Aklat ng 1 Corinto
Manunulat: Ipinakilala ni Apostol Pablo ang kanyang sarili bilang manunulat ng Aklat ng 1 Corinto (1:1).Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng 1 Corinto ay nasulat noong humigit kumulang A. D. 55
Layunin ng Sulat: Si Apostol Pablo ang nagtatag ng iglesya sa Corinto. Ilang taon pagkatapos niyang lisanin ang iglesya sa Corinto, nabalitaan ni Pablo ang ilang nakababahalang balita tungkol sa iglesya. Napuno sila ng pagmamataas at hindi pinapansin ang sekswal na imoralidad na nagaganap sa loob ng iglesya. Hindi rin nila ginagamit sa tamang kaayusan ang mga kaloob ng Espiritu at may mali silang pagkakaunawa sa mga pangunahing doktrina ng Kristiyanismo. Ang unang sulat ni Pablo sa mga taga Corinto ay isang pagtatangka na papanumbalikin ang iglesya sa Corinto sa pundasyon nito - ang Panginoong Hesu Kristo.
Mga Susing Talata: 1 Corinto 3:3: "sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Mayroon pa kayong inggitan at alitan, at iya'y nagpapakilalang makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman.
1 Corinto 6:19-20: "Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Diyos? Ang inyong katawan ay hindi talagang inyo kundi sa Diyos."
1 Corinto 10:31: "Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos."
1 Corinto 12:7: "Ang bawat isa'y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang Espiritu, para sa ikabubuti ng lahat."
1 Corinto 13:4-7: "Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi nananaghili, nagmamapuri, o nagmamataas, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi nito ikinatutuwa ang gawang masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagbata, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas."
1 Corinto 15:3-4: "Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin: si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan ng nasasaad sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan."
Maiksing Pagbubuod: Nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa iglesya sa Corinto. Ang mga mananampalataya ay nahati sa ibat-ibang grupo ayon sa kanilang katapatan sa ilang mga lider sa espiritwal (1 Corinto 1:12; 3:1-6). Pinayuhan ni Pablo ang mga mananampalataya sa Corinto na magkaisa alang-alang sa kanilang debosyon kay Kristo. (1 Corinto 3:21-23). Marami sa iglesya ang kinunsinti ang isang imoral na relasyon (1 Corintho 5:1-2). Inutusan ni Palo na itiwalag ang nagkakasala mula sa iglesya (1 Corinto 5:13). Mayroon ding nagdedemandahan sa mga miyembro ng iglesya sa korte ng mga pagano (1 Corinto 6:1-2). Itinuro ni Pablo sa mga taga Corinto na mas mabuti ang malamangan ang isang Kristiyano kaysa sa masira ang kanyang patotoo (1 Corinto 6:3-8).
Nagiwan si Pablo sa mga taga Corinto ng mga katuruan tungkol sa pagaasawa at hindi pagaasawa (kabanata), mga pagkaing inihandog sa diyus diyusan (kabanata 8 and 10), kalayaang Kristiyano (kabanata 9), pagtatakip sa ulo ng mga babae (1 Corinto 11:1-16), hapunan ng Panginoon (1 Corinto 11:17-34), mga espiritwal na kaloob (kabanata 12-14), at pagkabuhay na muli (kabanata 15). Inayos ni Pablo ang Aklat ng 1 Corinto sa pamamagitan ng pagsagot sa mga katanungan na maaaring itanong ng mga mananampalataya sa Corinto at sa pamamagitan ng kanyang reaksyon sa mga maling gawain at hidwang pananampalataya na kanilang tinatanggap.
Koneksyon sa Lumang Tipan: Sa ika-sampung kabanata ng Aklat ng 1 Corinto, ginamit ni Pablo ang kuwento ng mga Israelita habang naglalakbay sa ilang upang ipakita sa mga mananampalataya sa Corinto ang kahangalan ng maling paggamit sa kanilang kalayaan at ang panganib na dulot ng sobrang pagtitiwala sa sarili. Binalaan niya sila sa kanilang kawalan ng disiplina (1 Corinto 9:24-27). Nagpatuloy siya sa paglalarawan sa mga Israelita na sa kabila ng kanilang pagiging saksi sa sa mga himala at pagkalinga sa kanila ng Diyos - gaya ng paghati sa dagat na Pula, ang mahimalang pagkakaloob sa ng manna mula sa langit at pagbibigay ng tubig mula sa isang bato - ginamit nila sa mali ang kanilang kalayaan, lumaban sa Diyos at bumagsak sa imoralidad at pagsamba sa mga diyus diyusan. Hinimok ni Pablo ang iglesya sa Corinto na alalahanin ang halimbawa ng mga Israelita at iwaksi ang masamang pagnanasa, mga sekswal na imoralidad (talata 6-8) at pagsubok at pagrereklamo sa Panginoong Hesu Kristo (talata 9-10). Tingnan din ang Aklat ng mga Bilang 11:4, 34, 25:1-9 at Exodo 16:2, 17:2, 7.
Praktikal na Aplikasyon: Marami sa mga katanungan at suliranin sa Iglesya sa Corinto ang mga problema din ng kasalukuyang iglesya. Nakikipagbaka ang mga iglesya ngayon laban sa pagkakabaha-bahagai, imoralidad at sa maling paggamit ng mga kaloob na espiritwal. Ang Aklat ng 1 Corinto ay maaaring isulat din para sa mga iglesya sa kasalukuyan at dapat nating pakinggan ang mga babala ni Pablo. Sa kabila ng mga pagsaway at pagtutuwid, hinahamon tayo ng 1 Corinto na ituon ang ating pansin sa nararapat - kay Hesu Kristo. Ang tunay na pag-ibig Kristiyano ang sagot sa mga pagkakabaha-bahagi at sa mga suliranin sa iglesya na ating kinahakaharap sa kasalukuyan.
English
Aklat ng 1 Corinto