Tanong
May dahilan ba para matakot sa pagpunta sa isang sementeryo?
Sagot
Ang mga sementeryo ay matagal ng kinatatakutan ng mga Pilipino, ang karaniwang dahilan ay ang mahiwagang kalikasan ng kamatayan. Ang mga libingan at mga nitso ay nagbigay ng lugar para sa mga kuwento ng mga multo, mga demonyo, at mga krimen na nagtulak sa marami para katakutan ang mga sementeryo bilang isang lugar ng mga espiritu na puno ng panganib. Ang paksa ng kamatayan ay hindi maganda sa pandinig ng nakakaraming tao ngunit dapat na may kakaibang pananaw ang mga Kristiyano tungkol sa kamatayan at tungkol sa pagpunta o pagpasok sa isang sementeryo.
Makakatulong sa mga tao na natatakot na pumunta o pumasok sa sementeryo na direktang harapin ang kanilang takot sa pamamagitan ng pagtatanong ng ganito: Ano ang inyong iniisip na mangyayari doon? Maliban sa mga guni-guni at mga kuwentong barbero tungkol sa mga multo, ano ang dahilan ng iyong pagkatakot sa mga sementeryo? Naglalaman sila ng mga patay at nabubulok na katawan ng mga tao na nakabaon ng anim na talampakan sa ilalim ng lupa. May mga kabaong, lapida na may pangalan ng mga namatay na tao, at mga plastik na palamuti na iniwan doon ng mga mahal sa buhay ng mga namatay. Maliban sa tirahan ng sepulturero at posibleng ng isang kapilya o musuleo, wala ng iba pang naroroon—at alin sa mga iyon ang dahilan ng iyong pagkatakot? Ang mga kaluluwa ng mga patay na katawan na nakabaon doon ay dinala na sa kanilang mga espiritwal na destinasyon.
May dalawa lamang posibleng lugar na pinupuntahan ng mga espiritu ng mga namatay. Para sa mga Kristiyano, “Kaya't kami ay nagtitiwala at nasisiyahan na mapalayo sa katawan at mapasa tahanan na kasama ng Panginoon” (2 Corinto 5:8). Ang mga kaluluwa ng mga katawan ng mga nakabaong mananampalataya ay kasama na ni Jesus. Ang mga tao namang hindi nagsuko ng kanilang buhay kay Jesus noong nabubuhay pa sila sa lupa ay pumunta na sa isang “lugar ng pagdurusa” (Lukas 16:28). Ngunit walang kahit isang espiritu ang pinapayagan ng Diyos na malayang magpalutang-lutang sa palibot ng kanyang sariling libingan. Sinasabi sa Hebreo 9:27, “At yamang itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.” Imposible para sa mga espiritu ng mga namatay na manakot sa mga sementeryo. Ang nagiisang tunay na panganib ay ang posibilidad na matapilok sa isang lapida at magasgasan ang iyong tuhod.
May ilang nakakaunawa na wala na sa sementeryo ang kaluluwa ng mga namatay ay maaaring matakot sa presensya ng mga demonyo sa halip ng mga kaluluwa. Binabanggit sa Mateo 8:28-34 at Markos 5:1-20 ang isang lalaki na inaalihan ng mga demonyo na nakatira sa sementeryo. Pero kahit na sa ganitong mga kaso, ang gawain ng demonyo ay kinasasangkutan ng isang taong nabubuhay hindi ng taong namatay. Maaari bang tumira ang mga demonyo sa sementeryo? Oo, maaari. Pero walang kahit anong talata sa Kasulatan na nagpapahiwatig na ang mga demonyo ay aktibo sa isang sementeryo kaysa sa ibang lugar. Gayundin, walang dapat ikatakot ang mga Kristiyano sa mga demonyo (1 Juan 4:4).
Minsan ang takot na pumunta sa sementeryo ay maaaring may kaugnayan sa isang masakit na pagkawala ng isang mahal sa buhay at sa mga alaala na bumabalik dahil sa pagpunta roon. Ang mga sementeryo ay likas na mga tahimik na lugar. Sumisimbolo sila sa sakit ng pagkawala ng mahal sa buhay at nagpapaalala sa atin sa ating sariling kamatayan. Hindi natin gustong maalala ang masasakit nating nakaraan at ito ang maaaring gawin sa atin ng mga sementeryo. Ang isang paraan para mapaglabanan ang kalungkutan na may kaugnayan sa takot ay intensyonal na pagalaala sa mga masasayang sandali na kasama natin ang namatay na mahal sa buhay. Habang lumalakad ka sa loob ng sementeryo, buhayin mo ang masasayang sandali at masasayang pakikipagusap sa taong iyon. Pasalamatan ang Diyos sa masasayang sandali na inyong pinagsamahan at kung paano gumawa ang Diyos sa iyong buhay sa pamamagitan ng iyong yumaong mahal sa buhay. Pasalamatan mo Siya na dahil kay Jesus, maaari nating sabihin, “Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?” (1 Corinto 15:55)?
Ang mga sementeryo ang magbibigay ng lugar para sa pinaka-kahangahangang pangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan. Sa pagbabalik ni Jesus para tayo tanggapin sa pagdagit (rapture), magkakaroon ng buhay ang mga sementeryo. Sinasabi sa 1 Tesalonica 4:16, “Sa araw na iyon ay maririnig ang tinig ng arkanghel at ang tunog ng trumpeta ng Diyos, at ang Panginoon mismo ay bababâ mula sa langit na sumisigaw. At ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna.” Isipin natin ang sandaling iyon! Para sa atin na nakakakilala kay Cristo, ang sementeryo ay magiging isang lugar ng selebrasyon habang nabubuksan ang mga libingan at bumabangon ang mga katawan ng mga banal para maglakbay sa hangin at katagpuin ang iba pang mga binuhay na mag-uli. “Pagkatapos, tayo namang mga buháy pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman” (1 Tesalonica 4:17).
Ang isang sementeryo ay isa lamang piraso ng lupa na itinalaga para paglibingan ng mga patay, at walang anumang dahilan para ito katakutan higit kaysa sa ibang lugar. Maaaring maglakad ang mga Kristiyano sa loob nito ng may pasasalamat para sa lahat na ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod (tingnan ang Awit 116:15) at ng may pananabik sa gagawin ng Diyos sa lugar na iyon. Sa ilalim ng ating nilalakaran ay naroroon ang mga labi ng mga mananampalataya na lalabas mula sa ilalim ng lupa isang araw sa pagtunog ng trumpeta. Dapat na magtulak ang nakakatakot na kalikasan ng isang sementeryo para maghanap ng katotohanan ang mga hindi mananampalataya sa mga magaganap sa hinaharap. Ang tanging tamang pagkatakot ay ang pagkatakot sa Diyos at sa Kanyang paghatol. Para sa mga hindi mananampalataya, ang pagpunta sa isang sementeryo ay maaaring maging isang karanasan na babago sa kanilang mga buhay para sila magbalik-loob sa Diyos habang naiisip nila ang kanilang sariling kamatayan.
English
May dahilan ba para matakot sa pagpunta sa isang sementeryo?