Tanong
Sino si Satanas?
Sagot
Ang paniniwala ng mga tao kay Satanas ay tulad sa isang mapula at maliit na tao na may sungay na nakaupo sa balikat at hinihikayat ang tao na gumawa ng kasalanan. Ito ang kadalasang ginagamit na karakitura upang ilarawan ang demonyo. Gayon man, ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng malinaw na paglalarawan kung sino si Satanas at kung papaano niya iniimpluwensyahan ang ating mga buhay. Ipinaliwanag ng Bibliya na si Satanas ay isang dating pangunahing anghel ng Diyos na nahulog mula sa kanyang posisyon sa langit dahil sa kasalanan at ngayon ay kinakalaban ang Diyos at ginagawa ang lahat ng makakaya ng kanyang kapangyarihan upang hadlangan ang layunin ng Diyos sa sangkatuhan.
Si Satanas ay nilalang na isang banal na anghel. Sa aklat ng Isaias 14: 12, binigyan siya ng pangalang Lucifer bago siya nahulog sa kasalanan. Inilalarawan din sa aklat ng Ezekiel 28:12-14 na si Satanas ay nilalang na isang kerubin, at maaaring siya ang pinakamataas na uri ng anghel na nilalang ng Diyos. Naging palalo siya at ninais niyang umupo sa trono ng Kataas-taasang Diyos (Isaias 14:13-14; Ezekiel 28:15; 1 Timoteo 3:6). Ang pagiging hambog ni Satanas ang siyang naging dahilan ng kanyang pagbagsak. Pansinin ang maraming mga pananalita na "nais kong" sa mga talata sa Isaias 14:12-15. Dahil sa kanyang kasalanan, itinapon siya ng Diyos palabas sa kalangitan.
Ginawa ng Diyos si Satanas na pansamantalang pinuno ng sanlibutang ito na may gawaing salungatin ang Diyos. Tinatawag din siyang prinsipe at kapangyarihan sa himpapawid (Juan 12:31; 2 Corinto 4:4; Efeso 2:2). Siya ay ang taga-akusa (Pahayag 12:10), manunukso (Mateo 4:3; 1 Tesalonica 3:5) at manlilinlang (Genesis 3; 2 Corinto 4:4; Pahayag 20:3). Ang mismong ibig sabihin ng kanyang pangalan ay ‘kalaban’ o ‘ang sumasalungat.’ Ang isa pang pangalan na ginagamit kay Satanas ay ‘demonyo’ at ‘maninirang-puri.’
Kahit na siya ay itinapon palabas ng langit, nagnanais pa rin siya na itaas ang kanyang sarili ng mas mataas pa sa Diyos. Pinepeke niya ang lahat ng mga nilalang ng Diyos, at umaasa siyang makukuha ang pagsamba ng mundo at makakabuo ng oposisyon laban sa kaharian ng Diyos. Si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng mga kulto at bulaang relihiyon. Gagawin ni Satanas ang lahat na magagawa ng kanyang kapangyarihan upang salungatin ang Diyos at ang lahat ng sumusunod sa Diyos. Gayon man, nakatakda na ang destinasyon ni Satanas - at iyon ay sa walang hanggang kaparusahan sa lawa ng apoy ng impiyerno (Pahayag 20:10).
English
Sino si Satanas?