Tanong
Ano-anu ang mga tungkulin ng isang matanda sa Iglesya?
Sagot
Inilatag sa Bibliya ang lima sa mga tungkulin at obligasyon ng isang matanda sa Iglesya:
1) Ang matatanda sa Iglesya ang tumutulong upang malutas ang mga hindi pagkakaunawaan sa Iglesya. "May ilang taong dumating sa Antioquia, mula sa Judea, at itinuro sa mga kapatid ang ganito: "Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa Kautusan ni Moises, hindi kayo maliligtas." Tinutulan ito nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo tungkol dito. Kaya't napagkaisahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang ilan pang kapatid sa Antioquia, upang makipagkita sa mga apostol at sa matatanda tungkol sa suliraning ito" (Gawa 15:1-2). May isang isyu sa pananampalataya na mainitang pinagtalunan at dinala sa mga apostol at matatanda sa Iglesya upang kanilang desisyunan. Itinuturo ng mga talatang ito na ang mga matatanda sa Iglesya ang gumagawa ng mga desisyon sa Iglesya.
2) Nananalangin sila pa sa kagalingan ng mga may sakit. "Mayroon bang may sakit sa inyo? Ipatawag niya ang matatanda ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis, sa ngalan ng Panginoon” (Santiago 5:14). Ang isang matanda sa Iglesya na nagtataglay ng Biblikal na kwalipikasyon ay may isang matuwid na pamumuhay, at "Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid" (Santiago 5:16). Ang isa sa mga pangangailangan ng panalangin ay ang kaganapan ng kalooban ng Diyos at inaasahan na gagawin ito ng mga matatanda sa Iglesya.
3) Dapat silang magbantay para sa kapakanan ng Iglesya ng may kapakumbababaan. "Sa matatandang namamahala sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang tulad ninyo. Nasaksihan ko ang mga paghihirap ni Cristo at makakahati naman ako sa karangalang nalalapit nang ipahayag. Ipinamamanhik kong alagaan ninyo ang kawang ipinagkatiwala sa inyo ng Diyos. Pamahalaan ninyo ito nang maluwag sa loob, hindi napipilitan lamang, sapagkat iyan ang ibig ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa masakim na paghahangad ng pansariling kapakinabangan, kundi sa katuwaang maglingkod; hindi bilang panginoon ng inyong mga nasasakupan, kundi bilang uliran ng inyong mga kawan. At pagparito ng Pangulong Pastol ay tatanggap kayo ng maningning na koronang di kukupas kailanman" (1 Pedro 5:1-4). Ang mga matanda sa Iglesya ang mga itinalaga ng Diyos upang maging mga tagapanguna ng Iglesya. ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos ang Kanyang kawan. Hindi sila dapat manguna para sa pinansyal na kapakinabangan kundi dahil sa kanilang pagnanais na maglingkod at mangalaga sa kawan.
4) Dapat nilang bantayan ang espiritwal na buhay ng kawan. "Pasakop kayo sa mga nangangasiwa sa inyo. Sila'y may pananagutang magbantay sa inyo, at magbibigay-sulit sila sa Diyos ukol dito. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Kung hindi, sila'y mahahapis, at hindi ito makabubuti sa inyo" (Hebreo 13:17). Hindi partikular na tinukoy sa talatang ito ang mga "matanda sa iglesya," ngunit ang konteksto ay tungkol sa mga tagapangasiwa ng Iglesya. Sila ang mananagot sa Diyos para sa espiritwal na buhay ng Iglesya.
5) Dapat silang maggugol ng panahon sa pananalangin at pagtuturo ng salita ng Diyos. "Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga sumasampalataya at sinabi sa kanila, "Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya, mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking kilala sa pagiging mabuti, matatalino at puspos ng Espiritu Santo, at ilalagay namin sila sa tungkuling ito. At iuukol naman namin ang buong panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng Salita" (Gawa 6:2-4). Ito ay para sa mga apostol, ngunit makikita din natin sa 1 Pedro 5:1 na si Pedro ay apostol at matanda rin sa iglesya. Ang mga talatang ito ay nagpapakita din sa atin ng pagkakaiba sa pagitan ng isang matanda sa Iglesya at diyakono.
Sa isang simpleng paglalarawan, ang mga matatanda sa Iglesya ang gumagawa ng daan sa pagkakasundo, mga taong mapanalanginin, nagtuturo, mga nangunguna sa pamamgitan ng halimbawa at mga nagdedesisyon sa ikabubuti ng Iglesya. Ito ay isang posisyon sa Iglesya na hindi dapat balewalain. Unawain ang babalang ito: “Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo yamang alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mahigpit kaysa iba" (Santiago 3:1).
English
Ano-anu ang mga tungkulin ng isang matanda sa Iglesya?