settings icon
share icon
Tanong

Ano ang tunay na pagsamba?

Sagot


Inilarawan ni Apostol Pablo ang tunay na pagsamba sa Roma 12:1-2, “Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y namamanhik sa inyo: ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa kanya. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos. Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos---kung ano ang mabuti, nakalulugod sa kanya, at talagang ganap.”

Ang mga talatang ito ay naglalaman ng lahat ng elemento ng tunay na pagsamba. Una, ay ang motibo sa pagsamba: “Ang masaganang habag ng Diyos.” Ang kahabagan ng Diyos ay ang lahat ng mga bagay na ipinagkaloob Niya sa atin na hindi natin karapatdapat tanggapin: walang hanggang pag-ibig, walang hanggang biyaya, ang Banal na Espiritu, walang hanggang kapayapaan, walang hanggang kagalakan, pananampalatayang nagliligtas, kaaliwan, kalakasan, karunungan, pag-asa, katiyagaan, kagandahang loob, karangalan, kaluwalhatian, katuwiran, katiyakan, buhay na walang hanggan, kapatawaran, pakikipagkasundo sa Diyos, pagpapawalang sala, pagpapaging banal, kalayaan, pamamagitan at marami pang iba. Ang karunungan at pangunawa sa mga kahanga-hangang kaloob na ito ang nagtutulak sa atin upang magpaabot ng ating mga papuri at pasasalamat sa Diyos – sa ibang salita, ng ating pagsamba!

Sa talata ding ito, makikita ang paglalarawan sa paraan ng ating pagsamba: “ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa kanya.” Ang pagaalay ng ating mga katawan bilang handog na buhay ay nangangahulugan ng pagbibigay natin ng lahat lahat sa ating buhay. Ang pagtukoy dito sa ating katawan ay nangangahulugan na lahat ng sangkap ng ating katawan at ng ating buong pagkatao – ang ating puso,isip, mga kamay, pagiisip, paguugali – ay dapat na ihandog sa Diyos. Sa ibang salita, dapat nating ipaubaya sa Diyos ang pagkontrol sa lahat ng mga bagay na ito at ihandog ang lahat ng ito sa Kanya, gaya ng isang literal na handog sa altar sa templo. Ngunit paano? Muli, malinaw ang mga talata: “sa pagpapanibago ng ating isip.” Nababago ang ating isip sa araw araw sa pamamagitan ng pagpapalinis sa Diyos sa ating makamundong pagiisip at pagpapalit dito ng tunay na karunungan na nagmumula sa Diyos. Sinasamba natin Siya sa pamamagitan ng ating binago at nilinis na isip, hindi ng ating emosyon. Ang emosyon ay isang kahanga-hangang bagay, ngunit malibang ito ay hinubog ng isang isip na babad sa Katotohanan, maaari itong maging mapaminsala at hindi kayang kontrolin. Kung ano ang ating iniisip, susunod doon ang ating puso, at maging ang ating emosyon. Sinasabi sa atin sa 1 Corinto 2:16 na mayroon tayo ng “pagiisip” ni Kristo,” hindi ng “emosyon ni Kristo.”

May isa lamang paraan upang baguhin ang ating isip at ito ay sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Ito ang katotohanan, ang karunungan ng Salita ng Diyos na ang ibig sabihin ay ang karunungan at kahabagan ng Diyos at babalik tayo kung saan tayo nagsimula. Ang pagkaalam sa katotohanan, ang paniniwala sa katotohanan, ang paninindigan sa katotohanan, at ang pagmamahal sa katotohanan ay normal na nagreresulta sa isang tunay na espiritwal na pagsamba. Ang kumbiksyon ay sinusundan ng pagmamahal, ang pagmamahal ay pagtugon sa katotohanan, hindi sa panlabas na dahilan, halimbawa ay dahil sa musika. Walang kinalaman ang musika sa pagsamba. Hindi makalilikha ang musika ng pagsamba, bagama’t maaari itong lumikha ng emosyon. Hindi ang musika ang pinanggalingan ng pagsamba, ngunit maaari itong maging ekspresyon ng pagsamba. Huwag tayong aasa sa musika upang magganyak sa atin sa pagsamba; ituring natin ang musika bilang isang simpleng ekspresyon na itinutulak ng isang pusong nilunod ng mga kahabagan ng Diyos, na masunurin sa Kanyang mga utos.

Ang tunay na pagsamba ay pagsamba na nakasentro sa Diyos. Masyadong pinahahalagahan ngayon ng mga tao ang lugar kung saan sila sasamba, ano ang kanilang kakantahin sa pagsamba, at kung ano ang iisipin ng mga tao sa kanilang pagsamba. Ang pagtuon ng pansin sa mga bagay na ito ay kawalan ng pagpapahalaga sa kahulugan ng tunay na pagsamba. Sinabi ni Hesus na ang tunay na mananamba ay sumasamba sa Diyos sa espiritu at katotohanan (Juan 4:24). Nangangahulugan ito na ang pagsamba ay dapat na nagmumula sa puso at naaayon sa disenyo ng Diyos. Maaaring kasama sa pagsamba ang pananalangin, pagbabasa ng Salita ng Diyos na may bukas na puso, pag-awit, pakikibahagi sa huling hapunan at paglilingkod sa iba. Hindi ito limitado sa isang aksyon, ngunit ginagawa nito ng maayos kung tama ang puso at isip ng tao.

Mahalaga ring malaman na ang pagsamba ay para lamang sa Diyos, Siya lamang ang karapatdapat at hindi ang sinuman sa Kanyang mga lingkod (Pahayag 19:10). Hindi tayo dapat sumamba sa mga santo, propeta, istatwa, anghel, sa sinumang diyus diyusan, o kay Maria, na ina ni Hesus. Hindi rin tayo dapat sumamba dahil may inaasahan tayong kapalit gaya ng kagalingan sa karamdaman. Ang pagsamba ay ginagawa para sa Diyos – dahil Siya lamang ang nararapat – at para lamang sa Kanyang kasiyahan. Maaaring ang pagsamba ay pagpupuri sa Diyos sa publiko (Awit 22:22; 35:18) kasama ng isang kongregasyon kung saan maaari nating ipahayag sa pamamagitan ng panalangin ang ating pasasalamat sa Kanya dahil sa Kanyang ginawa sa atin. Ang tunay na pagsamba ay dinarama sa kalooban at inihahayag sa pamamagitan ng ating mga gawa. Ang “pagsamba” bilang obligasyon ay hindi kalugod lugod sa Diyos at walang kabuluhan. Nakikita Niya ang lahat ng pagpapaimbabaw at kinamumuhian Niya ito. Ipinakita Niya ito sa Amos 5:21-24 habang ipinahahayag Niya ang nalalapit na paghatol ng Diyos. Ang isa pang halimbawa ay ang kuwento tungkol kay Cain at Abel, ang mga unang anak nina Adan at Eba. Pareho silang nagdala ng kanilang handog sa Diyos ngunit nasiyahan lamang ang Diyos sa handog ni Abel. Nagdala si Cain ng handog bilang isang obligasyon; samantalang dinala ni Abel ang pinakamagandang mga tupa mula sa kanyang kawan bilang handog dahil sa kanyang pananampalataya at pagsamba sa Diyos.

Ang tunay na pagsamba ay hindi lamang nakabase sa ginagawa natin sa loob ng iglesya o pagpupuri (bagama’t ang mga bagay na ito ay mabuti at sinabi sa Bibliya na gawin natin ang mga ito). Ang tunay na pagsamba ay ang pagkilala sa Diyos sa Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian sa lahat ng ating ginagawa. Ang pinakamataas na uri ng pagpupuri at pagsamba ay ang tapat na pagsunod sa Kanya at sa Kanyang salita. Upang magawa ito, kailangan nating makilala ang Diyos; dahil hindi natin Siya masasamba kung hindi natin Siya nakikilala (Gawa 17:23). Ang pagsamba ay ang pagluwalhati at pagbubunyi sa Diyos – upang ipakita ang ating katapatan at paghanga sa ating Ama.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang tunay na pagsamba?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries