Tanong
Paano ko mapagtatagumpayan ang tukso?
Sagot
Sinasabi sa atin ng Kasulatan na lahat tayo ay humaharap sa tukso. Sinasabi sa 1 Corinto 10:13, “Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao.” Nagbibigay ang talatang ito ng kalakasan sa tuwing nararanasan natin na tila nagiisa tayo sa pagharap sa mga tukso. Ipinaalam sa atin ng Bibliya na tinukso rin maging ang Panginoong Hesu Kristo: “Ang dakilang saserdote nating ito ay nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa'y tinukso siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala” (Hebreo 4:15).
Saan ngayon nanggagaling ang tukso? Una sa lahat, hindi sa Diyos nanggagaling ang tukso, bagama’t pinahihintulutan Niya ang mga ito. Sinasabi sa Santiago 1:13, “Huwag sabihin ng sinoman pagka siya'y tinutukso, Ako'y tinutukso ng Dios; sapagka't ang Dios ay hindi matutukso sa masamang bagay, at hindi rin naman siya nanunukso sa kanino man.” Sa unang kabanata ng Job, makikita natin na pinahintulutan ng Diyos si Satanas na tuksuhin si Job, ngunit may partikular na hangganan. Si Satanas ay gumagala sa mundo na tulad sa isang leong umaatungal na naghahanap ng masisila (1 Pedro 5:8). Sinasabi sa atin sa ika-siyam na tatala na dapat natin siyang labanan na nalalaman na nakakaranas din ng pagatake mula sa Diyablo ang ibang Kristiyano. Makikita natin sa Santiago 1:14 na nanggagaling din ang tukso mula sa ating puso. “Natutukso tayo pagka nahihila ng sariling masamang pita at nahihikayat” (talata 14). Pinapayagan natin ang ating sarili na mag-isip ng masama, na pumunta sa mga lugar na hindi natin dapat puntahan at gumawa ng mga desisyon ayon sa ating mga pita na nagbubulid sa atin sa mga tukso.
Paano natin ngayon lalabanan ang mga tukso? Una sa lahat, dapat nating alalahanin ang halimbawa ni Hesus ng tuksuhin Siya ni Satanas sa ilang sa Mateo 4:1-11. Ang bawat tukso ni Satanas ay nilabanan Niya sa pamamagitan ng magkakaparehong sagot: “Nasusulat,” pagkatapos ay susundan ng Kasulatan. Kung ginamit ng Panginoong Hesu Kristo ang Kasulatan upang epektibong labanan ang mga tukso – at sa gayon ay nilisan Siya ni Satanas pagkatapos ng tatlong bigong pagtatangka (t. 11) — gaano pa kaya natin kinakailangang gamitin ang Kasulatan upang labanan ang mga tuksong ating nararanasan? Ang lahat ng ating mga pagsisikap na labanan ang tukso ay mahina at hindi epektibo malibang bigyan tayo ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng palagiang pagbabasa, pagaaral at pagbubulay- bulay ng Salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, mapapatunayan natin kung alin ang “mabuti at kaaya-aya at lubos na kalooban ng Dios” (Roma 12:2). Walang ibang sandata laban sa tukso maliban sa “tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita ng Diyos” (Efeso 6:17). Sinasabi sa Colosas 3:2, “Ilagak ninyo ang inyong pagiisip sa mga bagay na nangasa itaas, huwag sa mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa.” Kung pinupuno natin ang ating isipan ng mga palabas sa TV, ng mga makamundong musika at lahat ng iniaalok ng makabagong kultura, mapupuno ang ating isipan ng mga mensahe at larawan na tiyak na magbubulid sa atin sa makalamang pagnanasa. Ngunit kung pinupuno natin ang ating isipan ng kabanalan at pagkamangha sa kaluwalhatian ng Diyos, ng pag-ibig at kahabagan ni Kristo, at ng kaningningan ng Diyos na nakikita sa Kanyang perpektong Salita, maglalaho ang pagnanasa sa mga pita ng laman. Ngunit kung walang impluwensya ng Salita ng Diyos sa ating isipan, lagi tayong magiging bukas sa mga tukso ni Satanas.
Ito ngayon ang tanging paraan upang mabantayan ang ating mga puso at isip upang mapanatiling malayo sa atin ang mga pagtukso ni Satanas. Alalahanin natin ang mga sinabi ni Kristo sa Kanyang mga alagad noong gabi bago Siya hulihin: “Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso: ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa't mahina ang laman” (Mateo 26:41). Nakararaming mga Kristiyano ang hindi nga madaling natatangay ng pagkakasala ngunit hindi naiiwasang bumagsak sa pagkakasala dahil ang laman ay mahina kaya’t hindi nila kayang labanan ang mga tukso. Kadalasan, inilalagay natin ang ating sarili sa mga sitwasyon o pinupuno natin ang ating isip ng mga makalamang pagnanasa na nagbubulid sa atin sa pagkakasala.
Kailangan nating baguhin ang ating pagiisip gaya ng sinasabi sa atin sa Roma 12:1-2. Hindi na tayo dapat magisip gaya ng pagiisip ng mundo, o mabuhay gaya ng pamumuhay ng mga makasanlibutan. Sinasabi sa atin sa Kawikaan 4:14, “Huwag kang pumasok sa landas ng masama, at huwag kang lumakad ng lakad ng mga masasamang tao.” Kailangan nating iwasan ang landas ng kamunduhan na magbubulid sa atin sa mga tukso dahil mahina ang ating laman. Tiyak na madali tayong matatatangay ng ating sariling pita.
May babala si Hesus para sa atin sa Mateo 5:29. “At kung ang kanan mong mata ay nakapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo, at iyong itapon: sapagka't may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan, at huwag ang buong katawan mo ay mabulid sa impierno.” Napakarahas ng talatang ito! Ito ay dahil napakakarumaldumal ng kasalanan sa harapan ng Diyos! Hindi sinasabi ng Panginoong Hesus na literal nating puputulin ang mga bahagi ng ating katawan na nagiging sanhi ng ating pagkakasala. Ang pagdukit sa mata ay isang marahas na solusyon at itinuturo sa atin ni Hesus na karapatdapat ang isang marahas na solusyon, kung maaari, upang maiwasan ang pagkakasala.
English
Paano ko mapagtatagumpayan ang tukso?