settings icon
share icon
Tanong

Hindi ba tama kailanman ang pagsisinungaling?

Sagot


Hindi kailanman binanggit sa Bibliya ang isang pangyayari kung saan itinuring na tama ang pagsisinungaling. Ipinagbabawal sa ikasiyam na utos ang pagsaksi sa di katotohanan laban sa kapwa tao (Exodo 20:16). Nakalista sa Kawikaan 6:16-19 ang "dilang sinungaling" at "isang bulaang saksi na naglulubid ng buhangin" bilang dalawa sa pitong kasalanan na kasuklam-suklam sa Panginoon. Nalulugod ang pag-ibig sa katotohanan (1 Corinto 13:6). Para sa iba pang mga talata na tumatalakay sa pagsisinungaling bilang kasalanan, tingnan ang Awit 119:29, 163; 120:2; Kawikaan 12:22; 13:5; Efeso 4:25; Colosas 3:9; at Pahayag 21:8. Napakaraming halimbawa sa Bibliya ng pagsisinungaling, mula sa pandaraya ni Jacob sa Genesis 27, hanggang sa pagkukunwari nina Ananias at Safira sa Gawa 5. Muli at muli, makikita natin na ang pagsisinungaling ay nagreresulta sa kapighatian, kawalan at paghatol ng Diyos.

May dalawang pangyayari sa Bibliya kung saan nagbunga ang pagsisinungaling sa isang magandang kaganapan. Una, ang pagsisinungaling ng mga hilot ng mga Hebreo sa Paraon ay nagresulta sa pagpapala sa kanila ng Diyos (Exodo 1:15-21), at maaaring ito rin ang naging daan upang maligtas sa kamatayan ang maraming sanggol na Hebreo. Ang isa pang halimbawa ay ang pagsisinungaling ni Rahab upang iligtas ang mga espiyang Israelita sa Josue 2:5. Gayunman, mahalagang pansinin na hindi sinang-ayunan ng Diyos ang mga kasinungalingang ito. Sa kabila ng positibong resulta ng kanilang pagsisinungaling, hindi kailanman pinuri sa Bibliya ang kanilang ginawa. Hindi saanman binanggit sa Bibliya ang anumang pangyayari kung saan sinabi na tama ang pagsisinungaling. Gayundin naman, hindi binanggit sa Bibliya ang mga posibleng pagkakataon kung saan ang pagsisinungaling ay isang katanggap-tanggap na pagpipilian.

Nananatili ngayon ang katanungan: Mayroon bang pagkakataon na maituturing na tama ang pagsisinungaling? Ang pinakakaraniwang ilustrasyon sa isyung ito ay ang buhay ni Corrie ten Boom noong sakupin ng mga Alemang Nazi ang Holland. Sa maiksing pagbubuod, ganito ang pangyayari: Itinatago ni Corrie ten Boom ang mga Hudyo sa kanyang bahay upang protektahan sila laban sa mga NAZI. Pupumunta ang mga sundalong NAZI sa kanyang bahay at nagtatanong kung alam niya kung saan nagtatago ang mga Hudyo. Ano ang kanyang gagawin? Sasabihin ba niya ang katotohanan at hahayaan ang mga NAZI na hulihin ang mga HUdyo na kanyang pinoprotektahan? O, magsisinungaling siya at hindi sasabihin ang anumang kanyang nalalaman?

Sa mga pangyayaring tulad nito kung kailan ang pagsisinungaling ang tanging posibleng paraan upang hadlangan ang mas malaking kasamaan, maaaring maging katanggap-tanggap ang pagsisinungaling. Ang ganitong pangyayari ay katulad sa pagsisinungaling ni Rahab at ng mga hilot ng mga babaeng Hebreo. Sa isang masamang mundo, at sa mga desperadong sitwasyon, maituturing na tama ang paggawa ng mas kaunting kasamaan kaysa sa isang malaking kasamaan gaya ng pagsisinungaling upang hadlangan ang paggawa ng mas malaking kasamaan. Gayunman, dapat nating tandaan na napakabihira lamang ng ganitong uri ng sitwasyon. Posible na ang karamihan ng tao sa kasaysayan ng mundo ay hindi humarap sa ganitong uri ng sitwasyon kung kailan maituturing na "tama" ang pagsisinungaling.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Hindi ba tama kailanman ang pagsisinungaling?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries