settings icon
share icon
Tanong

Sino si Steve Murrell? Ano ang Victory Christian Fellowship?

Sagot


Si Steve Murrell ang tagapagtatag at senior pastor ng Victory Christian Fellowship Philippines. Siya rin ang isa sa mga tagapagtatag at presidente ng Every Nation Churches & Ministries, isang pangbuong mundong samahan ng mga nagtatatag ng iglesya at mga ministeryo sa mga campuses; siya rin ang direktor ng Real Life Foundation, isang organisasyon na naglalayong tumulong sa mga mahihirap sa Pilipinas; at siya rin ay miyembro ng pamunuan ng Bethel Franklin, ang kanyang lokal na iglesya sa Tennessee USA. Sa kanyang sariling blog, inilarawan ni Murrel ang kanyang sarili bilang isang "misyonero dahil sa aksidente" at isang "nagaatubiling pinuno." Sumulat siya ng isang libro na may titulong "The WikiChurch," isang aklat tungkol sa pageebanghelyo at pagdidisipulo at isa rin siya sa dalawang may-akda ng "The Purple Book: Biblical Foundations for Building Strong Disciples."

Itinatag ang Victory Christian Fellowship (VCF) noong 1984 ng si Murrel at ang kanyang asawang si Deborah ay nagtungo sa Pilipinas para sa isang buwang pagmimisyon. Ang iglesyang tinulungang itatag ni Murrel, ang Victory Manila ay nasa labinlimang lokasyon na ngayon sa Maynila at nakapagtatag ng mga iglesya sa animnapung (60) siyudad sa Pilipinas at sa dalawampung (20) bansa. Bilang karagdagan, may mahigit sa sampung libong (10,000) tinatawag na "Victory Groups" (mga maliliit na grupo ng pagdidisipulo) na nagkikita-kita isang beses isang linggo sa mga coffee shops, opisina, dormitoryo, at mga bahay-bahay sa buong Metro Manila. May mahigit sa 65,000 miyembro, maituturing na ang VCF bilang isang megachurch.

Ang sistema ng paniniwala ng VCF ay pinaghalo-halong Pentecostal, Ebangheliko at Charismatic. Sumasang-ayon ang VCF sa kapahayagan ng pananampalataya ng Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC), at naniniwala sa katuruan tungkol sa Trinidad, hindi pagkakamali ng Kasulatan, pagiging Diyos at tao ni Cristo, at kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Naniniwala rin ang VCF sa bawtismo sa Banal na Espiritu pagkatapos ng kaligtasan na isang turong pagkakakilanlan sa mga Pentecostal. Itinuturo ng VCF na "ang lahat ng mga mananampalataya ay dapat na maghangad at makaranas ng bawtismo sa Espiritu Santo," at "pagkatapos ng pagsilang na muli, ang bawat mananampalataya ay dapat na makaranas ng bawtismo sa Espiritu Santo." Ang VCF ay isang grupo na naniniwala sa pagpapatuloy ng lahat ng kaloob ng Espiritu Santo na nakatala sa 1 Corinto 12:8-10, kabilang ang panghuhula ng magaganap sa hinaharap, kaloob ng mga tanda at kababalaghan at pagsasalita sa ibang wika na pinaninindigan nilang umiiral pa hanggang ngayon.

Sa pagsunod sa paniniwala ng mga Karismatiko, tinatanggap ng VCF ang mga makabagong apostol at propeta gaya ng propetisang si Jane Hamon, ang sumulat ng "Dreams and Visions: Understanding and Interpreting God's Messages." Kamakailan lamang, isang conference tungkol sa pagiging apostol at propeta ang idinaos sa VCF pioneer sa siyudad ng Mandaluyong kung saan ang isa sa mga tampok na tagapagsalita ay si "apostol" Che-Ahn, isang tagapagturo ng Kingdom Now Theology at ipinagpapalagay na nakakagawa ng mga himala. Sinusuportahan ng Victory Christian Fellowship ang mga seminars at conferences ng mga kilalang motivational speakers gaya ni Chinkee Tan, manunulat ng aklat na Rich God: Poor God; at Bo Sanchez, isang manunulat at layko ng Simbahang Katoliko. Ang parehong tagapagsalita ay nagsusulong ng Ebanghelyo ng Kasaganaan (Prosperity Gospel).

Inilahad ni Steve Murrell ang pagkakatulad sa pagitan ng ministeryo ng Victory Christian Fellowship at ng website na Wikipedia. Sa isang panayam ng 700 Club ng CBN, sinabi ni Murrell, "kung ang bawat mananampalataya, hindi lamang ang mga suwelduhang mga lider ng iglesya ang lumalahok sa ministeryo, ang iglesya ay magiging isang 'WikiChurch.' Ang isang 'WikiChurch' ay ang modelo ng iglesya sa aklat ng mga Gawa. Naniniwala si Murrel na ang pagiging isang "WikiChurch" ang dahilan sa paglago ng VCF: "ang bawat isa ay sangkot bilang mga disipulo na nagdidisipulo, kahit ang mga "hindi kwalipikado." Umaasa si Murrel na yayakapin ng bawat iglesya ang isang "bukas na relasyon at magandang pagtrato sa mga tagalabas ng iglesya, lalo na sa mga miyembro ng komunidad ng LGBT at mga muslim na hindi opisyal na 'isinasantabi' ng mga iglesyang ebangheliko" habang pinapanatili ng iglesya ang radikal na pagiging kakaiba sa doktrina" (mula sa kanyang blog entry noong April 4, 2018).

Ang pakikisama ng Victory Christian Fellowship sa mga makabagong apostol at propeta at ang pagpapahintulot nito sa mga bulaang mangangaral sa pagsusulong ng mga maling doktrina at hidwang pagsasanay ay isang malaking problema. Ang Kasulatan ang tanging sukatan para sa pananampalataya at mga gawa (2 Timoteo 3:15-16), hindi ang mga bagong rebelasyon ng mga taong ipinapakilala ang sarili bilang mga propeta. Sinabi ni Pablo, "Huwag kayong paloloko. "Ang masasamang kasama ay nakakasira ng mabuting pagkatao" (1 Corinto 15:33). Sa kanyang huling pananalita sa mga mananampalatayang Romano, nagbabala si Pablo, "Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo: mag-ingat kayo sa mga pasimuno ng mga pagkakampi-kampi at sanhi ng pagtalikod dahil sa pagsalungat nila sa aral na tinanggap ninyo. Iwasan ninyo sila. Ang mga taong gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin, kundi sa pansariling hangarin. Inililigaw nila ang mga may mahinang pag-iisip sa pamamagitan ng kaakit-akit at matatamis na pangungusap" (Roma 16:17-18).

Walang duda na may mga naging totoong Kristiyano sa ministeryo ng Victory Christian Fellowship, sa kabila ng mga maling katuruan nito sa ilang mga isyu. Maaari pa ring gamitin ng Diyos ang Kanyang mga salitang naipapangaral para tawagin ang Kanyang mga hinirang kahit na may problema ang teolohiya ng mga mangangaral at may mga pagkakataong lumilihis sila sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Para sa mga mananampalataya na gustong umiwas sa pagkalantad sa mga bulaang mangangaral o gustong lumago sa kanilang kaalaman sa Diyos at sa Kanyang mga Salita, hindi para sa kanila ang VCF. Bilang mga tunay na mananampalataya, dapat nating gayahin ang halimbawa ng mararangal na taga-Berea na pagkarinig sa pangangaral ni apostol Pablo ay "sinaliksik araw-araw ang mga Kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang sinasabi niya" (Gawa 17:11).



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino si Steve Murrell? Ano ang Victory Christian Fellowship?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries