settings icon
share icon
Tanong

Ano ang isang tunay na Kristiyano?

Sagot


Ayon sa Gawa 11:26, ang mga tagasunod ni Cristo ay unang tinawag na mga Kristiyano sa Antioquia. Bakit sila tinawag na mga Kristiyano? Dahil sila ay “mga tagasunod ni Cristo.” Itinalaga nila ang kanilang mga buhay para mabuhay kung paanong “nabuhay si Cristo” (1 Juan 2:6).

Ipinapaliwanag sa ibang mga talata ng Bibliya kung paanong ang isang tao ay lumalapit kay Cristo sa pananampalataya at naguumpisa sa kanyang pakikipagrelasyon kay Cristo. Halimbawa, ipinapakita sa Efeso 2:8-9 na ang isang tao ay nagiging isang Kristiyano sa pamamagitan ng pananampalataya hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa isang listahan ng mga batas o mabubuting gawa: “Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang maipagmamalaki ang sinuman.” Ang isang tunay na Kristiyano ay nananalig kay Cristo bilang kanyang Tagapagligtas.

Sinasabi sa Roma 10:9-10, “Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay itinuturing na matuwid ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang bibig at sa gayon ay naliligtas.” Ang isang tunay na Kristiyano ay hindi nahihiya na sabihin na si Jesus ang Kanyang Panginoon at sumasampalataya siya na nabuhay si Jesus mula sa mga patay.

Sinasabi sa 1 Corinto 15:3 na ang mensahe ng nabuhay na mag-uling Jesus ay napakahalaga. Kung hindi nabuhay na mag-uli si Cristo mula sa mga patay, “walang kabuluhan” ang ating pananampalataya,” at tayo ay “nasa ating mga kasalanan pa” (t. 17). Ang isang tunay na Kristiyano ay nabubuhay sa pananampalataya sa nabuhay na mag-uling Jesus (1 Corinto 15:13-14).

Isinulat ni Pablo, “Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon…. Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos” (Roma 8:9, 16). Nananahan sa loob ng isang Kristiyano ang Banal na Espiritu.

Ang ebidensya na ang isang tao ay tunay na Kristiyano ay nakikita sa pananamapalataya at gawa. “Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago” (2 Corinto 5:17). Sinasabi ni Santiago, “ipapakita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa” (Santiago 2:18). Sinabi ito ni Jesus sa ganitong paraan: “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at di na lalakad sa kadiliman” (Juan 8:12). Ipapakita ng isang tunay na Kristiyano ang kanyang pananampalataya sa uri ng kanyang pamumuhay.

Sa kabila ng napakaraming grupo ng paniniwala sa ilalim ng pangkalahatang tawag na “Kristiyano” sa panahon ngayon, ipinapakilala ng Bibliya ang tunay na Kristiyano bilang isang taong personal na tumanggap kay Cristo bilang Tagapagligtas, na nagtitiwala lamang sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Jesu Cristo para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan, at pinananahanan ng Banal na Espiritu, at ang buhay ay kinakikitaan ng patuloy na pagbabago at nagpapatuloy na pananampalataya kay Jesus.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang isang tunay na Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries