settings icon
share icon
Tanong

Ano ang simbolismo ng bawtismo sa tubig?

Sagot


Ang bawtismo sa tubig ay simbolo ng buong pagtitiwala at pagsunod ng isang mananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo, gayundin ng kanyang pagtatalaga na mamuhay sa Kanyang mga utos. Ipinahahayag din nito ang kanyang pakipagkaisa sa lahat ng mga banal (Efeso 2:19). Inilalarawan ng bawtismo na ang bawat mananampalataya sa bawat bansa sa mundo ay kabahagi ng katawan ni Kristo (Galacia 3:27–28). Ipinapakita ng bawtismo sa tubig ang mga katotohanang ito, ngunit hindi ito ang nagligtas sa atin; sa halip, naligtas tayo sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, na hiwalay sa mga gawa (Efeso 2:8–9). Nagpapabawtismo tayo dahil ipinagutos ito ng Panginoong Hesu Kristo: “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mateo 28:19).

Ang tubig ng bawtismo ay para lamang sa mga mananampalataya. Bago tayo magpabawtismo, dapat muna nating kilalanin na tayo ay makasalanan na nangangailangan ng kaligtasan (Roma 3:23). Dapat din tayong sumampalataya na namatay si Hesu Kristo sa krus upang bayaran ang ating mga kasalanan, na Siya ay inilibing at nabuhay na mag-uli upang bigyan tayo ng katiyakan ng kaligtasan (1 Corinto 15:1–4). Nang manumbalik tayo kay Hesus sa pamamagitan ng paghingi ng tawad sa ating mga kasalanan at pagsampalataya na Siya ang ating Panginoon at Tagapagligtas, iyon ay resulta ng ating pagsilang na muli sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Tiniyak ng Diyos ang ating kaligtasan at naguumpisa tayong mamatay sa ating sarili at mabuhay para kay Kristo (1 Pedro 1:3–5). Sa oras na maganap ito, tayo ay karapatdapat ng mabawtismuhan ayon sa Bibliya.

Ang bawtismo sa tubig ay isang napakagandang paglalarawan ng ginawa ng Panginoong Hesu Kristo para sa atin. Habang inilulubog ang ating buong katawan sa tubig, simbolo iyon ng paglilibing sa atin kasama ng Panginoong Hesu Kristo, binabawtismuhan tayo sa Kanyang kamatayan sa krus at hindi na tayo alipin pa ng pita ng laman (Roma 6:3–7). Sa pagahon natin mula sa tubig, simbolo iyon na tayo ay nabuhay ng mag-uli sa isang bagong buhay kay Kristo upang makasama Niya magpakailanman, na isinilang sa pamilya ng ating mapagmahal na Diyos (Roma 8:16). Inilalarawan din ng bawtismo ang espiritwal na paglilinis na ating naranasan sa oras ng ating kaligtasan. Gaya ng kung paanong nilinis ng tubig ang ating katawan, gayundin naman nilinis ng Banal na Espiritu ang ating puso ng magtiwala tayo kay Kristo.

Ang katotohanan na ang bawtismo ay hindi isang kundisyon sa kaligtasan ay makikita sa kaso ng isang taong naligtas ngunit hindi nabawtismuhan – ang kriminal na kasamang napako ni Hesus sa krus (Lukas 23:39–43). Nagsisi ang makasalanang ito at kinilala si Hesus bilang Kanyang Panginoon habang naghihingalo sa krus. Humingi ang magnanakaw ng kaligtasan at pinatawad siya ni Hesus sa kanyang mga kasalanan. Bagama’t hindi niya naranasan ang magpabawtismo, sa oras na iyon, nabawtismuhan siya sa espiritwal na paraan sa kamatayan ni Kristo, at pagkatapos ibinangon siya sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng salita ni Kristo (Hebreo 1:3).

Dapat na mabawtismuhan ang mga Kristiyano dahil sa pagsunod at pag-ibig sa Panginoong Hesu Kristo (Juan 14:15). Ang bawtismo sa pamamagitan ng paglubog sa tubig ang biblikal na pamamaraan sa pagbabawtismo dahil ito ay sumisimbolo sa kamatayan, paglilibing at pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoong Hesu Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang simbolismo ng bawtismo sa tubig?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries