaral niya ang Ebanghelyo ng may kapangyarihan, at buong alab sa kapangyarihan ng Espiritu ng nagiisa at tunay na buhay na Diyos. Binigyang kalakasan ng Espiritu Santo ang mga apostol upang maging mga saksi sa Jerusalem (kabanata 1-8:3), Judea at Samaria (kabanata 8:4"12:25), at hanggang sa dulo ng daigdig (kabanata 13:1"28). Kasama sa huling bahagi ng tatlong pagmimisyon ni Pablo (13:1"21:16), ang paglilitis sa kanya sa Jerusalem at Cesarea (21:17"26:32) at ang kanyang huling paglalakbay sa Roma (27:1"28:31).
Koneksyon sa Lumang Tipan: Ang Aklat ng mga Gawa ay nagsisilbing tulay mula sa pagsasakatuparan ng mga Kautusan sa Lumang Tipan at sa grasya at pananampalataya ng Bagong Tipan. Ang paglilipat na ito ay makikita sa ilang mga pangunahing pangyayari sa Aklat ng mga Gawa. Una, may pagbabago sa ministeryo ng Banal na Espiritu, na ang pangunahing gawain sa Lumang Tipan ay sa panlabas na ministeryo sa mga anak ng Diyos, ilan sa mga ito si Moises (mga Bilang 11:17), Otniel (mga Hukom 3:8-10), Gideon (mga Hukom 6:34), at Saul (1 Samuel 10:6-10). Pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ni Hesus, dumating ang Banal na Espiritu upang tumira sa mismong mga puso ng mga mananampalataya (Roma 8:9-11; 1 Corinto 3:16), at gumabay at nagpalakas sa kanila mula sa loob. Ang panananahan ng Banal na Espiritu ay kaloob ng Diyos sa sinumang lalapit sa Kanya sa pananampalataya.
Ang konbersyon ni Pablo sa Kristiyanismo ay isang dramatikong halimbawa ng paglilipat mula sa Lumang Tipan patungo sa Bagong Tipan. Inamin ni Pablo na bago niya nakilala ang nabuhay na Tagapagligtas, siya ang pinakamasugid sa mga Israelita at walang dungis patungkol sa "katwiran na naggagaling sa Kautusan" (Filipos 3:6 NKJV), hanggang sa dumating pa nga sa punto na pinag-usig niya ang mga naturuan ng kaligtasan sa Biyaya ng Diyos lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo. Ngunit pagkatapos ng kanyang konbersyon sa Kristiyanismo, natanto niya na ang lahat ng kanyang ginagawa ayon sa Kautusan ay walang kabuluhan, kaya nga kanyang sinabi, "inari kong kalugihan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan makamtan ko lamang si Cristo, at lubos na makiisa sa kanya. Hindi ko na hangad na maging matuwid sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayon ay kaloob ng Diyos batay sa pananampalataya (Filipos 3:8-9). Tayo din naman, kagaya ni Pablo ay nabubuhay sa pananampalataya, hindi sa mga gawang ayon sa Kautusan, upang walang sinuman ang magmalaki (Efeso 2:8-9).
Ang pangitain ni Pedro sa mga Gawa 10:9-15 ay isa pang simbolo ng paglipat mula sa Lumang Tipan patungo sa Bagong Tipan - sa pagkakataong ito ay sa mga pagkain na partikular sa mga Hudyo - na nagpapahiwatig sa pagkakaisa ng mga Hudyo at mga Hentil sa isang iglesya sa Bagong Tipan. Ang mga malilinis na hayop ay sumisimbolo sa mga Hudyo habang ang maruruming hayop naman ay sumisimbolo sa mga Hentil na parehong idineklarang "malinis" ng Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng Panginoong Hesu Kristo. Wala na tayo sa ilalim ng mga kautusan ng Lumang Tipan. Ang mga Hudyo at mga Hentil ay pinaging isa na sa ilalim ng Biyaya ng Bagong Tipan sa pamamagitan ng pananampalataya sa dugong nabuhos ng Panginoong Hesu Kristo doon sa krus.
Praktikal na Aplikasyon: Makagagawa ang Diyos ng mga kahanga hangang bagay sa pamamagitan ng mga ordinaryong tao kung bibigyan Niya sila ng kakayahan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Ginamit ng Diyos ang mga ordinaryong mangingisda upang ligligin ang mundo para sa Ebanghelyo (mga Gawa 17:6). Ibinukod ng Diyos ang isang kaaway at pumapatay ng mga Kristiyano at ginawa siyang pinakadakilang mangangaral ng Ebanghelyo at manunulat ng halos kalahati ng bilang ng mga aklat sa Bagong Tipan. Ginamit ng Diyos ang mga paguusig upang maging mas mapabilis ang pagdami ng mga mananampalataya sa kasaysayan ng mundo. Kaya pa ring gawin ito ng Diyos sa pamamagitan natin ngayon, ang baguhin ang ating puso, bigyang kakayahahan ng Banal na Espiritu at bigyan tayo ng maalab na pagnanais upang ipangaral ang Mabuting Balita ng Kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo. Kung tatangkain natin na gawin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng ating sariling kakayahan, mabibigo tayo. Gaya ng mga apostol sa Gawa 1:8, dapat tayong maghintay sa pagbibigay kakayahan sa atin ng Banal na Espiritu, at pagkatapos ay humayo tayo upang ganapin ang Dakilang Utos ng ating Panginoong Hesu Kristo (Mateo 28:19-20).
English
Aklat ng mga Gawa