Tanong
Ano ang kasalanan ng Sodoma at Gomorra?
Sagot
Ang kuwento ng Bibliya tungkol sa Sodoma at Gomorra ay nakatala sa kabanata 18 at 19 ng aklat ng Genesis. Itinala sa Genesis 18 ang pakikipagusap ng Panginoon at ng dalawang anghel kay Abraham. Ipinaalam ng Panginoon kay Abraham ang "daing laban sa Sodoma at Gomorra at ang napakalaki nilang kasalanan" (Genesis 18:20). Itinala sa mga talatang 22 at 33 ang pakiusap ni Abraham sa Diyos na mahabag sa Sodoma at Gomorra dahil naroroon ang kanyang pamangking si Lot at ang pamilya nito.
Itinala sa Genesis 19 ang pagbisita ng dalawang anghel sa siyudad ng Sodoma at Gomorra na nag-anyong mga lalaki, habang inaanyayayan ni Lot na tumigil muna sa kanyang bahay ng gabing iyon. Pumayag ang dalawang anghel. Ipinaalam sa atin ng Bibliya, "Datapuwa't bago nagsihiga, ang bahay ay kinulong ng mga tao sa bayan sa makatuwid baga'y ng mga tao sa Sodoma, na mga binata at gayon din ng mga matanda ng buong bayan sa buong palibot; At kanilang tinawagan si Lot, at sinabi sa kaniya, Saan nangaroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? ilabas mo sila sa amin upang kilalanin namin sila" (Genesis 19:4–5). Dahil dito, binulag ng dalawang anghel ang lahat ng mga lalaki ng Sodoma at Gomorra at hinimok si Lot at ang kanyang pamilya na lisanin ang siyudad upang makaligtas sa poot ng Diyos na Kanyang ipalalasap sa Sodoma at Gomorra. Tumakas mula sa siyudad ang pamilya ni Lot at "Nang magkagayo'y nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng azufre at apoy mula sa Panginoon na buhat sa langit.." (Genesis 19:24).
Sa liwanag ng teksto, ang pinaka-karaniwang sagot sa tanong na: "Ano ang kasalanan ng Sodoma at Gomorra?" ay homosekswalidad o kabaklaan. Ito ang pinanggalingan ng salitang "sodomy" at ng paggamit sa salitang ito upang tukuyin ang sekswal na ugnayan sa pagitan ng dalawang lalaki, sumasang-ayon man ang isa't isa o may kalakip na pamimilit o pamumuwersa. Malinaw na ang kabaklaan ay isa sa mga dahilan kung bakit ginunaw ng Diyos ang dalawang siyudad. Nais ng mga lalaki ng Sodoma at Gomorra na makipagtalik sa dalawang anghel (na nag-anyong mga lalaki). Gayundin naman, hindi ayon sa Bibliya na sabihin na ang kabaklaan ng mga taga Sodoma at Gomorra ang "tanging" dahilan kung bakit ginunaw ng Diyos ang dalawang siyudad. Hindi eksklusibong kabaklaan ang kasalanan ng mga taga Sodoma at Gomorra.
Idineklara sa Ezekiel 16:49-50, "Narito, ito ang kasamaan ng iyong kapatid na babae na Sodoma; kapalaluan, kayamuan sa tinapay, at ang malabis na kapahingahan ay nasa kaniya at sa kaniyang mga anak na babae; at hindi man niya pinalakas ang kamay ng dukha at mapagkailangan. At sila'y palalo at gumawa ng kasuklamsuklam sa harap ko: kaya't aking inalis sila, ayon sa aking minagaling." Ang salitang Hebreo na isinalin sa salitang "kasuklamsuklam" ay tumutukoy sa isang bagay na kahiyahiya sa moralidad at ang parehong salita na ginamit sa Levitico 18:22 na tumutukoy sa kabaklaan bilang "karumaldumal" na kasalanan. Sa parehong paraan, idineklara din sa Judas 7, "Gayon din ang Sodoma at Gomorra, at ang mga bayang nasa palibot ng mga ito, na dahil sa pagpapakabuyo sa pakikiapid at sa pagsunod sa ibang laman, ay inilagay na pinakahalimbawa, na sila'y nagbabata ng parusang apoy na walang hanggan." Kaya muli, habang hindi ang kabaklaan ang tanging kasalanan na kinasasangkutan ng mga taga siyudad ng Sodoma at Gomorra, tila lumalabas na ito ang pangunahing dahilan sa paggunaw sa kanila ng Diyos.
May mga nagtatangka na ilayo ang argumento sa kabaklaan na siyang dahilan sa paggunaw ng Diyos sa dalwang siyudad ang nagaangkin na ang kasalanan ng Sodoma at Gomorra ay ang hindi mabuting pakikutungo sa mga bisitang anghel. Tunay na hindi pinakitunguhang mabuti ng mga lalaki ng Sodoma at Gomorra ang dalawang anghel na nag-anyong mga lalaki. Walang pakikitungo ang mas masahol pa sa tangkang panggagahasa ng isang grupo ng bakla sa mga bisita. Ngunit ang sabihin na ganap na pinuksa ng Diyos ang dalawang siyudad at ang mga naninirahan doon dahilan sa hindi mabuting pakikitungo ng mga tao doon sa kanilang mga bisita ay malinaw na isang pagtatangka na iligaw ang tao sa tunay na dahilan. Habang napatunayang nagkasala ang Sodoma at Gomorra ng iba pang uri ng karumaldumal na kasalanan, ang kasalanan ng kabaklaan na nahayag sa tangkang panggagahasa ng mga baklang ito sa mga anghel ang pangunahing dahilan kung bakit pinaulanan ng Diyos ng nagbabagang apoy at asupre ang dalawang siyudad na ikinamatay ng lahat ng naninirahan doon. Hanggang sa kasalukuyan, ang lugar na kinaroroonan ng Sodoma at Gomorra ay nananatiling tulad sa isang basurahan. Ang Sodoma at Gomorra ay nagsisilbing halimbawa kung paanong kinamumuhian ng Diyos ang kasalanan sa pangkalahatan at sa partikular, ang kasalanan ng kabaklaan.
English
Ano ang kasalanan ng Sodoma at Gomorra?