Aklat ng 1 Timoteo
Manunulat: Ang Aklat ng 1 Timoteo ay isinulat ni Apostol Pablo (1 Timoteo 1:1).Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng 1 Timoteo ay sa pagitan ng A.D. 62 at 66.
Layunin ng Sulat: Sinulatan ni Pablo si Timoteo upang palakasin ang kanyang loob sa pagganap ng kanyang responsibilidad sa pangangasiwa sa iglesya sa Efeso at maaaring sa iba pang mga iglesya sa probinsya ng Asia (1 Timoteo 1:3). Tinalakay ng sulat na ito ni Pablo ang pundasyon sa pagpili ng mga matanda sa Iglesya (1 Timoteo 3:1-7), at upang magbigay ng gabay sa pagtatalaga ng mga manggagawa (1 Timoteo 3:8-13). Sa esensya, ang 1 Timoteo ay manwal ng mga tagapanguna para sa pangangasiwa at pangunguna sa iglesya.
Mga Susing Talata: 1 Timoteo 2:5, "Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus."
1 Timoteo 2:12, "Hindi ko pinapayagang ang babae'y magturo o mamahala sa mga lalaki; kailangang tumahimik siya."
1 Timoteo 3:1-2, "Kailangan ding isa lang ang asawae ng isang tagapaglingkod sa iglesya, maayos siyang mamahala sa sariling sambahayan at mabuting magpasunod sa kanyang mga anak."
1 Timoteo 4:9-10, "Totoo ang kasabihang ito at dapat paniwalaan. Dahil dito, tayo'y nagsisikap at nagpapagal sapagkat umaasa tayo sa Diyos, ang Tagapagligtas ng lahat, lalo na ng mga sumasampalataya."
1 Timoteo 6:12, "Gawin mo ang buo mong makakaya sa pakikibaka alang-alang sa pananampalataya at kakamtan mo ang buhay na walang hanggan, yamang diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harapan ng maraming saksi ang iyong pananampalataya."
Maiksing Pagbubuod: Ito ang unang sulat ni Pablo para kay Timoteo, isang batang pastor na naging katulong ni Pablo sa gawain ng pangangaral ng Ebanghelyo. Si Timoteo ay isang mestiso. Ang kanyang ina ay isang Hudyo samantalang ang kanyang ama ay isang Griyego. Hindi lamang isang tagadisipulo at tagapanguna ni Timoteo si Pablo, kundi gaya si Pablo ng isang ama kay Timoteo at si Timoteo naman ay parang anak na ni Pablo (1 Timoteo 1:2). Sinimulan ni Pablo ang kanyang sulat sa paghimok kay Timoteo na magbantay sa mga bulaang guro at maling katuruan. Gayunman, mas maraming tinalakay sa sulat tungkol sa paguugali ng isang pastor. Tinuruan ni Pablo si Timoteo kung paano ang tamang paraan ng pangunguna (kabanata 2) at kung paano magdisipulo ng mga magiging manggagawa sa iglesya (kabanata 3). Marami sa nilalaman ng aklat ay ang tungkol sa nararapat na paguugali ng isang pastor, mga babala laban sa mga bulaang guro, responsibilidad ng pastor sa iglesya, pagdisipilina sa sa mga nagkakasalang miyembro, pag-aruga sa mga balo, kwalipikasyon sa pagpili ng matatanda sa iglesya at tamang pagtrato sa mga alipin. Sa buong sulat ni Pablo, pinalakas ni Pablo ang loob ni Timoteo upang manatili siyang matatag, matiyaga at tapat sa pagkatawag sa kanya ng Diyos.
Koneksyon sa Lumang Tipan: Ang isa sa nakakatawag ng pansin na may koneksyon sa Lumang Tipan ay ang basehan sa pagtrato sa mga manggagawa ng iglesya. Sinabi ni Pablo na kapatadapat sila sa dobleng paggalang at tamang kaupahan (1 Timoteo 5:17-19). Nararapat din na hindi sila agad agad huhusgahan sa anumang akusasyon na maaaring iparatang sa kanila ng ibang mga miyembro ng iglesya. Binabanggit sa Deuteronomio 24:15, 25:4 at Levitico 19:13 ang pangangailangan ng bayad para sa isang manggagawa sa tamang panahon. Hinihingi ng Kautusan ni Moises ang pangangailangan ng dalawa o tatlong saksi upang maakusahan ang isang manggagawa maling gawain. (Deuteronomio 19:15). Ang mga mananampalatayang Hudyo sa mga iglesyang pinagpastoran ni Timoteo ay pamilyar sa koneksyon sa Lumang Tipan ng nilalaman ng sulat ni Pablo kay Timoteo.
Praktikal na Aplikasyon: Inilarawan ni Pablo si Hesu Kristo bilang tagapamagitan sa tao at sa Diyos (1 Timoteo 2:5), ang Tagapagligtas ng lahat ng nananampalataya sa Kanya. Siya ang Panginoon ng iglesya na pinaglilingkuran ni Timoteo. Malinaw ang mga pangunahing aplikasyon ng sulat ni Pablo para sa kanyang "anak sa pananampalataya." Tinuruan ni Pablo si Timoteo ng mga bagay bagay tungkol sa doktrina, pangunguna at pangangasiwa sa iglesya. Magagamit natin ang parehong katuruan sa ating pangunguna sa ating mga iglesya sa ating panahon. Itinuro din ni Pablo kay Timoteo na ang gawain at ministeryo ng isang pastor, matatanda sa iglesya at mga diyakono ay pantay ang kwalipikasyon sa panahon nila at maging sa panahon ngayon. Ang unang sulat ni Pablo kay Timoteo ay isang isang aklat na nagtuturo ng tamang pamamaraan ng pangunguna sa iglesya, pangangasiwa nito at pagpapastor sa mga tupa ng Diyos. Ang mga katuruan sa aklat na ito ay magagamit din sa ating panahon ngayon para sa mga nagnanais na maging tagapanguna sa iglesya maging ng mga hindi tinawag sa mga posisyon ng pangangasiwa sa iglesya. Nararapat na ipagtanggol ng bawat mananampalataya ang kanilang paniniwala at umiwas sa mga maling katuruan. Ang bawat mananampalataya ay dapat na maging matatag at matiyaga sa panglilingkod.
English
Aklat ng 1 Timoteo