Aklat ng 2 Juan
Manunulat: Hindi direktang tinukoy kung sino ang sumulat ng Aklat ng 2 Juan. Itinuturing ng tradisyon mula pa noong una na ang manunulat ng aklat na ito ay walang iba kundi si Apostol Juan. May mga ilang sapantaha sa pagdaan ng panahon na maaaring isa pang disipulo na nagngangalan ding Juan ang sumulat ng aklat. Gayunman, itinuturo ng lahat ng ebidensya na ang minamahal na alagad na si Juan ang sumulat ng Aklat ng 2 Juan.Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng 2 Juan ay maaaring nasulat sa parehong panahon kung kailan isinulat din ang iba pang mga Aklat ni Juan, ang 1 at 3 Juan sa pagitan ng A.D. 85 at 95.
Layunin ng Sulat: Ang Aklat ng 2 Juan ay isang mahalagang pakiusap para sa mga mambabasa na ipakita ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Hesus sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang utos na magibigan sa isa't isa at mamuhay ayon sa Kasulatan. Ang Aklat ng 2 Juan ay isa ring babala laban sa mga bulaang guro na nagtuturo na hindi nabuhay na mag-uli si Hesus mula sa mga patay.
Mga Susing Talata: 2 Juan 6: "Ito ang utos na ibinigay sa inyo noon pang una: mamuhay kayo ayon sa pag-ibig. At ito ang kahulugan ng pag-ibig na binabanggit ko: mamuhay ayon sa mga utos ng Diyos."
2 Juan 8-9: "Mag-ingat nga kayo upang huwag mawala ang inyong pinagpaguran, kundi lubusan ninyong kamtan ang gantimpala. Ang hindi nananatili sa turo ni Cristo kundi nagdaragdag dito, ay hindi pinananahanan ng Diyos. Sinumang nananatili sa turo ni Cristo ay pinananahanan ng Ama at ng Anak."
Maiksing Pagbubuod: Ang Aklat ng 2 Juan ay isinulat para sa 'babaeng hinirang at kanyang mga anak." Maaaring ang babaeng ito ay isang prominenteng miyembro ng iglesya o isang "secret code" na tumutukoy sa lokal na iglesya at sa mga miyembro nito. Sa panahong iyon, pinaguusig ang mga Kristiyano at kadalasang ginagamit nila ang mga "secret code" para sa kanilang proteksyon.
Ang pangunahing tema ng Aklat ng 2 Juan ay ang babala laban sa mga mandarayang guro na nagtuturo ng maling doktrina tungkol kay Kristo. Ang maling doktrinang itinutuwid ng aklat ay ang katuruan na hindi umano nabuhay ang pisikal na katawan ni Kristo kundi ang Kanya lamang espiritu. Lubhang nag-aalala si Juan para sa mga mananampalataya kaya't minarapat niyang babalaan ang mga ito na huwag makinig at maniwala sa mga bulaang guro.
Koneksyon sa Lumang Tipan: Inilarawan ni Juan na hindi isang emosyon o pakiramdam lamang ang pag-ibig kundi pagsunod sa mga utos ng Diyos. Binigyan niya ng diin ang kahalagahan ng mga utos ng Diyos, lalo na ang "una at pinakadakilang utos," ang pag-ibig sa Diyos (Deuteronomio 6:5) at ang ikalawang utos - ang pag-ibig sa isa't isa (Mateo 22:37-40; Levitico 19:18). Hindi pinawalang bisa ni Hesus ang mga Kautusan sa Lumang Tipan bagkus, ginanap Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang pagsunod sa utos ng Ama.
Praktikal na Aplikasyon: Napakahalaga na suriin muna natin ang ating mga nakikita, naririnig at nababasa mula sa mga nagaangkin na sila ay "Kristiyano". Kailangan itong bigyang pansin dahil pandaraya ang pinakamabisang sandata ni Satanas. Napakadaling makakumbinsi ng isang bago at nakakaakit na doktrina na sa biglang tingin ay ayon sa kasulatan ngunit kung susuriing mabuti ay matatanto na salungat at nagaakay sa tao papalayo sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Kung ang isang katuruan ay hindi malinaw na sumasang ayon sa Kasulatan, ang katuruang iyon ay mali at hindi mula sa Espiritu at hindi natin dapat na pakinggan at paniwalaan.
English
Aklat ng 2 Juan