settings icon
share icon

Aklat ng Galacia

Manunulat: Malinaw na ipinakilala sa Galacia 1:1 na si Pablo ang manunulat ng aklat.

Panahon ng Pagkasulat: Ang eksakong panahon ng pagkasulat sa aklat ay nakadepende kung saan ipinadala ang aklat ng Galacia at kung ika-ilang paglalakbay pinasimulan ni Pablo ang pagtatayo ng iglesa sa rehiyon. Ang aklat ng Galacia ay isinulat ni Pablo sa pagitan ng 48 at 55 A.D.

Layunin ng Sulat: Ang iglesya sa Galacia ay naitatag mula sa pagsasama-sama ng mga Hudyo na naging mananampalataya at ng mga Hentil na nanampalataya sa Ebanghelyo. Pinatunayan ni Pablo ang kanyang pagiging apostol at ang doktrina na kanyang itinuturo upang kanyang matiyak kuna ang pananampalatayang mayroon ang mga taga Galacia kung sila ba ay totoong naniniwala sa pagpapawalang sala sa pamamagitan lamang ng pananampalataya o sa pamamagitan ng gawang ayon sa Kautusan. Kaya't ang paksa sa Galacia ay halos pareho ng tinalakay ni Pablo sa aklat ng Roma. Gayunman sa aklat na ito, ang atensyon ay partikular na nakatuon sa mga tao na pinawalang sala sa pamamagitan ng pananampalataya ng walang anumang kalakip na gawa ayon sa Kautausan ni Moises.

Ang Aklat ng Galacia ay hindi isinulat bilang isang sanaysay sa kasaysayan. Ito ay isang protesta laban sa kurapsyon ng Ebaghelyo ni Kristo. Ang napakahalagang katotohanan ng pagpapawalang sala sa pamamagitan lamang ng biyaya sa halip na sa gawa ng Kautusan ay pinalabo ng mga Hudyo sa pamamagitan ng pagpupumilit sa mga mananampalataya na sundin ang Kautusan kung nais nilang maging perpekto sa harapan ng Diyos. Nang malaman ni Pablo na nakapasok ang ganitong maling katuruan sa mga iglesya sa Galacia at dahil dito ay nalagay sa panganib ang kalayaang Kristiyano, isinulat ni Pablo ang kanyang pagtutol sa maling doktrinang iyon.

Mga Susing Talata: Galacia 2:16: "alam naming ang tao'y pinawawalang-sala dahil sa pananalig kay Jesu-Cristo at hindi dahil sa mga gawa ayon sa Kautusan. Nanalig din kami kay Cristo Jesus upang pawalang-sala ng Diyos sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan. Sapagkat ang tao'y di mapawawalang-sala sa pamamagitan ng pagtalima sa Kautusan."

Galacia 2:20: "At kung ako ma'y buhay hindi na ako ang nabubuhay kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nasa daigdig, namumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at nag-alay ng kanyang buhay para sa akin."

Galacia 3:11: "Maliwanag, kung gayon, na walang taong ibibilang na matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan sapagkat "Ang pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay."

Galacia 4:5-6: "upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y mabibilang na mga anak ng Diyos. Upang ipakilalang kayo'y mga anak ng Diyos, pinagkalooban niya tayo ng Espiritu ng kanyang Anak nang tayo'y makatawag sa kanya ng "Ama! Ama ko!"

Galacia 5:22-23: "Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang utos laban sa ganitong mga bagay."

Galacia 6:7: "Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; ang Diyos ay di madadaya ninuman. Kung ano ang inihasik ng tao, iyon din ang kanyang aanihin."

Maiksing Pagbubuod: Ang resulta ng pagpapawalang sala sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya ay kalayaang espiritwal. Umapela si Pablo sa mga taga Galacia sa 5:1 na manatiling matatag sa kanilang kalayaan at huwag na silang muling bumalik sa pagkaalipin sa Kautusan ni Moises. Hindi dapat na gamitin ang kalayaan ng Kristiyano upang sundin ang pita ng laman; sa halip ito ay isang oportunidad na magmahalan sa isa't isa (Galacia 5:13; 6:7-10). Hindi inihihiwalay ng kalayaang ito ang tao sa pakikipaglaban sa kasalanan. Manapa, ang kalayaang ito ang nagpapasidhi ng labanan sa pagitan ng Espiritu at ng laman. Gayunman, ang laman (ang mababang kalikasan) ay ipinako ng kasama ni Kristo (Galacia 2:20); at dahil dito, ang Espiritu ay nagbubunga ng pag-ibig, kagalakan, at kapayapaan sa ating buhay (Galacia 5:22-23).

Ang sulat para sa mga taga Galacia ay isinulat sa espiritu ng pagkabalisa. Para kay Pablo, hindi isyu kung tuli man o hindi ang isang tao, kundi kung siya ba ay naging isang "bagong nilalang" (Galacia 6:15). Kung hindi nagtagumpay si Pablo sa kanyang argumento na ang pagpapawalang sala ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya, ang Kristiyanismo ay mananatiling isang sekta lamang sa ilalim ng Judaismo, sa halip na maging pangkalahatahang daan sa kaligtasan. Kaya nga ang Galacia ay isang aklat hindi lamang para kay Luther; ito ay aklat din para sa bawat mananampalataya na naniniwalang gaya ni Pablo, "At kung ako ma'y buhay hindi na ako ang nabubuhay kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nasa daigdig, namumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at nag-alay ng kanyang buhay para sa akin."

Inilalarawan ng Aklat ng Santiago at Galacia ang dalawang aspeto ng Kristiyanismo na inakala ng marami na nagkokontrahan sa isa't isa, ngunit sa katotohanan sila ay nagsusuportahan sa isa't isa. Itinuturo ni Santiago ang gawa ng isang na kay Kristo, ang nagpapatunay sa kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng mga nakikitang bunga nito sa kanyang buhay. Ngunit itinuturo din naman ni Santiago gaya ni Pablo ang pangangailangan ng transpormasyon o pagbabago sa buhay ng indibidwal sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, hindi sa kanyang sariling kakayahan (Santiago 1:18). Binibigyan diin ng Galacia ang katotohanan ng ebanghelyo na nagbubunga ng gawa na binibigyang diin naman ni Santiago (Galacia 3:13-14). Hindi binabalewala ni Pablo ang bunga ng pananampalataya na nakikita sa gawa ng isang tunay na nananampalataya (Galacia 5:13). Gaya ng isang barya na may dalawang mukha, ang dalawang aspetong ito ng Kristiyanismo at dapat na laging magkasama.

Koneksyon sa Lumang Tipan: Sa buong sulat ni Pablo sa mga taga Galacia, pinag kumpara niya ang kaloob ng kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos — laban sa Kautusan ni Moises na hindi nakapagliligtas. Ang mga Judaizers ay mga taong bumabalik sa Kautusan ni Moises bilang dahilan ng pagpapawalang sala. Ang mga taong ito ay karaniwan sa unang iglesya, na kahit pa nga si Pedro ay pansamantalang naakit ng kanilang mapandayang katuruan (Galacia 2:11-13). Napakalaki ng pagtingin ng mga unang Kristiyano sa kautusan kaya't kinailangan ni Pablong ulit ulitin na walang kinalaman ang pagtupad sa Kautusan sa kaligtasan sa biyaya. Ang tema na nagkokonekta sa Aklat ng Galacia sa Lumang Tipan ay nakasentro sa paksa ng Kautusan at Biyaya: ang kawalan ng kakayahan ng kautusan na magpawalang sala (2:16); ang pagiging patay ng mananampalataya sa kautusan (2:19); Ang pagpapawalang sala kay Abraham sa pamamagitan ng pananampalataya (3:6); ang kautusan ay sumpa ng Diyos at hindi nakapagliligtas (3:10); at pag-ibig, hindi gawa ang gumaganap sa kautusan (5:14).

Praktikal na Aplikasyon: Ang isa sa mga pangunahing tema ng Aklat ng Galacia ay matatagpuan sa 3:11 "ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya" Hindi lamang tayo naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya (Juan 3:16; Efeso 2:8-9), kundi ang buhay ng isang mananampalataya kay Kristo — sa bawat araw, minu-minuto — ay ipinamumuhay sa pamamagitan ng pananampalataya. Hindi galing sa ating sarili ang pananampalataya — ito ay kaloob ng Diyos hindi sa gawa — ngunit ito ay isang responsibilidad at kagalakan na (1) ipakita ang ating pananampalataya upang makita ng iba ang ginawa sa atin ni Kristo, at (2) upang umunlad ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga espiritwal na disiplina gaya ng pag-aaral ng Bibliya, pananalangin at pagsunod sa Diyos.

Sinabi ni Hesus na makikilala ang Kanyang mga alagad sa pamamagitan ng kanilang mga bunga (Mateo 7:16) na siyang ebidensya ng pananamapalataya na kanilang tinataglay. Dapat na maging masikap ang mga Kristiyano sa pagpapatibay ng kanilang pananampalataya upang makita sa kanila ang buhay na nakaugnay kay Kristo at upang "luwalhatiin ng mga tao ang kanilang Ama sa langit" (Mateo 5:16).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Aklat ng Galacia
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries