settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagtatagumpay laban sa pita ng laman?

Sagot


Karamihan sa mga salita sa Bibliya na isinalin sa salitang “pita ng laman” ay nangangahulugan ng “masidhing pagnanasa.” Ang masidhing pagnanasa ay maaaring masama o mabuti, depende sa pinagnanasaan o sa motibo sa likod ng pagnanasa. Nilikha ng Diyos ang puso ng tao na may kakayahan para sa masidhing pagnanasa upang hanapin natin Siya at ang Kanyang katuwiran (Awit 42:1–2; 73:25). Gayunman, ang konsepto ng “pita ng laman” ay laging may kinalaman sa masidihng pagnanasa para sa isang bagay na ipinagbabawal ng Diyos at ang salitang ito ay laging kasingkahulugan ng pagnanasang sekswal o pagnanasa sa mga materyal na bagay.

Ibinibigay sa atin sa Santiago 1:14–15 ang natural na proseso ng hindi mapigilang pagnanasa ng laman: “Kundi ang bawa't tao ay natutukso, pagka nahihila ng sariling masamang pita at nahihikayat. Kung magkagayo'y ang kahalayan, kung maipaglihi ay nanganganak ng kasalanan: at ang kasalanan, pagka malaki na ay namumunga ng kamatayan.”

Ayon sa mga talata, nagsisimula ang pita ng laman sa isang masamang pagnanasa. Hindi kasalanan ang tuksuhin ng masama. Tinukso rin si Hesus (Mateo 4:1). Nagsisimula ang kasalanan kung “nahihila” tayo ng ating pagnanasa sa lugar na hindi nararapat. Kung nararanasan natin ang masamang pagnanasa, mayroon tayong pagpipilian. Maaari natin iyong tanggihan gaya ng ginawa ng Panginoong Hesu Kristo at muling ituon ang ating pansin sa daan na nais ng Diyos na ating lakaran (Mateo 4:10). O maaari natin iyong paunlakan at pagisipan. Gaya ng sinabi ng isang tao, “Hindi natin mapipigilan ang mga ibon na lumipad sa ating ulunan, ngunit mapipigilan natin sila na gumawa ng pugad sa ating ulo.” Kung dumarating ang mga tukso, tandaan natin na may kakayahan tayo na labanan iyon. Maaari nating piliin na bumagsak sa tukso o lumaban dito.

Ang dahilan kung bakit tayo “nahihila palayo” ng tukso ay dahil pinagiisipan natin iyon. Ang salitang ito sa Griyego ay tumutukoy sa isang “pain” sa dulo ng bingwit. Kung nakikita ng isang isda ang namimilipit na bulate, natutukso ito at kinakagat iyon. Kung mahuli na siya ng biwas, maaari na itong hilahin. Sa tuwing humaharap tayo sa tukso, dapat na agad agad natin iyong tatanggihan gaya ng ginawa ni Jose ng tuksuhin siya ng asawa ni Potifar (Genesis 39:11–12). Ang pagdadalawang isip ang nagbubukas sa pinto ng pagnanasa. Tinatawag ang pagdadalawang isip sa Roma 13:14 na “paglalaan para sa laman.” Gaya ng walang ingat na isda, nagnanasa tayo sa tukso na nasa ating isipan at naniniwala na magbibigay sa atin iyon ng kasiyahan at kasapatan. Nilalasap natin ang pantasya at inilalarawan sa ating diwa ang mga bago at makasalanang senaryo at pinahihintulutan ang ideya na hindi sa atin ipinagkakaloob ng Diyos ang lahat ng ating mga pangangailangan para sa ating kasiyahan (Genesis 3:2–4). Ito ay isang kahangalan. Sinasabi sa 2 Timoteo 2:22, “Datapuwa't layuan mo ang masasamang pita…” Ang “paglayo” ay nangangahulugan ng “agarang pagtakas.” Hindi si Jose nanatili sa isang sulok upang timbangin kung ano ang kanyang gagawin. Kinilala niya ang tukso sa aspetong sekswal at agad na tumakbo. Kung nagdadalawang isip tayo, pinaglalaanan natin ng pagkakataon ang laman upang piliin nito ang kasamaan. Sa tuwina, natatalo tayo ng kapangyarihan ng laman. Isang malakas na tao si Samson, ngunit wala siyang laban sa kanyang sariling pagnanasa (Hukom 16:1).

Ang sumunod na hakbang sa pagbagsak sa tukso ayon kay Santiago ay ang “binhi ng pagnanasa.” Nagiging isang binhi ang pagnanasa, isang kaisipan na nagtataglay ng malakas na kagustuhan. Kung hahayaan natin na sumibol ang binhi ng pagnanasa, ito ay lalaki, magiging makapangyarihan at mahirap ng bunutin. Nagkakaroon ng buhay ang pagnanasa at nagiging pita ng laman. Malinaw na sinabi ni Hesus na kasalanan ang pita ng laman at isip kahit hindi pa natin aktwal na ginagawa ang kasalanang iyon (Mateo 5:27–28). Pagaari ng Diyos ang ating puso, at kung hinahayaan natin na tumubo dito ang kasamaan, niyuyurakan natin ang Kanyang templo (1 Corinto 3:16; 6:19).

Nananalasa ang masasamang pagnanasa sa lahat ng tao sa mundo. Ipinagbabawal ng ikasampung utos ng Diyos ang pagiimbot, na nangangahulugan ng pagnanasa sa isang bagay na hindi sa atin (Deuteronomio 5:21; Roma 13:9). Laging hinahanap ng puso ng tao ang sarili nitong kasiyahan, at kung makakatuklas ito ng isang bagay o isang tao na pinaniniwalaaan nito na magbibigay sa kanya ng kasiyahan, naguumpisa ang pita ng laman.

Mapagtatagumpayan lamang natin ang mga pita at pagnanasa ng ating mga puso kung nakatalaga ito para sa kaluwalhatian ng Diyos. Kung isusuko natin ang ating sarili sa Panginoon, matatagpuan natin ang ating kasiyahan sa ating relasyon sa Kanya. “Binibihag namin ang lahat ng isipan upang matutong sumunod kay Cristo” (2 Corinto 10:5). Dapat nating hayaan na ingatan ng Banal na Espiritu ang ating mga isip kung ano ang Kanyang kagustuhan para dito. Makakatulong ang araw araw na pagdalangin katulad ng mga salita sa Awit 19:14: “Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan, kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.” Kung ang nasa ng ating puso ay ang pagbibigay ng kaluguran ang Diyos ng higit sa ating sarili, malalayo tayo sa anumang pita ng laman. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagtatagumpay laban sa pita ng laman?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries