settings icon
share icon
Tanong

Aling iglesya ang tunay na iglesya?

Sagot


Aling iglesya—na denominasyon ng Kristiyanismo—ang “tunay na iglesya”? Aling iglesya ang tunay na iniibig ng Diyos, pinahahalagahan at kinamatayan ni Cristo? Aling iglesya ang kasintahan ni Cristo? Ang sagot ay hindi ang nakikitang iglesya o denominasyon ang tunay na iglesya, dahil ang ikakasal kay Cristo ay hindi isang institusyon sa halip ay isang espiritwal na entitad na binubuo ng mga taong may malapit na kaugnayan sa Panginoong Jesu Cristo sa biyaya ng Diyos (Efeso 2:8–9). Ang mga taong ito, anuman ang kanilang denominasyon at bansang kinabibilangan ang bumubuo sa tunay na iglesya.

Sa Bibliya, makikita natin na ang lokal na iglesya (o nakikitang iglesya) ay hindi hihigit pa sa isang pagtitipon ng mga nagpapakilalang mananampalataya. Sa mga sulat ni Pablo, ang salitang ingles na church o “iglesya” sa tagalog ay ginagamit para simpleng tukuyin ang isang grupo ng mga nagpapakilalang mananampalataya na regular na nagsasama-sama (1 Corinto 16:9; 2 Corinto 8:1; 11:28). Makikita natin ang pagmamalasakit ni Pablo sa kanyang mga sulat para sa mga indibidwal na iglesya sa iba’t ibang siyudad maging sa kanyang mga minimisyon. Pero tinutukoy din niya ang isang iglesya na hindi nakikita—isang espiritwal na organismo na may malapit na pakikisama kay Cristo, kasinlapit ng relasyon ng isang babaeng ikakasal sa kanyang magiging asawa (Efeso 5:25, 32) kung saan Siya ang espiritwal na tagapanguna (Colosas 1:18; Efeso 3:21). Ito ang iglesya na binubuo ng hindi pinangalanan at hindi tinukoy na grupo ng mga indibidwal (Filipos 3:6; 1 Timoteo3:5) na pare-parehong na kay Cristo.

Ang salitang iglesya ay isang salin ng salitang Griyegong ekklesia na ang ibig sabihin ay “isang grupo o kalipunan ng mga tinawag mula sa.” Inilalarawan ng salita ang isang grupo ng tao na tinawag mula sa mundo at ibinukod ng Diyos para sa Panginoon at lagi itong ginagamit sa pangisahang bilang para ilarawan ang isang pangkalahatang grupo ng mga tao na nakakakilala kay Cristo. Ang salitang ekklesia, kung gagamitin sa pangmaramihang bilang ay ginagamit para ilarawan ang mga grupo ng mga mananampalataya na nagsasama-sama. Kapansin-pansin na ang salitang iglesya ay hindi ginamit kailanman sa Bibliya para ilarawan ang isang gusali o isang organisasyon.

Madaling masilo ng ideya na isang partikular na denominasyon sa loob ng Kristiyanismo ang “tunay na iglesya” pero ang pananaw na ito ay isang maling pangunawa sa Kasulatan. Sa pagpili ng isang iglesyang dadaluhan, mahalagang tandaan na ang pagsasama-sama ng mga mananampalataya ay dapat na isang lugar kung saan ang mga kabilang sa tunay na iglesya (ang espiritwal na organismo) ay nakakadama ng pagiging kabilang. Ang ibig sabihin ay pinaninindigan ng isang mabuting lokal na iglesya ang Salita ng Diyos, pinararangalan ito, at ipinapangaral ito ng may katapatan, masigasig na ipinapangaral ang ebanghelyo, at pinapakain at inaalagaan ang mga tupa. Ang isang iglesya na nagtuturo ng maling katuruan o kinukunsinti ang pagkakasala ay tiyak na magkakaroon ng napakaliit ng bilang (o maaaring wala kahit isa) ng mga taong tunay na kabilang sa tunay na iglesya—ang mga tupa na dumirinig ng tinig ng kanilang Pastol at sumusunod sa Kanya (Juan 10:27).

Ang mga miyembro ng tunay na iglesya ay laging nasisiyahan sa pakikiisa at pakikisama sa ibang mananampalataya dahil kay Cristo gaya ng malinaw na ipinahayag sa Kanyang Salita. Ito ang tinutukoy na pagkakaisang Kristiyano. Ang isang karaniwang pagkakamali ay maniwala na ang pagkakaisang Kristiyano ay tungkol lamang sa pakikisang-ayon sa isa’t isa. Ang simpleng pakikiisa alang-alang sa pagkakaisa ay hindi pagsasabi ng katotohanan sa pag-ibig o naguudyok sa isa’t isa sa pagkakaisa kay Cristo; sa halip, hinihimok nito ang mga mananampalataya na tumigil sa pagsasabi ng masasakit at mahihirap na katotohanan. Isinasakripisyo nito ang tunay na pangunawa sa Diyos kapalit ng isang huwad na pagkakaisa na ayon sa hindi tapat na pag-ibig na hindi hihigit sa makasariling pagkunsinti sa sariling kasalanan at kasalanan ng ibang tao.

Ang tunay na iglesya ay ang kasintahan (Pahayag 21:2, 9; 22:17) at ang katawan ni Cristo (Efeso 4:12; 1 Corinto 12:27). Hindi ito maaaring pigilan, ikulong, o pakahuluganan ng anuman maliban sa pag-ibig para kay Cristo at katapatan sa Kanya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Aling iglesya ang tunay na iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries