settings icon
share icon
Tanong

Dapat ba tayong sumunod sa ating mga pastor?

Sagot


Ang talata na direktang sumasagot sa katanungang ito ay ang Hebreo 13:7, "Alalahanin ninyo ang nangagkaroon ng pagpupuno sa inyo na siyang nangagsalita sa inyo ng salita ng Dios; at sa pagdidilidili ng wakas ng kanilang pamumuhay, ay inyong tularan ang kanilang pananampalataya."

Lubhang nasasaktan ang mga pastor kung nakikita nilang hindi pinapansin ng mga tao ang mga turo ng Diyos na kanilang ipinapangaral. Sa tuwing tinatanggihan ng mga tao ang Salita ng Diyos, hindi lamang sila nasasaktan, hindi rin ito nakabubuti sa mga taong nakapaligid sa kanila. Likas sa mga kabataan na hindi pansinin ang mga payo ng matatanda at sa halip ay nagtitiwala sila sa kanilang sariling karunungan at nasa ng kanilang puso. Ang isang pastor na tapat sa Diyos ay nagbabahagi ng Salita ng Diyos dahil nais niyang maglingkod sa Diyos at pakainin ang kawan ng espiritwal na pagkain na magreresulta sa pagkakaroon ng tao ng buhay na ganap at kasiyasiya na ipinangako ng Panginoong Hesus (Juan 10:10b).

Ang kabaliktaran ng isang tapat na pastor ay ang mga "bulaang pastor" na hindi iniisip ang kapakanan ng mga tupa kundi ang kanyang nais na magkaroon ng kontrol at kapamahalaan sa kawan. Hindi rin nila pinagaaralan ang Salita ng Diyos at sa halip, ang itinuturo ay ang utos ng tao sa halip na utos ng Diyos. Ang mga Pariseo sa panahon ni Hesus ay naturingang mga "bulag na taga-akay" (Mateo 15:14). Maraming paulit ulit na mga babala tungkol sa mga bulaang guro sa aklat ng mga Gawa, sa mga sulat ng mga apostol at sa aklat ng Pahayag. Dahil sa pagkakaroon ng mga makasariling tagapanguna, may mga pagkakataon na kailangan nating sumuway sa tao upang masunod ang kalooban ng Diyos (Gawa 4:18-20). Gayunman, ang anumang akusasyon laban sa isang tagapanguna ng Iglesya ay dapat na suportahan ng mga ebidensya at patunayan ng higit sa isang saksi (1 Timoteo 5:19).

Ang mga tapat na pastor ay higit ang halaga kaysa sa ginto. Karaniwang sobra ang kanilang trabaho at kulang ang suweldo. Nagtataglay sila ng napakalaking responsibilidad at gaya ng sinasabi sa Hebreo 13:1, magbibigay sulit sila sa Diyos ng kanilang gawain. Sinabi sa 1 Pedro 5:1-4 na ang mga pastor ay hindi dapat na maging diktador, sa halip dapat silang mamuhay bilang halimbawa at magturo ng buong katiyagaan (1 Timoteo 4:16) at ng buong kapakumbabaan. Gaya ni Pablo, dapat silang maging tulad sa mga mapagalagang ina na tunay na nagmamahal sa kanilang mga anak. Ang mga tapat na pastor ay handang magbigay ng kanilang buhay para sa kanilang mga kawan at namumuno sila ng buong kaamuan (1 Tesalonica 2:7-12; Juan 10:11). Kinakikitaan sila ng tapat na debosyon sa salita ng Diyos at pananalangin (Gawa 6:4) upang makapamuno sila sa karunungan at kapangyarihan ng Diyos at makapagpakain sa Iglesya ng espiritwal na pagkain sa ikalalago at ikasisigla ng pananampalataya ng mga tupa. Kung ito ang larawan ng iyong pastor, o malapit sa paglalarawang ito (walang kahit isang tao sa mundo ang perpekto), karapatdapat siya sa "ibayong kapurihan" at pagsunod habang ipinapangaral niya ng malinaw ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos (1 Timoteo 5:17).

Kaya ang sagot sa tanong ay, Oo, dapat tayong sumunod sa ating mga pastor. Dapat din natin silang ipanalangin sa tuwina at hilingin sa Diyos na bigyan sila ng karunungan, kapakumbabaan, pag-ibig sa kawan at pagiingat habang iniingatan nila ang mga ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat ba tayong sumunod sa ating mga pastor?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries