settings icon
share icon

Aklat ng Filipos

Manunulat: Ipinakilala sa Filipos 1:1 si Pablo bilang manunulat ng aklat at maaaring tinulungan siya ni Timoteo.

Panahon ng Pagkasulat: Ang aklat ng Filipos ay maaaring nasulat noong humigit kumulang A. D. 61.

Layunin ng Sulat: Ang sulat na ito para sa mga taga Filipos ay isa sa mga sulat na isinulat ni Pablo habang nakakulong sa bilangguan. Ito ay isinulat sa Roma. Sa Filipos, sa ikalawang paglalakabay ni Pablo bilang misyonero, nakakilala sa Panginoon sina Lydia at ang bantay bilanggo at ang kanyang buong pamilya (Gawa 16:12). Pagkatapos ng ilang taon, naitatag ang iglesya sa Filipos. Makikita na kasama ang mga "obispo (matatanda sa iglesya) at mga diyakono" ito sa pambungad na pagbati ni Pablo (Filipos 1:1).

Ang dahilan ng pagsulat ni Pablo sa mga taga Filipos ay upang kilalanin ang kanilang abuloy na dinala sa mga apostol sa pamamagitan ni Epafrodito, isa sa mga miyembro ng iglesya sa Filipos (Filipos 4:10-18). Ito ay isang sulat ng pag-ibig at pasasalamat sa isang grupo ng Kristiyano na malapit sa puso ni Pablo (2 Corinto 8:1-6), at kakaunti lamang ang nabanggit tungkol sa maling doktrina kumpara sa ibang mga suilat ni Pablo.

Mga Susing Talata: Filipos 1:21: "Sapagkat para sa akin si Cristo ang buhay at dahil dito'y pakinabang ang kamatayan."

Filipos 3:7: "Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na maaari kong ibilang na pakinabang ay inari kong kalugihan."

Filipos 4:4: "Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko: magalak kayo!"

Filipos 4:6-7: "Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus."

Filipos 4:13: "Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo."

Maiksing Pagbubuod: Maaring tawagin ang Aklat ng Filipos bilang "kadluan ng lakas sa panahon ng pagdurusa." Ang aklat ay tungkol sa kung sino si Kristo sa ating buhay, si Kristo sa ating isip, si Kristo bilang ating layunin at si Kristo bilang ating lakas at kagalakan sa gitna ng mga pagdurusa. Isinulat ito ni Pablo habang nakabilanggo siya sa Roma may tatlumpong taon pagkatapos na umakyat ng Panginoong Hesus sa langit at may sampung taon pagkatapos na mangaral ni Pablo sa Filipos.

Bilanggo ni Nero si Pablo ngunit ang sulat ay punong puno ng salita ng pagtatagumpay at laging mababasa ang mga salitang "kagalakan" at "magalak" (Filipos 1:4, 18, 25, 26; 2:2, 28; Filipos 3:1, 4:1, 4, 10). Ipinakikita sa aklat na ito na sa gitna ng lahat ng nangyayari sa ating mga buhay, ang buhay, kalikasan at isipan ni Kristo ay nanahanan sa atin (Filipos 1:6, 11; 2:5, 13). Naabot ng Filipos ang rurok sa 2:5-11 sa pamamagitan ng maluwalhating deklarasyon tungkol sa pagpapakumbaba at pagtataas ng Diyos sa ating Panginoong Hesu Kristo.

Maaaring hatiin ang Aklat ng Filipos sa ilang bahagi gaya ng sumusunod:
Panimula, 1:1-7
I. Si Kristo ang buhay ng Kristiyano: Kagalakan sa gitna ng Pagdurusa, 1:8-30
II. Si Kristo ang huwaran ng Kristiyano: Kagalakan sa Paglilingkod, 2:1-30
III. Si Kristo ang pinaguukulan ng pananampalatayang Kristiyano, ang ninanais at Inaasahan, 3:1-21
IV. Si Kristo ang lakas ng Kristiyano: Kagalakan sa gitna ng Kabalisahan, 4:1-9
Konklusyon, 4:10-23

Koneksyon sa Lumang Tipan: Gaya ng iba niyang sulat, pinaalalahanan ni Pablo ang mga taga Filipos sa inklinasyon na maniwala sa katuruan ng legalismo na patuloy na sumisingit sa mga naunang iglesya. Napakalakas ng hatak ng Lumang Tipan para sa mga Hudyo at ipinagpatuloy ng mga Judaizers na himukin ang mga bagong mananampalataya na bumalik sa katuruan ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa. Ngunit patuloy na binigyang diin ni Pablo na ang kaligtasan ay sa biyaya lamang sa pamamagitan ng pananampalataya hindi sa anumang gawang ayon sa Kautusan. Tinawag niya ang mga Judaizers na mga "aso" at mga "taong gumagawa ng kasamaan." Ipinagpilitan ng mga legalista na dapat na magpatuli ang mga bagong mananampalataya ayon sa itinatadhana ng Lumang Tipan (Genesis 17:10-12; Levitico 12:3). Sa ganitong paraan, sinikap nilang bigyang kasiyahan ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling gawa at itinaas ang kanilang mga sarili ng higit sa mga mananamapalatayang Hentil na ayaw makilahok sa nasabing ritwal. Ipinaliwanag ni Pablo na yaong mga nahugasan na ng dugo ni Kristo ay hindi na kailangang magsagawa pa ng mga ritwal na sumisimbolo sa panlabas na paglilinis.

Praktikal na Aplikasyon: Ang Aklat ng Filipos ang isa sa mga napakapersonal na sulat ni Pablo at marami itong aplikasyon na mailalapat sa buhay ng mga mananampalataya sa kasalukuyan. Sumulat mula sa isang bilangguan sa Roma, hinimok ni Pablo ang mga taga Filipos na sundan kanyang halimbawa at "lalo silang tumibay sa kanilang pananalig sa Panginoon. Hindi lamang iyon, lalo pang lumakas ang kanilang loob na ipangaral ang salita" (Filipos 1:14) sa panahon ng paguusig. Naranasan na ng lahat ng Kristiyano ang paglaban ng mga hindi mananampalataya sa Ebanghelyo ni Kristo. Dapat itong asahan. Sinabi ni Hesus na kung kinamuhian Siya ng mundo, kamumuhian din ng mundo ang Kanyang mga tagasunod (Juan 5:18). Pinapayuhan tayop ni Pablo na maging matiyaga sa harap ng paguusig at "pagsikapan nating mamuhay ayon sa Mabuting Balita tungkol kay Kristo" (Filipos 1:27).

Ang isa pang aplikasyon ng aklat para sa mga Kristiyano ngayon ay ang pangangailangan ng pagkakaisa at pagpapakumbaba. Nagkakaisa tayo kay Kristo at kailangan nating pagsikapan na maging isa sa ating pagiisip. Pinaaalalahanan tayo ni Pablo na paghariin ang pagkakasundo, mabuklod ng iisang pag-ibig at maging isa sa puso't diwa. Huwag gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad na matanyag, at magpakababa at huwag ipalagay na mabuti ang sarili kaysa iba. Ipagmalasakit natin ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa sarili. (Filipos 2:2-4). Tiyak na mababawasan ang pagaaway sa mga iglesya ngayon kung didinggin natin ang mga payong ito ni Pablo.

Ang isa pang aplikasyon ng Aklat ng Filipos ay makikita sa salitang "galak" at "kagalakan" na makikita sa buong aklat. Nagalak siya na naipapangaral si Kristo (Filipos 1:8); nagagalak siya sa paguusig sa kanya ng mga Romano (2:18); pinayuhan niya ang iba na magalak lagi sa Panginoon (3:1); at tinukoy niya ang mga Kristiyano sa Filipos bilang kanyang "kagalakan at putong" (4:1). Winakasan niya ang kanyang sulat sa mga pananalitang: "Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko: magalak kayo" (4:4-7). Bilang mga mananampalataya maaari tayong magalak at maaari nating maranasan ang kapayapaan na nanggagaling sa Diyos kung ipauubaya natin sa Kanya ang ating mga kabalisahan at kung "hihingin natin sa Diyos ang lahat ng ating kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat" (4:6). Ang kagalakan ni Pablo, sa kabila ng pagkabilanggo at paguusig ay nangibabaw sa kanyang sulat. Pinangakuan tayo ng Diyos ng parehong kagalakan na kanyang naranasan kung lagi nating itutuon ang ating isip sa Diyos at sa Kanyang ginawa para sa atin sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu Kristo (Filipos 4:8).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Aklat ng Filipos
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries