Tanong
Bakit ako dapat magbahagi ng aking pananampalataya sa aking trabaho?
Sagot
Bilang tagasunod ni Kristo, maraming dahilan kung bakit dapat tayong maging masigasig sa pagbabahagi ng ating pananampalataya sa lahat ng pagkakataon. Gayunman, sa lugar ng ating trabaho, may isang kunsiderasyon. Bilang mga empleyado, nakipagkasundo tayo sa ating pinagtatrabahuhan na ibibigay ang buong benepisyo ng ating trabaho sa isang itinakdang haba ng panahon. Upang maging Kristiyano na may mabuting patotoo, dapat tayong sumunod sa kasunduang iyon. Hindi dapat na makahadlang sa ating gawain na dapat gampanan ang ating pagbabahagi ng Ebanghelyo (1 Tesalonica 5:12-14). Kung susuway tayo sa kasunduan, mawawalan tayo ng kredibilidad sa ating pinagtatrabahuhan at sasalungat ang ating aksyon sa ating sinasabi at hindi tayo magiging magandang patotoo. Kaya dapat tayong magnais na maging pinakamagaling na manggagawa ng ating mga pinagtatrabahuhan (Colosas 3:23). Ang ganitong saloobin ay magbibigay ng awtoridad sa ating salita kung ibabahagi na natin ang ating pananampalataya.
Ang tatlong alituntunin sa ibaba ang ilan sa maraming kadahilanan sa pagbabahagi ng ating pananampalataya saan mang dako:
1) Ipinag-utos ito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesu Kristo. Noong mga huling sandali ni Kristo kasama ang mga alagad bago Siya ipako sa krus, maaari Niyang sabihin ang lahat ng bagay. Ngunit ang Kanyang piniling sabihin sa kanila ay ang pangako na sasakanila ang Kanyang pagpapala at biyaya upang ipangaral ang Ebanghelyo upang malaman ng iba ang paraan ng Diyos sa pagtatamo ng kaligtasan at ng isang pinagpalang relasyon sa Panginoong Hesu Kristo (Mateo 28:18-20).
2) Ito ay isa nating tungkulin. Kung tunay tayong natubos ni Kristo, binigyan Niya tayo ng isang bagay na hindi sa atin. Kung hindi dahil sa biyaya ng Diyos, mapapahamak tayo ng walang hanggan. Naging mananampalataya tayo dahil may mga taong nagbahagi sa atin ng Ebanghelyo; paanong hindi natin gagawin ang gayon sa iba? Sinabi ni Hesus na tumanggap tayo ng libre, kaya't dapat na libre din nating ibigay ang ating tinanggap (Mateo 10:8). Pinagkatiwalaan tayo ng Diyos upang maging Kanyang mga mensahero sa mga naliligaw (Gawa 1:8; 1 Tesalonica 2:4).
3) Inuudyukan tayo ng pagpapasalamat. Ang isang taus-pusong pasasalamat ang isa sa maraming tanda ng isang tunay na mananampalataya kay Hesu Kristo. Habang nauunawaan natin ang kasamaan ng ating sariling puso, lalo nating nauunawaan ang kadakilaan ng pagpapatawad na ipinagkaloob Niya sa atin, at mas lalo tayong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa pagtubos Niya sa atin. Ang pagpapasalamat na ito ay naipapahayag sa pamamagitan ng pagbibigay ng kredito sa Diyos para sa lahat ng Kanyang ginawa para sa atin — na hindi natin kayang gawin sa ating sarili. Ang pinakamagandang paraan upang pasalamatan ang Diyos ay ang pagluwalhati sa Kanya sa lahat ng bagay dahil sa Kanyang ginawa sa atin at ibahagi sa iba ang tungkol sa Kanyang dakilang pag-ibig at kahabagan.
Paano natin ibabahagi ang ating pananampalataya sa lugar ng ating mga trabaho? Una, may tinatawag na "tahimik na patotoo" — isang patotoo na walang ginagamit na salita. Kinapapalooban ito ng pagiging tapat na manggagawa at hindi pagsasalita ng masama sa ating mga pinagtatrabahuhan o mga kamanggagawa. Walang perpektong amo o perpektong kamanggagawa, ngunit kung gagawa tayo ng may saloobin na gaya ng sinasabi sa Colosas 3:23, "Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao," maluluwalhati natin ang Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng ating gawain para sa Kanya. Kung nagtatrabaho tayo para sa Panginoon, ang ating kakayahan sa pagdadala ng problema sa trabaho at sa pagtrato sa ating mga kamanggagawa ng may kabutihang loob at pagtitiyaga ang magiging daan upang maging katangi-tangi tayo sa lahat ng ating kamanggagawa. Kung mapapansin ng iba ang ating mga ikinikilos, magkokomento sila ng maganda sa atin at magbibigay ito sa atin ng oportunidad na ipaliwanag sa kanila kung sino ang ating pinaglilingkuran at kung paano Niya naaapektuhan ang ating mga buhay. Sa ibang salita, dapat nating ipamuhay ang ating sinasabi upang magkaroon tayo ng pagkakataon na ipagsabi ang ating sinasabi.
Kung magbubukas ang pinto para maibahagi sa iba ang ating pananampalataya, dapat na lagi tayong "maging handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa na nasa atin" (1 Pedro 3:15). Nangangahulugan ito ng pagiging masigasig sa ating pagaaral ng Salita ng Diyos bilang paghahanda sa mga oportunidad. Kung hinahayaan natin na lubusang "manatili sa ating mga puso ang Salita ni Kristo" (Colosas 3:16), lagi tayong magiging handa. Sa huli, manalangin tayo sa Diyos na magbukas nawa Siya ng mga oportunidad upang maibahagi natin si Kristo sa iba— ang mga "itinakdang pagkikita" sa mga taong inihanda ng Diyos ang puso upang tanggapin nila ang Kanyang mensahe sa pamamagitan ng ating patotoo.
English
Bakit ako dapat magbahagi ng aking pananampalataya sa aking trabaho?