Tanong
Ano ang ibig sabihin ng umibig gaya ni Jesus?
Sagot
Nais ng isang Kristiyano na maging kagaya ni Jesus. Bahagi ng pagiging gaya ni Jesus ang umibig kung paano Siya umibig. Layunin ng Diyos na maging kawangis tayo ng Kanyang Anak (Roma 8:29). Laging masunurin si Jesus sa kanyang Ama (Juan 8:29), Siya ay ganap sa lahat ng paraan (Hebreo 4:15), at inibig Niya ang mga tao ng walang kundisyon (Mateo 9:36; 14:14). Iniutos Niya sa Kanyang mga lagad na ibigin ang isa’t isa kung paanong inibig Niya sila (Juan 13:34). Ngunit iyon ang nagpapahiwatig ng isang problema. Ipinakita ni Jesus ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan para sa atin na sinasabi, “Wala ng pag-ibig na hihigit pa rito” (Juan 15:13). Dahil karamihan sa atin ay hindi tinawag para mamatay para sa isang tao, ano ang ibig sabihin ng umibig na gaya ni Jesus?
Sinasabi sa atin sa Juan 3:16 kung ano ang ibig sabihin ng umibig na gaya ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak.” Umibig ang Diyos ng may pagsasakripisyo. Ang umibig gaya ni Jesus ay nangangahulugan na handa nating ibigay ang lahat sa ating buhay. Handa tayong ipagkaloob aang ating pera, panahon at mga ari-arian para maglingkod sa ibang tao. Kinikilala natin na ang lahat na mayroon tayo ay ipinahiram lang sa atin ng ating Ama sa langit at mananagot tayo sa Kanya sa ating ginagawa sa mga ito (Mateo 25:14–30). Ibinibgay natin sa mga tao ang kanilang pangangailangan kung mayroon tayong kakayahan na ibigay iyon. Kung nakikita natin ang isang kapatid na nangangailangan, at mayroon tayong maitutulong, ibinabahagi natin sa kanila ang kung ano mang mayroon tayo (Santiago 2:15; 1 Juan 3:16–17).
Hindi pumili si Jesus ng kanyang iibigin. Binalaan Niya tayo na madaling ibigin ang mga taong gusto tayo (Lukas 6:32–33). Ngunit inibig ni Jesus kahit na ang Kanyang mga kaaway at inaasahan Niya na gagawin din ito ng kanyang mga tagasunod (Lukas 6:35). Siya’y nagpagaling ng may sakit, nagpakain, at naglingkod sa marami na kalaunan ay sumigaw ng, “Ipako Siya sa krus!” (Mateo 27:20–22). Hinugasan Niya ang mga paa ni Judas Iscariote, kahit na alam Niya na ipagkakanulo siya nito makaraan ang ilang oras (Juan 13:4–5). Sinadya Niyang pumunta sa Samaria at pinaglingkuran ang mga Samaritano na kinamumuhian ng mga Judio (Juan 4) at ginawa pang bayani ang isang Samaritano sa isang talinghaga (Lukas 10:25–37). Mayaman, mahirap, bata at matanda, ang mga relihiyoso at pagano ay nagpunta kay Jesus at nakinig sa Kanya dahil inibig Niya sila (Markos 10:1; Mateo 9:35–36; Lukas 18:18).
Ang umibig gaya ni Jesus ay nangangahulugan na hindi tayo dapat mamili ng taong gusto nating tratuhin ng maganda. Mariing kinondena ni Santiago ang paboritismo ayon sa estado sa sosyedad o sa pinansyal: “Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala, at batay sa Kautusan, dapat kayong parusahan” (Santiago 2:9). Dapat nating tratuhin ang bawat tao ng may dignidad at paggalang, na inaalala na ang tao ay isang espesyal na nilikha na nilikhang ayon sa wangis ng Diyos (1 Juan 2:9–10; 4:20–21). Dapat nating linisin ang ating mga puso sa pagmamaliit sa ibang lahi, pagtanggi sa mga taong walang kakahayang pinansyal, at sa pagmamataas dahil sa relihiyon. Hindi dapat magtaglay ng paguugaling ito ang sinumang nagnanais na umibig na gaya ni Jesus.
Ang pag-ibig ay hindi katumbas ng ganap na pagtanggap sa lahat na ginagawa ng sinuman. Hindi kinunsinti ni Jesus ang kasalanan, pandaraya, at ang mga huwad Niyang tagasunod. Direkta Siya sa pagsasalita laban sa mga Pariseo, mga lider-relihiyon, at sa mga taong nagsasabi na iniibig Siya pero mas iniibig ang kanilang mga sariling buhay ng higit sa Kanya. Habang patuloy na iniibig sila ni Jesus, sinaway Niya ang mga Pariseo at tinawag silang mga “mapagpaimbabaw!” at “mga bulag na hangal!” (Mateo 23:13, 16). Hinamon Niya ang mga lider-relihiyon sa pamamagitan ng isang babala, “Hindi lahat ng tumatawag sa Akin Panginoon, Panginoon ay papasok sa kaharian ng langit kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng Aking Ama sa langit” (Mateo 7:21). Ginulo Niya ang isip ng mga hindi buo ang pagsunod sa kanya sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila, “Sinumang nagsimulang mag-araro ngunit panay ang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos” (Lukas 9:62).
Ang umibig na gaya ni Jesus ay nangangahulugan na sapat ang ating pag-ibig sa mga kaluluwa para sabihin sa kanila ang katotohanan. Isang binatang mayaman ang lumapit kay Jesus na may magandang intensyon ngunit kulang sa pagsusuko ng sarili (Lukas 18:18–25). Nais Niya ng iniaalok ni Jesus, ngunit hindi Niya nais si Jesus. Inibig Niya ang kanyang kayamanan ng higit kay Jesus at buong pag-ibig na ipinakita ni Jesus ang kanyang kasakiman. Hindi natin iniibig ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapababaw sa mensahe ng Ebanghelyo na magliligtas sa kanila. Hindi binago ni Jesus ang katotohanan para bigyang kasiyahan ang “makakating tenga” ng Kanyang mga tagapakinig (tingnan ang 2 Timoteo 4:3). Inibig Niya sila ng sapat para babalaan sila, hamunin sila, turuan sila, at patawarin sila hanggang doon sa krus (Lukas 23:34).
Ang pagpapatawad ay isa pang paraan para tayo makaibig na gaya ni Jesus. Nagpapatawad tayo sa tuwing ginagawan tayo ng masama (Mateo 6:14; Efeso 4:32). Nais ng ating pagiging makasarili na panatilihin ang ating sugat, masiyahan doon, at alalahanin iyon. Ngunit nagpatawad si Jesus at sinabihan tayo na magpatawad din naman sa mga nagkakasala sa atin (Markos 11:25). Hindi natin maiibig ang sinuman hangga’t hindi tayo nagpapatawad. Hindi na inaalala pa ni Jesus ang ating mga kasalanan na Kanya ng pinatawad; sa halip, idineklara Niya tayong malinis at pinanumbalik (1 Juan 1:9). Maaaring may konsekwensya para sa ating mga kasalanan, ngunit iniibig Niya tayo sa kabila ng mga iyon at tinutulungan tayo na matuto mula sa mga iyon. Kung pinatatawad natin ang nagkasala sa atin, maaari nating ibigin at ipanalangin ang taong iyon ng may malinis na budhi dahil ginawa natin ang iniuutos ng Diyos sa atin (Colosas 3:13; Efeso 4:32).
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad na ang pangunahing paraan para makilala ng mundo na sila ay Kanyang mga alagad ay sa pamamagitan ng kanilang pag-ibig para sa isa’t isa (Juan 13:35). Kung iniibig natin si Jesus, iibigin din natin ang mga taong Kanyang iniibig. At habang umiibig tayo kung paano Siya umiibig, nagiging mas kawangis Niya tayo.
English
Ano ang ibig sabihin ng umibig gaya ni Jesus?