settings icon
share icon
Tanong

Sino ang ulo ng iglesya ayon sa Bibliya?

Sagot


Dalawang sitas sa Bagong Tipan ang malinaw na nagtuturo na si Jesu Cristo ang ulo ng iglesya. Itinuturo sa Colosas 1:17–18, “Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na binuhay mula sa kamatayan, upang siya'y maging pangunahin sa lahat.” Ang sitas na ito ay isang maiksing paghahalintulad sa pagitan ng katawan ng tao at iglesya. Ang iglesya ang katawan, si Jesus ang ulo. Si Jesus ang una sa lahat ng mga bagay at nagpapanatili sa lahat ng mga bagay, kabilang dito ang iglesya.

Sinasabi sa Efeso 5:22–25 ang relasyon sa pagitan ng asawang lalaki at asawang babae maging ang katuruan na si Jesus ang ulo ng iglesya:

“Mga babae, pasakop kayo sa sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siya ang Tagapagligtas nito. Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang sariling asawa. Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya.”

Sa talatang ito, dapat na magpasakop ang mga asawang babae sa kanilang mga asawang lalaki gaya ng pagpapasakop ng iglesya kay Cristo, at ang mga asawang lalaki naman ay dapat na umibig ng may pagsasakripisyo sa kanilang mga asawang babae kung paanong handang mamatay si Cristo para sa iglesya. Sa kontekstong ito, si Jesus ay tinatawag na “ulo ng iglesya, na Kanyang katawan.” Tinatawag din Siya dito na tagapagligtas ng iglesya.

Ano ang ibig sabihin na si Cristo ang ulo ng iglesya? Parehong binibigyang diin sa Colosas 1 at Efeso 5 ang pangunguna ni Cristo at ang Kanyang kapangyarihan. Sa Colosas, si Cristo ang ulo dahil Siya ang nagpapanatili sa lahat ng mga bagay. Sa Efeso, si Cristo ang ulo dahil Siya ang Tagapagligtas.

Malalim ang implikasyon ng katuruang ito. Una, dapat na magpailalim ang mga pinuno ng iglesya sa pangunguna ni Jesu Cristo. Siya ang Isang nangunguna at nagtatakda ng mga katuruan at pagsasanay sa iglesya. Dapat na sumunod ang mga miyembro ng iglesya una kay Cristo at ikalawa sa kanilang mga tagapanguna sa lupa habang tinutularan ng mga tagapangunang iyon si Jesu Cristo (tingnan ang 1 Corinto 11:1 at 1 Pedro 5:3–4).

Ikalawa, ipinahayag ang pag-ibig ni Jesus para sa iglesya sa Kanyang pagnanais na ibigin din natin ang iglesya. Ang iglesya ay hindi isang gusali o organisasyon kundi isang grupo ng mga tao na kinikilala at sinasamba si Jesus. Tinuruan ang mga Kristiyano na, “Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon” (Hebreo 10:24–25). Ang regular na pakikipagugnayan sa ibang mananampalataya ay nagpaparangal sa Panginoon, personal na nagpapalakas ng ating loob bilang mga mananampalataya, at humihimok sa atin na maglingkod at magpalakas din ng loob ng iba.

Habang may kanya kanyang tagapanguna ang bawat iglesya, ang pinakapinuno ng lahat ng iglesya ay ang Panginoong Jesus. Kanyang sinabi, “itatayo Ko ang Aking iglesya” (Mateo 16:18, idinagdag ang diin); ang iglesya ay sa Kanya. Siya ang ulo ng katawan at ang tanging nagiisang may kapangyarihan upang sapat na pamahalaan at ibigin ang iglesya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang ulo ng iglesya ayon sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries