no an
settings icon
share icon
Tanong

Ang tukso ba ay kasalanan? Kasalanan ba ang matukso?

Sagot


Ang tukso, sa likas na katangian nito, sa pakiramdam pa lang ay mali na. Ang moral na batas ng Diyos ay nakasulat sa puso ng bawat tao (Roma 1:20), at kapag ang isang makasalanang tukso ay ipinakilala, ang ating mga budhi ay agad na nakadarama ng panganib. Gayunpaman, ang tukso mismo ay hindi kasalanan. Si Jesus ay tinukso (Markos 1:13; Lukas 4:1-13), ngunit Siya ay hindi nagkasala kailanman (Hebreo 4:15). Ang kasalanan ay nangyayari kapag hindi natin nahawakan ang tukso.

May dalawang paraan kung saan tayo tinutukso: sa pamamagitan ni Satanas at ng ating sariling makasalanang laman. Sa Gawa 5 makikita ang isang taong tinukso ni Satanas. Si Ananias at ang kanyang asawang si Safira na gustong magpakita na higit na espiritwal kaysa sa tunay na kalagayan nila, ay nagsinungaling sa mga apostol at nagkunwaring ibinibigay nila bilang handog ang buong halaga ng ilang ari-arian na kanilang naibenta. Hinarap sila ni Pedro: “Paanong pinuspos ni Satanas ang iyong puso na nagsinungaling ka sa Banal na Espiritu at nagtago para sa iyong sarili ng ilan sa perang natanggap mo para sa lupain?” (talata 3). Sa pagkakataong ito, alam ni Pedro na ang tukso ng pagsisinungaling ay nagmula kay Satanas. Si Ananias at ang kanyang asawa ay parehong sumuko sa tuksong iyon (mga talata 7-10). Ang pagtataksil kay Jesus ni Judas Iscariote ay iniuugnay din sa impluwensya ni Satanas (Lukas 22:3; Juan 13:2).

Sa huli, dahil si Satanas ang "diyos ng sanlibutang ito" (2 Corinto 4:4) at ang ama ng kasinungalingan (Juan 8:44), lahat ng kasamaan ay nagmula sa kanya. Gayunman, ang ating sariling makasariling kalikasan ay kaalyado ni Satanas. Hindi natin kailangan ang pag-udyok ni Satanas para mag-isip ng mga makasalanang pagiisip. Sinasabi ng Santiago 1:13-14, "Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa”.

Kahit na gusto nating gumawa ng mabuti, lahat tayo ay natutukso. Walang sinuman ang nakahihigit dito, kahit ang isang tulad ni Apostol Pablo. Ibinahagi niya ang pakikibaka ng kanyang laman laban sa Espiritu nang isulat niya sa Roma 7:22-23, "Sa kaibuturan ng aking puso, ako'y nalulugod sa Kautusan ng Diyos. Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bhaaji ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; binibihag ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang naninirahan sa aking katawan.”

Ang tukso sa sarili nitong anyo ay hindi kasalanan. Nagiging kasalanan lamang ito kapag pinahintulutan natin ang tukso na maging aksyon, maging sa ating isipan. Ang pagnanasa, halimbawa, ay kasalanan kahit na hindi ito ginagawa (Mateo 5:28). Ang kasakiman, pagmamataas, pagiimbot, at inggit ay kasalanan ng puso; kahit na hindi sila nakikita ng iba, sila ay kasalanan pa rin (Roma 1:29; Markos 7:21-22). Kapag sumuko tayo sa tuksong isipin ang ganitong kasalanan, nag-uugat ang mga ito sa ating puso at nagpaparumi sa atin (Mateo 15:18–19). Kapag sumuko tayo sa tukso, pinapalitan natin ang bunga ng Espiritu ng bunga ng laman (Efeso 5:9; Galacia 5:19-23). At kadalasan, kung ano ang unang naiisip ay siyang ating nagiging aksyon (tingnan ang Santiago 1:15).

Ang pinakamahusay na depensa laban sa pagsuko sa tukso ay ang tumakas sa unang pagdating pa lamang nito. Si Jose ay isang magandang halimbawa ng isang taong hindi pinahintulutan ang tukso na maging kasalanan (Genesis 39:6–12). Bagama't natuksong magkasalang sekswal, hindi niya binigyan ng panahon ang tuksong ito na mag-ugat. Ginamit niya ang mga paa na ibinigay sa kanya ng Diyos at pisikal na tumakas. Sa halip na manatili sa isang posibleng mapanganib na sitwasyon at subukang makipag-usap, mangatwiran, bigyang-katwiran, ipaliwanag, o kung hindi man ay pahinain ang kanyang pasya, tumakas si Jose. Ang tukso ay hindi kasalanan para sa kanya dahil hinarap niya ito sa paraang nagpaparangal sa Diyos. Madali itong naging kasalanan kung nanatili si Jose at sinubukang daigin ang tukso sa pamamagitan ng sarili niyang lakas.

Ang Roma 13:13-14 ay nagbibigay sa atin ng patnubay para sa pag-iwas sa mga sitwasyon na maaaring humantong sa tukso. "Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan. Gawin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo bilang sandata at huwag ninyong pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito.” Kung magpapasya tayong "huwag gumawa ng paglalaan para sa laman," ilalayo natin ang ating sarili sa mga sitwasyong maaaring masyadong mapang-akit. Kapag inilagay natin ang ating sarili sa mga sitwasyon kung saan alam nating matutukso tayo, nagiimbita tayo ng gulo. Nangangako ang Diyos na maglalaan ng "paraan ng pagtakas" kapag tayo ay tinutukso (1 Corinto 10:13), ngunit kadalasan ang paraang iyon ay para maiwasan ang lahat ng sitwasyon. “Takasan ang masasamang pagnanasa ng kabataan” (2 Timoteo 2:22). Itinuro sa atin ni Jesus na manalangin, "Huwag mo kaming ihatid sa tukso" (Lukas 11:4), ngunit mayroon tayong responsibilidad na bigyang-pansin ang direksyon na kung saan pinapatnubayan tayo ng Diyos at iwasan ang unang anyo ng tukso hangga't maaari.



English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang tukso ba ay kasalanan? Kasalanan ba ang matukso?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries