settings icon
share icon

Aklat ng Hebreo

Manunulat: Bagamat ipinapalagay ng ilan na ang Aklat ng Hebreo ay isa sa mga sulat ni Apostol Pablo, ang pagkakakilanlan sa manunulat ng Hebreo ay isa pa ring misteryo hanggang ngayon. Hindi makikita sa aklat ng Hebreo ang pambungad na pagbati na laging ginagamit ni Pablo sa kanyang mga sulat. Bukod dito, sinabi ng manunulat na umasa siya sa kaalaman at impormasyon mula sa mga taong nakasaksi mismo sa Panginoong Hesu Kristo (2:3). Isa ito sa mga dahilan kaya pinagdududahan ang pagiging manunulat ni Pablo ng aklat na ito. May ilan na naniniwala na si Lukas ang manunulat ng Aklat ng Hebreo; may iba naman na nagmumungkahi kina Apolos, Barnabas, Silas, Felipe at Priscilla at Aquila bilang manunulat ng Aklat ng Hebreo. Kung kaninumang kamay ang humawak ng panulat upang isulat ang aklat na ito, ang Banal na Espiritu ang tunay na may akda ng lahat ng Kasulatan (2 Timoteo 3:16); kaya nga, ang Aklat ng Hebreo ay may awtoridad na kagaya ng iba pang 66 na aklat ng Bibliya kahit na hindi kilala ang sumulat nito.

Panahon ng Pagkasulat: Bumanggit si Clement ng talata mula sa aklat ng Hebreo noong A.D. 95. Gayunman, binabanggit sa aklat na buhay pa si Timoteo ng isulat ang aklat. Ipinapakita rin sa aklat na nagpapatuloy pa ang paghahandog sa templo na natigil dahil sa pagkawasak ng Jerusalem noong A.D. 70. Ang mga kaganapang ito ay nagpapahiwatig na ang aklat ay nasulat noong humigit kumulang A.D. 65.

Layunin ng Sulat: Ang tagapagtatag ng Christian Research Institute at manunulat ng best seller na "Kingdom of the Cults" na si Dr. Walter Martin ay nagsabi na ang Aklat ng Hebreo ay isinulat ng isang Hebreo sa ibang mga Hebreo upang sabihin sa mga Hebreo na tumigil na sa paguugali bilang Hebreo. Sa katotohanan, marami sa mga sinaunang mananampalatayang Hudyo ang bumabalik sa kanilang mga ritwal na pangrelihiyon upang matakasan ang umiigting na paguusig. Ang sulat na ito, kung gayon, ay isang tagubilin para sa mga inuusig na mananampalataya na magpatuloy sa biyaya ni Hesu Kristo.

Mga Susing Talata: Hebreo 1:1-2: "Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit ngayon,a siya'y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sansinukob at siya ang itinalaga niyang magmay-ari ng lahat ng bagay."

Hebreo 2:3: "Gayon din naman, hindi tayo makaiiwas sa parusa kapag hindi natin pinahalagahan ang kaligtasang ito na napakadakila.."

Hebreo 4:14-16: "Magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, yamang mayroon tayong dakilang saserdote na pumasok sa kalangitan sa harapan ng Diyos, walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. Ang dakilang saserdote nating ito ay nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa'y tinukso siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala. Kaya't huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos at doo'y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito."

Hebreo 11:1: "Tayo'y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita."

Hebreo 12:1-2: "Yamang naliligid tayo ng makapal na saksi, iwaksi natin ang kasalanan, at ang anumang balakid na pumipigil sa atin, at tayo'y buong tiyagang magpatuloy sa takbuhing nasa ating harapan. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmulan ng ating pananampalataya, at siya ring nagpapasakdal nito. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaluklok sa kanan ng trono ng Diyos."

Maiksing Pagbubuod: Kinakausap ng manunulat ng Aklat ng Hebreo ang tatlong magkakaibang grupo: ang mga mananampalataya kay Kristo, ang mga hindi mananampalataya na nagkaroon ng kaalaman o tinatanggap sa kanilang isip ang mga katotohanan tungkol kay Kristo, at ang mga hindi mananampalataya na naakit kay Kristo ngunit sa huling sandali ay tahasang tinanggihan si Kristo. Mahalagang maunawaan kung aling grupo ang kinakausap ng manunulat sa iba't ibang bahagi ng kanyang sulat. Kung hindi ito isasaisip, makakabuo tayo ng mga konklusyon mula sa aklat ng Hebreo na hindi naaayon sa ibang katuruan ng Kasulatan.

Paulit-ulit na binanggit ng manunulat ng Hebreo ang kahigitan ng persona at ministeryo ni Kristo. Sa mga kasulatan sa Lumang Tipan, nauunawaan natin na itinuturo lamang ng mga ritwal at seremonya ng Judaismo ang paparating na Mesiyas. Sa ibang salita, ang mga ritwal ng Judaismo ay anino lamang ng mga bagay na darating. Ang lahat ng mga gawang panrelihiyon ay hindi maikukumpara sa persona, gawain at ministeryo ni Hesu Kristo. Ang kahigtan ng ating Panginoong Hesu Kristo ang pangunahing tema na buong husay na ipinagtanggol ng manunulat ng aklat ng Hebreo.

Koneksyon sa Lumang Tipan: Maaaring wala ng aklat sa Bagong Tipan ang hihigit pa sa Aklat ng Hebreo kung ang paguusapan ay ang koneksyon sa Lumang Tipan kung saan ang pundasyon ay nakaugnay sa pagiging saserdote ng angkan ni Levi. Laging ikinukumpara ng manunulat ng Hebreo ang kawalang kasapatan ng sistema ng paghahandog ng dugo ng mga hayop para sa kasalanan sa Lumang tipan sa kasapatan ng paghahandog ng dugo ni Kristo sa Bagong Tipan. Sa Lumang tipan, kinakailangan ang paulit-ulit na paghahandog at ang taunang paghahandog na isinasagawa ng saserdote para sa kasalanan ng mga tao. Ngunit ng dumating si Hesus, ang dakilang saserdote ng Bagong Tipan, naghandog Siya ng minsanan para sa kasalanan ng tao at iyon ay sapat na (Hebreo 10:10). Dahil dito, malaya na ang sinumang na kay Kristo na makapasok sa dakong kabanal-banalan sa langit dahil sa ginawa ng Panginoong Hesu Kristo.

Praktikal na Aplikasyon: Napakayaman ng Aklat ng Hebreo sa mga panimulang aralin ng Kristiyanismo. Nagbigay ang manunulat ng mga nakakahamong halimbawa sa pananampalataya ng mga tinaguriang "bayani ng pananampalataya" na nagtiyaga sa kabila ng mga kahirapan at matinding paguusig sa kanilang pananampalataya (Hebreo 11). Ang mga bayaning ito sa pananampalataya ang nagbigay ng napakaraming ebidensya na ang Diyos ay tapat at lubos na mapagkakatiwalaan. Maaari din tayong magtiwala sa mga pangako ng Diyos anuman ang ating kalagayan sa buhay at sa walang pagmamaliw na katapatan ng Diyos na kanyang ipinadama at ipinakita sa buhay ng mga mananampalataya sa Lumang Tipan.

Pinalakas ng manunulat ng Hebreo ang loob ng mga mananampalataya ngunit may 5 babala na dapat nating dinggin. Una ay ang panganib ng pagwawalang bahala (Hebreo 2:1-4), ang panganib ng kawalan ng pananampalataya (Hebreo 3:7"4:13), ang panganib ng pagiging hilaw sa pananampalataya (Hebreo 5:11"6:20), ang panganib ng kawalan ng katiyagaan (Hebreo 10:26-39), at ang panganib ng pagtanggi sa biyaya ng Diyos (Hebreo 12:25-29). Ang aklat na ito ay isang obra maestra ng mayamang doktrina ng Kristiyanismo, bukal ng pagpapalakas ng loob at pinagmumulan mga tama at praktikal na babala laban sa katamaran sa pamumuhay Kristiyano. Ngunit higit sa lahat, makikita natin sa Hebreo ang isang kahanga-hangang paglalarawan sa ating Panginoong Hesu Kristo - ang pinagmulan at siyang kukumpleto ng ating napakadakilang kaligtasan (Hebreo 12:2).

English
Bumalik sa Tagalog Home Page

Aklat ng Hebreo
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries