Aklat ng 2 Corinto
Manunulat: Ipinakilala sa 2 Corinto 1:1 na si Pablo ang manunulat ng aklat at posibleng silang dalawa ni Timoteo.Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng 2 Corinto ay isinulat noong humigit kumulang A.D. 55-57.
Panahon ng Pagkasulat: Naitatag ang iglesya sa Corinto noong 52 A.D. ng bumisita si Pablo doon sa Kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero. Tumigil siya doon ng isa't kalahating taon, at ito ang unang lugar na maaari siyang tumigil hanggat gusto niya. Ang tala ng kanyang pagbisita at ang pagkatatag ng iglesya sa Corinto ay matatagpuan sa Aklat ng mga Gawa 18:1-18.
Sa kanyang ikalawang sulat sa mga taga Corinto, ipinahayag ni Pablo ang kasiyahan ng kanyang puso at kagalakan dahil sa positibong tinanggap ng mga taga Corinto ang kanyang unang sulat na naglalaman ng masidhing kalungkutan at pagtutuwid. Ang sulat na ito ay tumalakay sa mga isyu na naghahati sa iglesya, dahil sa pagdating ng mga nagpapanggap na mga apostol (2 Corinto 11:13) na sisnisiraan si Pablo. Kinuwestiyon ng ilang mga taga Corinto ang kanyang pagiging apostol (2 Corinto 1:15-17), ang kanyang kakayahang magsalita (2 Corinto 10:10; 11:6), at ang kanyang pagtanggi na tumanggap ng suportang pinansyal mula sa iglesya (2 Corinto 11:7-9; 12:13). May mga miyembro din na tumangging magsisi sa kanilang makasalanang pamumuhay (2 Corinto 12:20-21).
Lubhang nagalak si Pablo ng kanyang malaman na karamihan sa mga Kristiyano sa Corinto ay nagsisi sa kanilang paglaban kay Pablo (2 Corinto 2:12-13; 7:5-9). Sinabi ng apostol na ginawa niya iyon upang ipahayag ang kanyang tunay na pag-ibig sa kanila (2 Corinto 7:3-16). Ipinaglaban at pinatunayan ni Pablo ang kanyang pagiging apostol, na pinagdududahan ng ilang mga miyembro ng iglesya sa Corinto (2 Corinto13:3).
Mga Susing Talata: 2 Corinto 3:5: "Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming sapat na kakayahang gawin ito; ang Diyos ang nagkaloob nito sa amin."
2 Corinto 3:18: "At ngayong naalis na ang talukbong sa ating mukha, tayong lahat ang nagiging sinag ng kaningningan ng Panginoon. At ang kaningningang iyon na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang bumabago sa ating anyo upang maging lalong maningning, hanggang sa maging mistulang larawan niya."
2 Corinto 5:17: "Kaya't ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya'y bago na!"
2 Corinto 5:21: "Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya."
2 Corinto 10:5: "Sinusugpo ko ang lahat ng pagmamataas laban sa Diyos, at binibihag ang lahat ng isipan upang tumalima kay Cristo."
2 Corinto 13:4: "Bagamat siya'y mahina nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Diyos. Dahil sa pakikipag-isa sa kanya, ako'y mahina rin ngunit nabubuhay ako ngayon sa kapangyarihan ng Diyos upang mangaral sa inyo."
Maiksing Pagbubuod: Pagkatapos batiin ang mga mananampalataya sa iglesya sa Corinto at ipaliwanag kung bakit hindi siya nakabisita doon gaya ng kanyang naunang plano, (tal. 1:3"2:2), ipinaliwanag ni Pablo ang kalikasan ng kanyang ministeryo. Ang pagtatagumpay sa pamamagitan ni Kristo at ang kanyang katapatan sa harapan ng Diyos ang tatak ng kanyang ministeryo sa mga iglesya (2:14-17). Ikinumpara niya ang maluwalhating ministeryo ng katwiran sa "ministeryo ng sumpa" ng kautusan (tal. 3:9) at idineklara niya ang kanyang pananampalataya sa katotohanan ng kanyang ministeryo sa kabila ng matinding pag-uusig (4:8-18). Inilista sa kabanata 5 ang basehan ng pananampalatayang Kristiyano (tal. 17) at ang pagpapalit Niya sa ating mga kasalanan ng katuwiran ni Kristo (tal. 21).
Ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang ministeryo sa kabanata 6 at 7 at tiniyak muli sa mga taga Corinto ang kanyang tapat na pag-ibig para sa kanila at hinimok sila na magsisi at mamuhay ng may kabanalan. Sa kabanata 8 at 9, pinayuhan ni Pablo ang mga mananampalataya na sundan ang halimbawa ng mga mananampalataya sa Macedonia at ipaabot ang kanilang tulong para sa mga nangangailangang mananampalataya sa Jerusalem. Tinuruan din sila ni Pablo ng prinsipyo at gantimpala ng mabiyayang pagkakaloob.
Tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa pamamagitan ng pagpapaalala ng kanyang awtoridad sa mga taga Corinto (kabanata 10) at paghimok sa kanilang katapatan sa kanya sa harap ng paglaban ng mga bulaang apostol. Tinawag niyang "hangal" ang kanyang sariling dahil sa kanyang pagmamalaki sa kanyang mga kwalipikasyon bilang apostol at sa kanyang pagdurusa dahil sa Panginoong Hesu Kristo (kabanata 11). Sa huli, inilarawan niya ang kanyang karanasan ng pagpunta sa ikatlong langit at ang pagbibigay sa kanya ng Diyos ng isang "tinik sa laman" upang matuto siyang magpakumbaba (Kabanata 12). Nagbabala si Pablo sa mga taga Corinto na suriin nila ang kanilang mga sarili ang upang matiyak kung sila ay nasa katotohanan at nagwakas siya sa isang benediksyon ng pag-ibig at kapayaapaan.
Koneksyon sa Lumang Tipan: Sa buong 2 Corinto, palaging tinutukoy ni Pablo ang Kautusan ni Moises at ikinukumpara ito sa kadakilaan ng Ebanghelyo ni Hesu Kristo at ng kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya. Sa 2 Corinto 3:4-11, pinaghambing ni Pablo ang mga utos sa Lumang Tipan sa Bagong Tipan ng Biyaya at sinabing ang Kautusan ay pumapatay samantalang ang Espiritu ay nagbibigay buhay. Ang Kautusan ang "ministeryo ng kamatayan na isinulat at iniukit sa bato" (tal. 7; Exodus 24:12) dahil ito ang nagbibigay kaalaman tungkol sa kasalanan at sumpa. Ipinakikita ng kaluwalhatian ng Kautusan ang kaluwalhatian ng Diyos, ngunit ang ministeryo ng Banal na Espiritu ay higit na maluwalhati sa ministeryo ng Kautusan dahil inilalarawan nito ang habag, biyaya at pag-ibig ng Diyos sa pagbibigay kay Hesu Kristo bilang katuparan ng Kautusan.
Praktikal na Aplikasyon: Ang sulat na ito ang pinaka naglalaman ng mga personal na bagay tungkol sa buhay ni Pablo at kakaunti ang mga katuruan tungkol sa doktrina kumpara sa ibang mga sulat ni Pablo. Sinasabi dito ang tungkol sa pagkatao ni Pablo at ang kanyang mga nagawa at mga katangian bilang isang lingkod ng Diyos. May ilang bagay ang ating matututuhan mula sa sulat na ito na ating maaaring ilapat sa ating mga sariling buhay sa kasalukuyan. Una ay ang pagiging katiwala ng mga kaloob ng Diyos, hindi lamang ng pera kundi pati ng ating panahon. Hindi lamang nagbigay ng masagana ang mga taga Macedonia, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon at pagkatapos ay kina Pablo sa pagsunod sa kalooban ng Diyos (2 Corinto 8:5). Sa ganito ring paraan, kailangan din nating italaga ang ating sarili sa Diyos pati na ang lahat lahat sa atin. Lubos ang kapangyarihan ng Diyos! Nais Niya ang ating puso na nagnanais na maglingkod at bigyan Siya ng kasiyahan sa pag-ibig. Ang pagiging katiwala at pagbibigay sa Panginoon ay hindi lamang sa salapi. Oo nga't nais ng Diyos ang ika-sampung bahagi ng ating mga tinatanggap at ipinangako Niya na pagpapalain Niya tayo kung magbibigay tayo sa Kanyang gawain. Ngunit may higit pa rito. Nais ng Diyos ang isandaang porsyento . Nais Niya na ibigay natin ang lahat sa Kanya anuman ang mayroon tayo. Dapat nating gugulin ang ating buhay sa paglilingkod sa ating Ama. Hindi lamang tayo dapat magbigay sa gawain ng bahagi ng ating suweldo, kundi dapat na ipagamit natin sa Kanya ng ating mga buhay. Dapat nating ipagkaloob ang ating sarili una muna sa Panginoon, pagkatapos ay sa iglesya at sa ministeryo ng ating Panginoong Hesu Kristo.
English
Aklat ng 2 Corinto