Aklat ng 2 Timoteo
Manunulat: Ipinakilala sa 2 Timoteo 1:1 si Apostol Pablo bilang manunulat ng Aklat ng 2 Timoteo.Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng 2 Timoteo ay sinulat noong humigit kumulang A.D. 57, bago mamatay si Apostol Pablo.
Layunin ng Sulat: Muling nakulong sa Roma, nakadama si Apostol Pablo ng kalungkutan at pangungulila. Alam ni Pablo na malapit na ang kanyang pagpanaw. Sa esensya, ang Aklat ng 2 Timoteo ay Aklat ng "huling pamamalam" ni Pablo. Kinalimutan niya ang kanyang sariling kapakanan at ipinahayag ang kanyang pagmamalasakit para sa mga iglesya partikular kay Timoteo. Ginamit ni Pablo ang kanyang mga huling pananalita upang palakasin ang loob ni Timoteo at iba pang mananampalataya upang magpatuloy sila sa kanilang pananampalataya (2 Timoteo 3:14) at upang ipahayag ang Ebanghelyo ni Hesu Kristo (2 Timoteo 4:2).
Mga Susing Talata: 2 Timoteo 1:7, "Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Diyos kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil sa sarili."
2 Timoteo 3:16-17, "Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyosa at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain."
2 Timoteo 4:2, "ipangaral mo ang salita ng Diyos, napapanahon man o hindi; hikayatin mo, pagsabihan, at patatagin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo."
2 Timoteo 4:7-8, "Puspusan akong lumaban sa paligsahan. Natapos ko na ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kakamtan ko na ang korona ng pagtatagumpay. At sa Araw na yaon, ang Panginoon na siyang makatarungang hukom, ang magpuputong sa akin ng korona, hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa muli niyang pagparito."
Maiksing Pagbubuod: Hinamon ni Pablo si Timoteo na manatiling masigasig sa paglilingkod kay Kristo at manatiling tapat sa tamang doktrina (2 Timoteo 1:1-2, 13-14). Ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na iwasan ang mga maling paniniwala at pamumuhay at lumayo sa immoralidad (2 Timoteo 2:14-26). Sa wakas ng mga panahon, magiging masidhi ang paguusig at pagtalikod sa pananampalatayang Kristiyano (2 Timoteo 3:1-17). Tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa isang pakiusap sa mga mananampalataya na manatiling matibay na nakatayo sa pananampalataya at tapusin ang takbuhing nasa kanilang harapan bilang mga Kristiyano (2 Timoteo 4:1-8).
Koneksyon sa Lumang Tipan: Ganoon na lamang ang pagmamalasakit ni Pablo na kanyang binalaan si Timoteo at ang mga mananampalataya na kanyang pinagpapastoran tungkol sa panganib na dala ng mga bulaang guro. Ginamit ni Pablo na halimbawa sa paglalarawaran sa mga bulaang guro ang kuwento ng mga salamangkero sa Egipto na lumaban kay Moises (Exodo 7:11, 22; 8:7, 18, 19; 9:11). Bagamat hindi nabanggit ang kanilang pangalan sa Lumang tipan, ayon sa tradisyon, pinangunahan ng mga lalaking ito ay ang paggawa ng guyang ginto at dahil doon pinagpapatay sila kasama ng iba pang mga sumasamba sa diyus diyusan (Exodo 32). Hinulaan ni Pablo na ganito rin ang mangyayari sa mga taong nilalabanan ang katotohanan ni Kristo, na ang kanilang kamangmangan ay maliwanag na "nahayag sa lahat ng tao" (2 Timoteo 3:9).
Praktikal na Aplikasyon: Napakadaling maligaw ang mga Kristiyano sa kanilang pananampalataya at pamumuhay bilang Kristiyano. Kailangan nating laging ituon ang ating paningin sa gantimpala - na ipagkakaloob sa atin ni Hesu Kristo sa kalangitan (2 Timoteo 4:8). Kailangang nating iwasan ng buong sikap ang mga maling doktrina at umiwas sa makasalanang pamumuhay. Magagawa lamang natin ito kung matibay tayong nakatayo sa tamang pundasyon - sa Salita ng Diyos - at tumanggi sa anumang mga katuruan na hindi ayon sa itinuturo ng Bibliya.
English
Aklat ng 2 Timoteo