settings icon
share icon

Aklat ng Pahayag

Manunulat: Partikular na binanggit sa Pahayag 1:1, 4, 9 at 22:8 na si Apostol Juan ang manunulat ng aklat.

Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng Pahayag ay isinulat sa pagitan ng A.D. 90 at 95.

Layunin ng Sulat: Ang Pahayag ni Hesu Kristo ay ipinagkaloob ng Diyos kay Juan "upang ipakita sa kanyang mga lingkod ang magaganap sa hinaharap." Ang aklat na ito ay puno ng misteryo tungkol sa mga bagay na darating. Ito ay huling babala na ang mundo ay tiyak na magwawakas ay tiyak na mangyayari ang paghuhukom ng Diyos. Nagbigay ito ng kaunting sulyap sa langit at sa kaluwalhatian na naghihintay sa mga nagpapanatiling maputi ang kanilang kasuutan. Ipinahayag sa Aklat ng Pahayag ang katotohanan ng "dakilang kapighatian" at ipinapakita din ang lahat ng dulot nitong kalungkutan at sa walang hanggang apoy na pagdadalhan sa mga hindi mananampalataya upang dumoon sila sa habang panahon. Inulit-ulit sa Aklat ng Pahayag ang pagbagsak ni Satanas at ang kanyang huling hantungan kasama ang kanyang mga anghel. Ipinakikita sa atin ng aklat ang tungkulin ng lahat ng nilalang at ng mga anghel sa langit at ang mga pangako ng Diyos para sa mga mananampalataya na mananahan sila sa Bagong Jerusalem kasama ng Panginoong Hesus magpakailanman. Gaya ng sinabi ni Juan, napakahirap na ilarawan sa salita ang ating matutunghayan sa Aklat ng Pahayag.

Mga Susing Talata: Pahayag 1:19, "Kaya't isulat mo ang iyong nakikita, ang nangyayari ngayon at ang mangyayari pa."

Pahayag 13:16-17, "Sapilitang pinatatakan ng halimaw, sa kanang kamay o noo, ang lahat ng tao---dakila at aba, mayaman at mahirap, alipin at malaya. At walang maaaring magbili o bumili maliban na may tatak ng pangalan ng halimaw o ng bilang na katumbas niyon."

Pahayag 19:11, "Pagkaraan nito'y nabuksan ang langit, at nakita ko ang isang kabayong puti. Ang sakay nito'y tinatawag na Tapat at Totoo pagkat matuwid siyang humatol at makidigma."

Pahayag 20:11, "Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaluklok doon. Naparam ang lupa't langit sa kanyang harapan, at hindi na nakita pang muli."

Pahayag 21:1, "Pagkatapos nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa; wala na rin ang dagat."

Maiksing Pagbubuod: Punong-puno ang Aklat ng Pahayag ng makukulay na paglalarawan sa mga pangitain na nagpapakita sa atin ng mga magaganap sa huling panahon bago ang muling pagparito ni Kristo gayundin ang paglalang sa Bagong Langit at Bagong Lupa. Nagsimula ang Aklat ng Pahayag sa mga sulat sa pitong iglesya sa Asya Menor, at nagpatuloy sa paghahayag ng serye ng pagkawasak na mararanasan sa buong mundo; ang tatak ng halimaw, "666"; ang huling labanan ng Armageddon; ang pagtatali kay Satanas; ang paghahari ng ating Panginoon; ang Dakilang Paghuhukom sa Puting Trono; at ang kalikasan ng walang hanggang siyudad ng Diyos. Naganap na ang lahat ng hula tungkol kay Hesu Kristo at ang Kanyang pagiging Panginoon ang nagbibigay sa atin ng katiyakan na muli siyang paparito upang hanguin tayo.

Koneksyon sa Lumang Tipan: Nasa Aklat ng Pahayag ang katuparan ng lahat ng mga hula tungkol sa mga magaganap sa huling panahon na nagumpisa sa Lumang Tipan. Ang paglalarawan sa Anti Kristo na nabanggit sa Daniel 9:27 ay ganap na nahayag sa ika-labintatlong (13) kabanata ng Pahayag. Bukod sa Aklat ng Pahayag, ang iba pang mga sitas sa Bibliya kung saan tinalakay ang mga magaganap sa huling panahon ay ang Daniel 7-12, Isaias 24-27, Ezekiel 37-41, at Zacarias 9-12. Ang lahat ng mga hulang ito ay nagkaroon ng katuparan sa Aklat ng Pahayag.

Praktikal na Aplikasyon: Tinanggap mo na ba si Hesu Kristo bilang iyong Tagapagligtas? Kung oo, hindi mo dapat katakutan ang paghuhukom ng Diyos na inilarawan sa Aklat ng Pahayag. Kakampi natin ang ating Hukom. Bago maganap ang Huling Paghuhukom, dapat tayong magbahagi ng Ebanghelyo sa ating mga kaibigan at sa ating kapwa tungkol sa buhay na walang hanggan na maaaring makamtan sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu Kristo. Dapat tayong mamuhay ng ayon sa kalooban ng Diyos upang mapansin ng iba ang taglay nating kagalakan tungkol sa hinaharap at sa gayon ay makasama natin Siya sa isang bago at maluwalhating siyudad.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Aklat ng Pahayag
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries