settings icon
share icon

Aklat ng 1 Pedro

Manunulat: Ipinakilala sa 1 Pedro 1:1 si Apostol Pedro bilang manunulat ng aklat.

Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng 1 Pedro ay nasulat sa pagitan ng A.D. 60 at 65.

Layunin ng Sulat: Ang 1 Pedro ay isinulat ni Apostol Pedro sa mga mananampalataya na nakakalat sa sinaunang mundo at nagdaranas ng matinding paguusig. Kung may higit na nakakaunawa sa salitang paguusig, ito ay walang iba kundi si Pedro. Siya ay pinalo, pinagtangkaan ang buhay, pinahirapan at ikinulong dahil sa pangangaral ng Salita ng Diyos. Alam niya kung paano magdusa ng walang pagkagalit at pagrereklamo, habang hindi nawawalan ng pag-asa at may malaking pananampalataya habang namumuhay sa pagsunod sa kalooban ng Diyos at nagtatagumpay sa pamumuhay bilang Kristiyano. Ang isang buhay ng patuloy na pag-asa ang halimbawa ni Hesus na dapat sundin nating tularan.

Mga Susing Talata: 1 Pedro 1:3, "Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y isinilang sa isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo."

1 Pedro 2:9, "Datapwat kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Pinili kayo ng Diyos upang maging kanya at maghayag ng mga kahanga-hangang gawa niya. Siya rin ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan."

1 Pedro 2:24, "Sa kanyang pagkamatay sa krus, dinala niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tuluyan na nating iwan ang pagkakasala at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayo'y gumaling sa pamamagitan ng kanyang mga sugat."

1 Pedro 5:8-9, "Humanda kayo at magbantay. Ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na humahanap ng masisila. v9Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananalig sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng ganitong kahirapan, kundi pati ang inyong mga kapatid sa buong daigdig."

Maiksing Pagbubuod: Kahit na ang panahon kung kailan isinulat ang aklat ay panahon ng napakatinding paguusig, sinabi ni Pedro na ito ay panahon ng kagalakan. Sinabi niya na dapat na ituring na isang pribilehiyo ang pagdurusa alang-alang kay Kristo dahil nagdusa din ang ating Tagapagligtas. Tinukoy sa sulat na ito ang personal na karanasan ni Pedro na kasama si Kristo pati ang kanyang sermon sa Aklat ng mga Gawa. Kinumpirma ni Pedro na si Satanas ang kaaway ng bawat Kristiyano ngunit ang katiyakan ng muling pagparito ni Kristo ang nagbibigay sa atin ng dakilang pag-asa bilang mga mananampalataya.

Koneksyon sa Lumang Tipan: Ang malaking kaalaman ni Pedro sa Lumang Tipan at mga aklat ng mga propeta ang nagbigay sa kanya ng kakayahan na ipaliwanag ang mga talata sa Lumang Tipan sa liwanag ng buhay at gawain ng Mesiyas, ang Panginoong Hesu Kristo. Sa 1 Pedro 1:16, binanggit ni Pedro ang Levitico 11:44: "Dapat kayong maging banal sapagkat ako'y banal." Ipinaliwanag ni Pedro na hindi makakamit ang kabanalan sa pamamagitan ng pagganap sa Kautusan kundi sa pamamagitan ng biyaya na ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng sumasampalataya kay Kristo (talata 13). Ipinaliwanag din ni Pedro ang tungkol sa ekspresyong "panulukang bato" sa Isaias 28:16 at Awit 118:22 na si Kristo, ang siyang tinanggihan ng mga Hudyo sa pamamagitan ng kanilang pagsuway ay hindi pagsampalataya. Kasama sa mga talata mula sa Lumang Tipan na binanggit ni Pedro ang perpektong kabanalan ni Kristo (1 Pedro 2:22 ; Isaias 53:9) at ang paghimok para sa banal na pamumuhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na nagreresulta sa Kanyang mga pagpapala (1 Pedro 3:10:12; Awit 34:12-16; 1 Pedro 5:5; Kawikaan 3:34).

Praktikal na Aplikasyon: Ipinagkaloob na sa mga mananampalataya ang buhay na walang hanggan. Ang isang paraan upang makipag-isa kay Kristo ay ang pakikibahagi sa paghihirap ni Kristo. Para sa atin, ang pakikibahagi sa paghihirap ni Kristo ay ang pagtitiis sa mga panlalait at paninirang puri ng mga tao na nagsasabing tayo ay "nagbabanal banalan" lamang o mga "panatiko." Napakaliit lamang ng ating mga pagtitiis kumpara sa pagtitiis na dinanas ni Kristo doon sa krus para sa atin. Dapat tayong manindigan sa alam nating tama at magalak tayo kung pinagtatangkaan tayong saktan ni Satanas (kahit hindi niya kayang gawin ito ng walang kapahintulutan mula sa Diyos) at ng mga tao.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Aklat ng 1 Pedro
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries