settings icon
share icon
Tanong

Paano ko malalaman na ako ay tinawag para mangaral?

Sagot


Walang duda na ang pangangaral ay isang marangal na pagkatawag at napakahalaga sa Diyos (1 Timoteo 3:1–7; Santiago 3:1; Efeso 4:11–16). Ang pangangaral ay hindi lamang isang simpleng pampalipas oras o pansingit sa gawain sa araw ng pagsamba, o isa lamang pagbabahagi ng personal na karanasan, gaano man nakakaiyak ang patotoo. Hindi rin ito isa lamang maayos na pananalita na sinadya para magbigay ng serye ng mga hakbang para sa isang mas magandang buhay. Ang pangangaral, gaya ng itinala ni Apostol Pablo ay ang kasangkapan kung saan ipinapahayag ang katotohahan ng ebanghelyong nagbibigay buhay. Ang mga pananalita ng isang mangangaral ay dapat na maging tapat sa Salita ng Diyos na siyang “kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya” (Roma 1:16). Binibigyang diin ni Pablo sa kanyang paalala sa batang pastor na si Timoteo ang kahalagahan ng pangangaral: “Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus…. inaatasan kita: ipangaral mo ang salita ng Diyos” (2 Timoteo 4:1–2). Kaya nga walang duda na ang pangangaral ng Salita ng Diyos ay napakahalaga para sa Diyos. Ang sinuman na nagiisip na pumasok sa ministeryo bilang isang mgangangaral ay dapat na magkaroon din ng pananaw na ang Salita ng Diyos ang kanyang pinakaunang prayoridad.

Pero paano makakasiguro ang isang tao na siya ay tinawag para mangaral? Una ay ang mga panlabas na tanda. Kung ang isang tao ay may isang nagaalab na pagnanasa sa kanyang kalooban para mangaral—isang pagnanasa na hindi niya kayang tanggihan—iyon ay isang magandang pahiwatig ng “pagtawag” ng Diyos. Si Apostol Pablo at ang propeta sa Lumang Tipan na si Jeremias ay nakaranas ng parehong pagnanasa na ipahayag ang Salita ng Diyos. Sinabi ni Pablo, “Sapagka't kung ipinangangaral ko ang evangelio, ay wala akong sukat ipagmapuri; sapagka't ang pangangailangan ay iniatang sa akin; sapagka't sa aba ko kung hindi ko ipangaral ang evangelio” (1 Corinto 9:16). Ang salita ni Pablo na “sa aba ko kung hindi ko ipangaral ang ebanghelyo” ay nangangahulugan na siya ay itinutulak ng isang hindi mapipigilan at hindi matatanggihang pwersa para gawin ang isang bagay. Inilarawan ni Jeremias ang pwersang ito bilang isang “nagaalab na apoy” (Jeremias 20:8–9) na hindi kayang sugpuin. Ang pagpipigil dito ay nakakapagod para sa kanya.

Ikalawa ay ng obhektibong mga tanda sa tawag ng Diyos para mangaral. Kung ang tugon sa mga naunang pagtatangka sa pangangaral ay positibo, ito ay isang magandang indikasyon na ang naghahangad na maging isang mangangaral ay may kaloob ng didaktikos, o kaloob ng pagtuturo mula sa Banal na Espiritu (Efeso 4:11). Ang bawat mangangaral ay dapat na una at higit sa lahat ay isang tagapagturo ng Salita ng Diyos, na nagpapahayag nito ng malinaw at maayos at gumagawa ng personal na aplikasyon para sa kanyang mga tagapakinig. Ang mga tagapanguna sa iglesya ang kalimitang nagpapatunay kung ang isang tao ay may ganitong kaloob. Kung sila ay sumasang-ayon sa kanyang ginagawa, ang nagnanais na maging tagapangaral ay dapat na suriin ng pamunuan patungkol sa mga katangian para sa matatanda sa iglesya sa 1 Timoteo 3 at Tito 1. Ang dalawang pagsang-ayong ito ng iglesya ay mga indikasyon sa pagtawag ng Diyos.

Panghuli, ang bawat hakbang sa buong proseso ay dapat na gawin sa panalangin. Kung ang isang lalaki ay tinawag para mangaral, kukumpirmahin ito ng Diyos sa maraming paraan. Kung nadarama mo na tinatawag ka ng Diyos para maging isang mangangaral, hanapin mo ang kalooban ng Diyos at hilingin sa Kanya na bigyan ka ng maraming oportunidad at kumpirmasyon, sa panloob at panlabas. Hilingin mo din na gawin Niyang maliwanag sa iyo kung hindi Niya kalooban na magpatuloy ka sa iyong ninanais. Palakasin mo ang iyong loob sa katotohanang ang Diyos ang may kapamahalaan sa lahat ng mga bagay at Siya ang gagawa ng lahat ng mga “bagay para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, sa kanilang mga tinawag ayon sa kanyang layunin” (Roma 8:28). Kung tinatawag Ka niya para mangaral, ang tawag na ito ay tiyak na magaganap at walang sinumang makakahadlang.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko malalaman na ako ay tinawag para mangaral?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries