settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng unahin ang Diyos?

Sagot


Karaniwang maririnig sa mga Kristiyano ang kasabihang, “inuuna ko ang Diyos” o kaya ay ginagamit ito upang payuhan ang iba na “tiyakin mong may pangunahing puwang ang Diyos sa buhay mo.” Ang katagang ito ay madalas na sinasambit at nagiging kasabihang Kristiyano na lamang. Ngunit hindi naman talaga masama ang ideya na unahin ang Diyos; Sa katunayan, ito ay talagang biblikal.

Lahat ay may kanya-kanyang prayoridad. Isinasaayos natin ang ating mga iskedyul, badyet, at kaugnayan ayon sa nakikita nating importansya. Gayundin naman, ang pagiging pangunahin ng Diyos ay nangangahulugang Siya ay prayoridad natin higit kaysa anumang bagay. Siya ang pangunahin sa buhay natin at pinaka sentro ng lahat ng iniisip natin. Nakikita natin na ang Diyos ay higit na mahalaga kaysa ibang tao, Ang Kanyang Salita ay higit na mahalaga kaysa anumang mensahe, at ang kanyang kalooban ay higit na matimbang kaysa alinmang utos.

Ang pagiging pangunahin ng Diyos sa buhay natin ay nangangahulugang pagtupad natin sa pinakadakilang utos na, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo” (Mateo 22:37). Sa madaling salita, ito ay pagkakaroon natin ng lubos na kaugnayan sa Diyos. Ang lahat ng mayroon tayo, lahat ng ating pag aari ay nakatalaga sa Kanya at hindi tayo nag-aatubili.

Kapag inuuna natin ang Diyos, ito ay nangangahulugang inilalayo natin ang ating sarili sa lahat ng anyo ng diyus-diyosan sapagkat nakasaad sa Banal na Kasulatan ang utos na, “Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan” (1 Juan 5:21). Ang diyus-diyosan ay tumutukoy sa anumang bagay sa ating puso na nagiging kapalit ng iisa at tunay na Diyos. Kaya't kung paanong winasak ni Gideon ang altar ni Baal at dinurog ang poste ni Ashera (Hukom 6:25-27), Kailangan nating sirain ang anumang bagay na nagpapahina ng ating pagtatalaga o paggalang sa Diyos. At kung paanong nagtayo si Gideon ng altar ng Panginoon bilang kapalit ng mga imahe ng diyus-diyosan, gayundin naman, dapat nating ialay ang ating mga sarili bilang “buhay na handog” sa Diyos at gawin natin Siyang pangunahin sa ating buhay (Roma 12:1).

Kapag inuuna natin ang Diyos, nangangahulugan ito na tayo ay nagsisikap sundan ang mga yapak ni Jesus (1 Pedro 2:21). Sapagkat ang buhay ni Jesus ay naglalarawan ng lubos na pagpapasakop sa kalooban ng Diyos, pananalangin, at paglilingkod sa iba. Sa katunayan ay makikita natin sa hardin na sa kabila ng paghihirap na Kanyang kinakaharap ay nanalangin si Jesus ng ganito: “ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo” (Lucas 22:42). Iyan ang kahulugan ng pagiging una ng Diyos sa ating buhay. Makikita rin natin na ang lahat ng mga sinasabi, kilos at doktrina ni Jesus ay nagmumula sa Ama (Juan 5:19; 7:16; 12:49). Binigyang luwalhati ni Jesus ang Ama sa bawat bahagi ng Kanyang buhay at tinupad Niya ang lahat ng pinapagawa sa Kanya bilang Sinugo (Juan 17:4). Tinuruan din tayo ni Jesus na “unahin ang Kaharian ng Diyos higit sa lahat” (Mateo 6:33). Ibig sabihin. kailangan nating hanapin ang mga bagay na ukol sa Diyos higit kaysa mga bagay sa sanlibutang ito. At nais Niyang hanapin natin ang kaligtasan na nasa Kaharian ng Diyos, ituring itong higit na mahalaga kaysa lahat ng pinagsama-samang kayamanan ng sanlibutan (tingnan ang Mateo 13:44-46). At tandaan natin ang kalakip ng pangakong iyon ay, “Ipagkakaloob ng Diyos ang lahat ng ating kailangan” kapag inuna natin Siya.

Noong panahon ng taggutom, pumunta si propeta Elias sa isang bayan at nakilala niya roon ang isang balo na naghahanda ng kanilang huling pagkain ng kanyang anak. Humingi si Elias sa kanya ng kaunting tinapay at tubig, ngunit sinabi ng babaeng balo na iyon na lamang natitirang pagkain nila at pagkatapos ay magtitiis na sila sa gutom. Ngunit nagpatuloy si Elias at kanyang sinabi: “Huwag kang mag-alala. . . . ipagluto mo muna ako ng isang maliit na tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo ng anak mo” (1 Hari 17:13). Ito ay nangangahulugang, Sinabi ni Elias sa balo na unahin ang Diyos. Sa pamamagitan ng pananampalataya ay sumunod ang babaeng balo. Inuna niya ang Diyos at pinakain niya ang propeta. At pagkatapos ay nagkaroon ng himala: “Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw. Hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias” (talatang 15-16).

Ipinapakita nito sa atin na ang taong inuuna ang Diyos ay nakahihigit sa sanlibutan. Susunod sila sa utos ng Diyos (Juan 14:15), handa nilang pasanin ang sarili nilang krus (Lucas 9:23), at hindi nila tatalikuran ang una nilang pag-ibig (Pahayag 2:4). Hindi ang tira kundi ang unang bunga ang ibinibigay nila para sa Diyos. Ibig sabihin, Ang buhay ng Kristiyano ay inilalarawan ng hindi makasariling paglilingkod sa Diyos na dumadaloy mula sa pag-ibig sa Kanya at sa mga taong Kanyang niligtas. Sa lahat ng bagay, ang mga mananampalataya ay nagtitiwala, sumusunod , at umiibig sa Diyos higit pa sa lahat. Itinuturo nito sa atin na, madali nating magagawang unahin ang Diyos kung isasapuso natin ang nakasaad sa Roma 11:36: “Sapagkat ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.”

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng unahin ang Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries