Tanong
Naaayon ba sa Bibliya ang pagdaraos ng Unang Komunyon?
Sagot
Tiyak na walang sinasabi saanman sa Bibliya tungkol sa “Unang Komunyon.” Ang “Unang Komunyon” ay isang bahagi ng pagsasanay sa mga bata sa mga katuruan ng Romano Katoliko at ginawang isa sa kanilang pitong sakramento. Sa katuruan ng Romano Katoliko, ang isang sakramento ay isang gawain na ginagawa ng isang tao para makamtan ang biyaya o pabor ng Diyos. Bago magkaroon ng pangunawa ang isang bata sa kasalanan kailangan munang siya ay binyagan, ang unang sakramento sa katuruan ng Romano katoliko. Pagkatapos ay dadaan siya sa isang serye ng aralin sa katekismo at pagkatapos ay maaari na siyang magkumpisal. Ito ay tinatawag na “pakikipagkasundo” o “pagpipenitensya” at kinapapalooban ng pagpunta sa isang pari, pagtatapat ng kasalanan at paggawa ng anumang penitensya o mga panalangin at anumang gawain na ipapagawa ng pari. Pagkatapos lamang ng mga ito maaaring magsimulang makibahagi ang isang Romano Katoliko sa komunyon.
Sa kabaliktaran, sinsabi sa atin ng kasulatan, “Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus” (1 Timoteo 2:5). Hindi tayo inuutusan na ikumpisal ang ating mga kasalanan sa sinumang tao para tayo mapatawad, sa halip dapat tayong direktang manalangin at humingi ng tawad sa Diyos. Sa pamamagitan lamang ni Jesu Cristo tayo makakatanggap ng ganap at libreng kapatawaran. Ang Tito 3:5-6 ay isa lamang sa napakaraming talata sa Bibliya na ipinapakilala si Jesus bilang tanging daan sa kapatawaran, hindi ang anumang ritwal na panrelihiyon.
Matututunan natin ang tungkol sa Hapag ng Panginoon sa 1 Corinto 11:23-34. Ang Komunyon ay para lamang sa mga sumasampalataya kay Jesu Cristo at dapat na idaos ng may pagpapakumbaba. Inaabuso ng iglesya sa Corinto ang gawaing ito, kaya’t sa ilalim ng awtoridad ng Espiritu ng Diyos, isinulat ni Pablo para sa atin ang nararapat na saloobin sa gawaing ito. Ito ay pagalaala kay Jesu Cristo, na namatay ng minsan para sa lahat. Hindi Niya kailangang paulit-ulit na ihandog, gaya ng tinatangkang gawin tuwing Misa ng Katoliko Romano. Namatay na si Jesu Cristo, inilibing, at muling nabuhay mula sa mga patay. Habang kinakain natin ang tinapay at umiinom tayo sa kopa, “ipinapahayag natin ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito” (1 Corinto 11:26). Siya ay nabubuhay ngayon, at inutusan Niya tayo na alalahanin natin na Siya ay nabubuhay at muling paparito sa tuwing nakikibahagi tayo sa hapag ng Panginoon!
Kaya nga walang Biblikal na pundasyon para sa mga ritwal na tinatawag na “Unang Komunyon” o “Unang Pangungumpisal” na gawa ng tao gaya ng itinuturo ng Romano katoliko. Gayunman, may isang mahalagang katotohanan na nais ng Diyos na malaman nating lahat—namatay si Jesu Cristo sa krus para sa ating mga kasalanan, at nais Niya na lumapit tayo sa Kanya at makatagpo ng kapatawaran. Gayundin, nais Niya tayong makibahagi sa Hapag ng Panginoon pagkatapos nating lumapit sa Kanya at alalahanin ang Kanyang minsan para sa lahat ng panahong pagpapadama sa atin Kanyang pag-ibig doon sa krus ng Kalbaryo.
Kung may tamang pangunawa sa komunyon, masama ba o hindi naaayon sa Bibliya ang pagdiriwang para sa pakikibahagi sa unang komunyon ng isang bata? Wala. Walang masama at walang mali dito. Sa katunayan, ang unang pakikibahagi ng isang tao sa komunyon ay isang kahanga-hangang bagay na karapatdapat na ipagdiwang. Kung ilalagak ng isang tao ang kanyang personal na panamampalataya kay Jesu Cristo at pagkatapos, sa pamamagitan ng Komunyon ay sinamba ang Kanyang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagalaala sa Kanyang kamatayan at nabuhos na dugo, tunay na nararapat na iyon ay kilalanin at ipagdiwang.
English
Naaayon ba sa Bibliya ang pagdaraos ng Unang Komunyon?