Aklat ng 1 Tesalonica
Manunulat: Tinukoy sa 1 Tesalonica 1:1 si apostol Pablo bilang manunulat ng aklat at maaaring kasama niyang manunulat si Silas at Timoteo.Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng 1 Tesalonica ay nasulat humigit kumulang noong A.D. 50.
Layunin ng Sulat: May maling pagkaunawa ang ilang miyembro ng iglesya sa Tesalonica tungkol sa ikalawang pagparito ng Panginoong Hesu Kristo. Nais ni Pablo na maliwanagan ang mga nalilitong mananampalataya tungkol sa paksang ito. Isinulat din niya ito bilang isang tagubilin para sa banal na pamumuhay.
Mga Susing Talata: 1 Tesalonica 3:5, "Kaya nga, nang hindi na ako makatiis ay nagpasugo ako upang makabalita tungkol sa kalagayan ngayon ng inyong pananalig sa Panginoon. Nag-aalala akong baka nalinlang na kayo ng diyablo; pag nagkagayo'y mawawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal."
1 Tesalonica 3:7, "Dahil sa inyong pananalig kay Cristo, mga kapatid, naaliw kami sa gitna ng aming hirap at pagkabalisa."
1 Tesalonica 4:14-17, "Naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Diyos ang lahat ng namatay na nananalig kay Jesus---upang isama sa kanya. Ito ang aral ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: pagparito ng Panginoon, tayong mga buhay ay hindi mauuna sa mga namatay na. Sa araw na yaon, kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trompeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Cristo. Pagkatapos, tayong mga buhay pa ay titipunin niya sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin sa papawirin ang Panginoon. Sa gayo'y makakapiling niya tayo magpakailanman."
1 Tesalonica 5:16-18 "Magalak kayong lagi; maging matiyaga sa pananalangin. Ipagpasalamat ninyo sa pangalan ni Cristo Jesus ang lahat ng pangyayari, sapagkat yaon ang ibig ng Diyos."
Maiksing Pagbubuod: Ang unang tatlong kabanata ng aklat ay tungkol sa pagnanais ni Pablo na makadalaw sa iglesya sa Tesalonica na hindi niya nagawa dahil sa pagpigil sa kanila ni Satanas (1 Tesalonica 2:18), gayundin kung paanong nagmalasakit si Pablo para sa kanila at ang kanyang katuwaan nang marinig ang tungkol sa kanilang kalagayan. (1 Tesalonica 3:11-13). Sa kabanata 4, tinuruan ni Pablo ang mga mananampalataya sa Tesalonica kung paano mamuhay ng may kabanalan kay Kristo Hesus (1 Tesalonica 4:1-12). Nagpatuloy si Pablo sa pagtuturo sa kanila tungkol sa kanilang maling pagkaunawa sa muling pagparito ni Kristo at sa mga mangyayari sa hinaharap. Sinabi niya na ang katawan ng mga namatay na ay pupunta rin sa langit sa Kanyang muling pagparito (1 Tesalonica 4:13-18, 5:1-11). Nagtapos ang aklat sa mga huling katuruan tungkol sa pamumuhay bilang Kristiyano.
Koneksyon sa Lumang Tipan: Ipinaalala ni Pablo sa mga taga Tesalonica na ang mga paguusig sa kanilang pananampalataya ng kanilang "sariling mga kababayan" (tal. 2:15), ang mga Hudyo na tumanggi sa Mesiyas, ay katulad din ng paguusig na dinanas nga mga propeta sa Lumang Tipan (Jeremias 2:30; Mateo 23:31). Nagbabala si Hesus na ang mga tunay na propeta ng Diyos ay laging lalabanan ng mga makasalanan (Lukas 11:49). Ipinaalala din ni Pablo ang parehong katotohanan sa kanyang sulat sa mga taga Colosas.
Praktikal na Aplikasyon: Ang aklat na ito ay mailalapat sa maraming mga sitwasyon sa buhay ng Kristiyano. Nagbibigay ito ng pagtitiwala sa mga Kristiyano na buhay man patay na tayo sa kanyang muling pagparito, makakasama pa rin Niya tayo (1 Tesalonica 4:13-18). Binibigyan tayo nito ng katiyakan bilang mga Kristiyano na hindi na tayo magdaranas pa ng poot ng Diyos (1 Tesalonica 5:8-9). Tinuturuan tayo ng aklat na ito kung paano natin ipamumuhay ang Salita ng Diyos sa ating pang araw-araw na buhay (1 Tesalonica 4"5).
English
Aklat ng 1 Tesalonica