Tanong
Paano ko malalaman na nakatanggap ako ng tawag sa ministeryo/paglilingkod?
Sagot
Ang saligang katuruan ay tinawag ang lahat ng Kristiyano sa paglilingkod/ministeryo. Mailalapat para sa lahat na mananampalataya ang Dakilang Utos (Mateo 28:18-20). Kaya nga ang bawat Kristiyano ay bahagi din ng Katawan ni Cristo – anuman ang kanyang papel na ginagampanan – sa paglilingkod sa iba. Gayunman, mas maraming tao na nagtatanong ng ganito ay interesado kung sila ba ay tinawag sa isang bokasyonal na ministeryo gaya ng pagpapastor. Ito ay isang napakagandang katanungan. Tiyak na ang bokasyonal na ministeryo ay may natatanging kwalipikasyon.
Sa pagkumpirma sa anumang pagkatawag, mahalaga na una munang siyasatin ang iyong puso at motibo (Jeremias 17:9). Tunay mo bang nadarama ang tawag na ito mula sa Diyos o ito ay isang personal na kagustuhan? Kung ang motibo ay pagmamataas o pagbibigay kasiyahan sa tao, nararapat kang huminto. Nadarama mo na “tinatawag” ka sa ministeryo dahil iniisip mo na para ka mas maging karapatdapat na Kristiyano ay dapat kang magtrabaho sa tinatawag na “ministeryong Kristiyano”? Ang mga Kristiyano ay mabangong samyo ni Cristo (2 Corinto 2:15) saan man sila naglilingkod. Maaari kang maging ilaw at asin at “makapaglingkod” sa labas ng iglesya o sa isang trabaho sa isang kumpanya na gaya ng iyong magagawa sa loob ng iglesya o sa isang bokasyong Kristiyano.
Minsan, ang paguusig ng budhi ay naipagkakamali bilang isang tawag sa ministeryo. Maraming Kristiyano ang naririnig na ang paglilingkod sa Diyos ay nangangailangan ng pagsasakripisyo, na totoo din naman. Pero hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng Kristiyano ay tinatawag sa pagmimisyon sa ibang bansa o ang uri ng ministeryo kung saan ka masisiyahan ay kung anong ministeryo ang ibibigay sa iyo ng Diyos. Oo, ang pamumuhay para kay Cristo ay nangangailangan ng pagsasakripisyo, pero hindi ng paghihirap. May kagalakan sa pagsasabuhay ng pagkatawag sa atin ng Diyos. Si Pablo ang isang dakilang halimbawa nito. Labis siyang nagdusa para sa kanyang ministeryo, pero lagi siyang kuntento at maligaya kay Cristo (Tingnan ang mga sulat ni Pablo sa mga taga Filipos).
Pagkatapos mong matiyak na tama ang iyong motibo, isaalang-alang mo ang iyong mga natural (at espiritwal) na mga kaloob at kalakasan. Ang mga ito ba ay umaakma sa isinasaalang-alang mong bokasyonal na ministeryo? Oo, nahahayag ang kalakasan ng Diyos sa ating mga kahinaan at tinatawag tayo na maglingkod ayon sa Kanyang lakas sa halip na sa atin. Pero binigyan din Niya tayo ng mga kaloob at mga talento para gamitin para sa Kanya. Malabong tumawag ang Diyos ng isang tao na walang kakayahan para umayos ng mga nasira. May abilidad ka ba na gawin ang isang gawain kung saan iniisip mo na tinatawag ka ng Diyos?
Ang isa pang mahalagang kunsiderasyon ay ang iyong natural na hilig. Ang isang taong mahilig sa pagkukuwenta halimbawa, ay maaaring hindi magustuhan ang posisyon ng isang pastor. Maaaring makatulong sa iyo ang mga pagsusulit sa mga espiritwal na kaloob maging ang mga pagsusuri sa iyong personalidad sa pagtuklas sa iyong mga likas na kaloob, talento, at mga hilig.
Ang isa pang dapat na ikunsidera ay ang iyong mga karanasan. Inihahanda na tayo ng Diyos noon pa bago pa Niya tayo pagawin ayon sa pagkatawag Niya sa atin. Halimbawa, makikita natin na nangyari ito sa pagsasanay ni David sa ilalim ni Saul bago siya umupo sa trono, o ang panahon ni Moises sa Egipto at sa disyerto sa Madian bago Niya pangunahan ang mga Israelita sa paglaya mula sa pagkaalipin. May mga bagay ba sa iyong nakalipas na magagamit ng Diyos para mag-ambag sa iyong gawain ayon sa kanyang pagkatawag?
Gayundin, dapat kang humingi ng payo sa iba (tingnan ang Kawikaan at 15:22). Laging nakakakita ang iba ng ating mga kalakasan at kahinaan na hindi natin kayang makita sa ating sarili. Makakatulong ang pagtanggap ng payo mula sa mga pinagkakatiwalaang makadiyos na kaibigan. Makakatulong na obserbahan ang reaksyon ng iba patungkol sa iyo. Natural ba na sinusunod ka ng mga tao, o laging kinakailangan mong ipagpilitan ang iyong pangunguna? Natural ba na bukas ang tao sa iyo at ibinabahagi sa iyo ang kanilang mga problema? Habang mahalaga na humingi ng payo sa iba, mahalaga din na hindi pagtiwalaan ang aspetong ito lamang. Minsan, mali din ang ating mga kaibigan at kapamilya (tingnan ang 1 Samuel 16:7). Gayunman, ang tapat na pagpuna ng mga taong nagmamahal sa iyo ay makakatulong para kumpirmahin ang tawag sa iyo ng Diyos.
Ang bawat tao ay may natatanging tawag mula sa Diyos. Gayunman, ang tawag sa isang bokasyonal na ministeryo ay sa publiko sa partikular, at ang mga nagmiministeryo sa publiko ay laging mataas ang tingin ng mga tao at lagi silang makakaranas ng pagbatikos. Sinasabi sa Santiago 3:1, “Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba.” Ang mga may mataas na posisyon sa publiko ay hinahanapan ng mataas na pamantayan dahil sila ang gumagabay sa iba. Inilista sa mga aklat ng 1 at 2 Timoteo at Tito ang mga kwalipikasyon para sa mga may posisyon sa iglesya.
Sa pag-alam kung ikaw ay tinatawag sa ministeryo o hindi, isaalang-alang mo ang mga kaakibat na obligasyon, maging matapang, at magtiwala ka sa Diyos. Kung tinatawag ka ng Diyos, ihahanda ka Niya at pupunuin ka para may maibuhos ka sa iba (Tingnan ang Mateo 6:33; Hebreo 13:20-21; Efeso 3:20-21; Awit 37:23; at Isaias 30:21).
Isang bagay pa. Mahalaga na magpatuloy sa pagkilos. Minsan, hindi tayo kumikilos hanggat hindi tayo nakakatiyak sa tawag sa atin ng Diyos. Pero mas madaling baguhin ang direksyon ng isang bagay na laging kumikilos kaysa magpakilos ng isang bagay na nakatigil. Kung hahakbang tayo sa panananampalataya – kahit na ang ating mga hakbang ay wala sa tamang direksyon – tapat ang Diyos para tayo gabayan.
English
Paano ko malalaman na nakatanggap ako ng tawag sa ministeryo/paglilingkod?