settings icon
share icon

Aklat ng 3 Juan

Manunulat: Hindi direktang tinukoy kung sino ang manunulat ng Aklat ng 3 Juan. Ngunit mula pa noong una, itinuturing na sa tradisyon na si Apostol Juan ang manunulat ng aklat na ito. Paminsan minsan, pinagdududahan ang pagiging manunulat ni Apostol Juan ng mga naniniwala na posibleng may kapangalan si Juan na siyang sumulat ng aklat. Sa kabila nito, ang lahat ng ebidensya ay nagpapatunay na si Apsotol Juan nga ang manunulat ng aklat na ito.

Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng 3 Juan ay maaring nasulat sa pagitan ng A.D. 85-95 ang parehong panahon na naisulat ang iba pang mga aklat ni Apostol Juan, ang 1 at 2 Juan.

Layunin ng Sulat: May tatlong layunin si Apostol Juan sa pagsulat ng aklat. Una, isinulat niya ito upang purihin at palakasin ang loob ng kanyang minamahal na kamanggagawang si Gayo dahil sa ginagawa nitong paglilingkod at pagpapatuloy sa kanyang tahanan ng mga naglalakbay na manggagawa habang ipinapangaral ang Ebanghelyo ni Kristo. Ikalawa, binalaan niya si Gayo at kinondena ang paguugali ni Diotrefes, isang diktador na tagapanguna na inagaw ang pangunguna sa isang iglesya sa probinsya ng Asya. Ang ugaling ito ni Diotrefes ay salungat sa ugali ng mga apostol at ng mga tunay na mangangaral ng Ebanghelyo. Ikatlo, pinuri niya si Demetrio dahil sa magandang patotoo nito sa lahat ng mananampalataya.

Mga Susing Talata: 3 Juan 4: "Wala nang higit na makapagpapaligaya sa akin kaysa marinig ang balitang namumuhay ayon sa katotohanan ang aking mga anak."

3 Juan 11: "Mahal kong kaibigan, huwag mong tularan ang masamang halimbawa kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay anak ng Diyos; ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Diyos."

Maiksing Pagbubuod: Sumulat si Juan taglay ang likas na pagbibigay diin sa katotohanan habang pinapupurihan ang kanyang minamahal na kapatid sa Panginoon na si Gayo, isang kilala at may kayang manggagawa sa isang siyudad malapit sa Efeso. Pinuri niya ang ginagawa nitong pagpapatuloy sa mga naglalakbay na mangangaral ng Ebanghelyo kakilala man niya o hindi. Pinayuhan ni Juan si Gayo na ipagpatuloy ang kanyang ginagawang kabutihan at sinabihan na huwag gayahin si Diotrefes. Inagaw ni Diotrefes ang pamamahala sa isang iglesya sa Asya at hindi lamang tinatanggihan ang awtoridad ni Apostol Juan kundi tinatanggihan din ang kanyang sulat at ang kanyang mga payo. Nagpakalat din si Diotrefes ng mga malisyosong impormasyon upang siraan si Juan at itiniwalag ang mga miyembro na nagpapakita ng suporta at tumutulong sa mga mensahero ni Juan. Sa pagtatapos ng kanyang sulat, pinuri din ni Juan si Demetrio na nagpakita rin ng magandang halimbawa sa lahat ng mananampalataya.

Koneksyon sa Lumang Tipan: Ang konsepto ng pagpapatuloy sa mga dayuhan ay maraming beses na ipinakita sa Lumang Tipan. Kabilang sa mga gawa na nagpapapaktia ng kabutihan sa mga dayuhan sa Israel ay ang mapagpakumbaba at mabiyayang pagtanggap sa mga bisita upang bigyan ng pagkain, proteksyon at silid-tulugan (Genesis 18:2-8, 19:1-8; Job 31:16-23, 31-32). Inilarawan din sa aklat ang mga Israelita sa Lumang Tipan bilang mga dayuhan na umaasa sa kagandahang loob ng Diyos (Awit 39:12) na Siyang tanging kumatagpo ng kanilang mga pangangailangan, nagpalaya sa kanila mula sa Egipto at nagpakain at nagbihis sa kanila sa ilang (Exodo 16; Deuteronomio 8:2-5).

Praktikal na Aplikasyon: Gaya ng laging binibigyang diin ni Juan sa kanyang mga sulat, muli niyang binanggit ang kahalagahan ng paglakad sa katotohanan ng Ebanghelyo. Ang kagandahang loob, suporta at pagpapalakas ng loob ng ating mga kapawa mananampalataya ang isa sa mga katuruan ng ating Panginoong Hesu Kristo at si Gayo ang isa sa pinakamagandang halimbawa ng ganitong pag-uugali. Dapat din nating gawin ang gayon sa abot ng ating makakaya - ang magpatuloy at tumulong sa mga misyonero, mangangaral at mga estranghero (kung natitiyak natin na sila ay tunay na mga mananampalataya) hindi lamang sa ating iglesya kundi sa atin din namang mga tahanan at palakasin ang kanilang loob at tulungan sila sa kanilang mga pangangailangan.

Dapat nating sundan ang halimbawa ng mga mananampalataya na ang mga gawa at salita ay naaayon sa Ebanghelyo at magbantay din naman at iwasan ang mga taong katulad ni Diotrefes na gumagawa ng mga bagay na salungat sa itinuturo ng ating Panginoong Hesu Kristo.

English
Bumalik sa Tagalog Home Page

Aklat ng 3 Juan
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries