Tanong
Paano ko makakamit ang tagumpay kay Hesus?
Sagot
Bilang mga tagasunod ni Jesu Cristo, nais nating lahat na magkaroon ng matagumpay na buhay Kristiyano. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang Diyos at ang Kanyang Anak na si Jesus ay Mapagtagumpay at ang mga mananampalataya ay maaaring makibahagi sa kanilang tagumpay: “Ngunit salamat sa Diyos! Binibigyan Niya tayo ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (1 Corinto 15:57). Sa praktikal na kaisipan, paano natin mararanasan ang matagumpay na buhay na naging posible kay Cristo? Paano natin makakamit ang tagumpay kay Jesus?
Sa totoo lang, ang tagumpay ay sa Panginoon nating Diyos lamang (1 Samuel 17:47). Mula sa araw ng pag-alis ng Israel mula sa Ehipto, sa tuwing umaasa ang bayan ng Diyos sa Kanya lamang, binigyan Niya sila ng tagumpay laban sa kanilang mga kaaway (Exodo 15). Ang mga propeta sa Lumang Tipan ay patuloy na nagtuturo sa isang hinihintay na Tagapagligtas na maghahatid ng lubos na kasukdulan ng pagtatagumpay ng Diyos: O Zion, magdiwang ka sa kagalakan! O Jerusalem, ilakas mo ang awitan! Pagkat dumarating na ang iyong hari na Mapagtagumpay at Mapagwagi. Dumarating Siyang may Kapakumbabaan, batang asno ang Kanyang sinasakyan” (Zacarias 9:9; tingnan din sa Awit 110:1). Alam nating ang mga propesiyang ito ay tumutukoy kay Jesu Cristo, ang ipinangakong Mesiyas, na dumaig sa mundo (Juan 16:33).
Nanalo si Jesus ng pinakamataas na tagumpay sa krus. Ang kasalanan ay natubos, at ang kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan ay nasira (tingnan ang Juan 12:31 at 1 Pedro 2:24). Pagkatapos ng pagpapako sa krus at paglilibing ni Cristo, nabuhay Siya mula sa mga patay pagkaraan ng tatlong araw, at ngayon ay nakikibahagi tayo sa tagumpay na iyon. Inakala ni Satanas na nanalo siya sa sukdulang paligsahan sa kamatayan ni Cristo. Sa halip, pinalaya ng kamatayang iyon ang ating mga tanikala, pinalaya tayo mula sa bilangguan ng kasalanan, at dinisarmahan ang mga espiritwal na kapangyarihan ng kasamaan: “Kayong dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi saklaw ng pagtutuli ayon sa Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad Niya ang ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi Niya ang lahat ng ito nang ipako Siya sa krus. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus, nilupig Niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito'y parang mga bihag na Kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng Kanyang Pagtatagumpay” (Colosas 2:13–15).
Ang susi upang makamit ang tagumpay kay Jesus ay ang pananampalataya kay Cristo: “Sapagkat ang bawat ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa mundo. Ito ang tagumpay na dumaig sa mundo, maging ang ating pananampalataya. Sino ang nananaig sa mundo? Ang naniniwala lamang na si Jesus ang Anak ng Diyos” (1 Juan 5:4–5; tingnan din sa Roma 8:37). Ang unang hakbang sa tagumpay kay Jesus ay ang pagtanggap kay Cristo bilang Tagapagligtas. Tinatanggap natin ang Panginoon sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, at nabubuhay tayo sa Kanyang tagumpay sa biyaya sa pamamagitan din ng pananampalataya. Ang ating kaligtasan ay kaloob ng biyaya ng Diyos, at ang ating tagumpay kay Jesus ay kaloob ng biyaya ng Diyos (Efeso 2:4–8; Galacia 3:3).
Ano ang lawak ng tagumpay ni Jesu Cristo na Kanyang ibinibigay sa atin? Ang tagumpay na ibinahagi ni Jesus sa atin ay kinabibilangan ng tagumpay laban sa pita ng laman, pita ng mga mata, at pagmamataas sa buhay (1 Juan 2:16). Ang tagumpay ng ating Panginoon laban sa tukso at kasalanan (Hebreo 4:15; tingnan din sa Mateo 4:1–11) ay naging tagumpay din natin: “Ang mga na kay Cristo Jesus ay ipinako sa krus ang laman kasama ng mga pagnanasa at pita nito” (Galacia 5: 24; tingnan din sa Roma 5:20–21). Ipinaliwanag ni Apostol Juan: “Nalalaman ninyong naparito si Cristo upang pawiin ang ating mga kasalanan, at Siya'y walang kasalanan. Ang nananatili sa Kanya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala man sa Kanya. Mga anak, huwag kayong palinlang kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay matuwid tulad ni Cristo. Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y nagkakasala na ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo” (1 Juan 3:5–8).
Nadaig ni Jesus si Satanas at ang mga kapangyarihan ng kasamaan (Juan 14:30; 16:11; Markos 1:23–27; Lukas 4:33–36), at ibinahagi Niya sa atin ang tagumpay na iyon. Sinabi ni Jesus, “Nakita ko si Satanas na nahulog na parang kidlat mula sa langit. Binigyan ko kayo ng kapamahalaan na yurakan ang mga ahas at mga alakdan at upang madaig ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; walang makapipinsala sa iyo” (Lukas 10:18–19; tingnan din sa Efeso 1:21–22). Ipinaliwanag ng manunulat ng Hebrews na si Jesus ay nagkatawang-tao at nakibahagi sa ating sangkatauhan “Dahil sa ang mga anak na tinutukoy Niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at dugo. Ginawa Niya ito upang sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay mawasak Niya ang diyablo na Siyang may kapangyarihan sa kamatayan. Sa pamamagitan din ng Kanyang kamatayan ay pinalaya Niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan” (Hebreo 2:14–15). Hindi natin kailangang katakutan ang kamatayan o ang diyablo dahil nakikibahagi tayo sa tagumpay ni Jesu Cristo laban sa kanila (Gawa 2:24; Roma 6:9; 8:38–39; 2 Timoteo 1:10; Pahayag 1:18).
Hangga't nananatili tayo sa bumagsak na mundong ito, magkakaroon pa rin tayo ng mga pakikibaka na dapat pagtagumpayan at mga laban na dapat labanan. Minsan babagsak tayo at mabibigo. Ngunit patuloy tayong bumabangon, humihiling sa Diyos na bigyan tayo ng Kanyang biyaya at kapangyarihan upang magtagumpay (2 Corinto 12:9). Bilang mga mananampalataya, ipinaglalaban natin ang ating mga laban sa espirituwal na kaharian, sa ating mga tuhod: “Kung nabubuhay man kami sa mundong ito, hindi naman kami nakikipaglaban ayon sa pamamaraan ng mundong ito. Ang sandata namin sa pakikipaglaban ay hindi makamundo, kundi ang kapangyarihan ng Diyos na nakakapagpabagsak ng mga kuta. Sinisira namin ang mga maling pangangatuwiran” (2 Corinto 10:3–4). Binigyan tayo ng Diyos ng espirituwal na baluti upang protektahan tayo mula sa mga kapangyarihan ng kadiliman na nakikipagdigma sa atin (Efeso 6:10–20).
Ang tagumpay kay Jesus ay totoo at makakamit ngayon dahil ang ating Panginoong Jesus na nakatalo kay Satanas at ang bawat masamang kapangyarihan ng mundo. Nakakamit natin ang tagumpay kay Jesus sa pamamagitan ng pamamahinga kay Cristo (Mateo 11:28) at pagtitiwala sa Kanya ang magpapatagumpay sa atin (Roma 5:17). Habang tayo ay nananatili sa lupa, ang Panginoon ay naghahari na matagumpay sa pamamagitan ng mga iniligtas mula sa kaharian ng kadiliman at nailipat sa Kanyang maluwalhating kaharian ng liwanag (1 Pedro 2:9). Gayunman, darating ang isang araw na ang mga tagumpay ni Jesus ay ganap na maisasakatuparan at ipagdiriwang sa bagong langit at bagong lupa: “Lubusan nang pupuksain ng Panginoong Yahweh ang kamatayan, at papahirin ang mga luha sa kanilang mga mata. Aalisin Niya sa kahihiyan ang Kanyang bayan” (Isaias 25:8).
English
Paano ko makakamit ang tagumpay kay Hesus?