Tanong
Sino ako kay Kristo?
Sagot
Ayon sa 2 Corinto 5:17, "Kaya't ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya'y bago na." May dalawang salitang Griyego ang isinalin na ‘bago’ sa Bibliya. Ang una ay ‘neos na tumutukoy sa isang bagay na kagagawa lamang, ngunit marami ng kagaya o kaparis. Ang salitang ginamit sa talatang ito ay ‘kainos’ na nangangahulugang ‘isang bagay na ginawa ngunit walang katulad sa alinmang nilikha na.’ Kay Kristo, tayo ay ginawang ganap na bagong nilalang, gaya ng orihinal na paglikha ng Diyos sa langit at lupa - ginawa Niya ang mga ito mula sa wala, at gayundin ang pagkagawa Niya sa atin. Hindi lamang Niya nilinis ang ating lumang pagkatao; ginawa Niya tayong ganap na bagong tao. Kung tayo ay na kay Kristo, tayo ay "nakabahagi sa kabanalan ng Dios" (2 Pedro 1:4). Ang Diyos mismo, sa persona ng Banal na Espiritu ang tumira sa ating mga puso. Tayo ay kay Kristo at Siya ay sa atin.
Kay Kristo, tayo ay binigyan ng buhay, ginawang bago at isinilang na muli at ang bagong kalikasang ito ay laging iniisip ang mga bagay na espiritwal samantalang ang ating lumang kalikasan ay makalaman. Ang bagong kalikasan ay nakikisama sa Diyos, sinusunod ang Kanyang kalooban at nagtatapat sa paglilingkod sa Kanya. Ito ang mga gawain na hindi kayang gawin o nais na gawin ng ating dating pagkatao. Ang lumang kalikasan ay dating patay sa mga bagay na espiritwal at hindi kayang buhayin ang kanyang sarili. Ito ay ‘patay sa pagsuway at kasalanan’ (Efeso 2:1) at nabuhay lamang sa pamamagitan ng isang mahimalang pagbuhay na naganap ng ilapit tayo ng Ama kay Kristo at manahan sa atin ang Espiritu. Binigyan tayo ni Kristo ng isang bago at banal na kalikasan at ng isang buhay na hindi nasisira. Ang ating dating buhay, na dating patay sa Diyos dahil sa kasalanan, ay inilibing, at binuhay na muli upang "tayo'y makalakad sa panibagong buhay" kasama ni Kristo (Roma 6:4).
Kung tayo ay kay Kristo, tayo ay kaisa Niya at hindi na tayo alipin ng kasalanan (Roma 6:5-6); tayo ay binuhay na kasama Niya (Efeso 2:5); tayo ay katulad ng larawan ng Kanyang Anak (Roma 8:29); tayo ay pinalaya na mula sa sumpa ng Diyos at lumalakad hindi na ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu (Roma 8:1); at tayo ay naging bahagi ng katawan ni Kristo kasama ang ibang mananampalataya (Roma 12:5). Ang mga mananampalataya ay nagtataglay na ng bagong puso (Ezekiel 11:19) at “pinagpala ng lahat ng pagpapalang espirtwal ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo” (Efeso1:3).
Maaaring nagtataka tayo kung bakit kadalasan, hindi tayo namumuhay na gaya ng paglalarawan sa atin kahit na ibinigay na natin ang ating buhay kay Kristo at nakatitiyak na tayo ng kaligtasan. Ito ay sa kadahilanang ang ating bagong pagkatao ay nakatira sa lumang katawan na makalaman at ang dalawang ito ay laging nagsasalungatan. Patay na ang lumang kalikasan, ngunit ang bagong kalikasan ay kailangan pa ring makibaka sa lumang ‘tolda’ na kanyang tinitirhan. Narito pa rin ang kasamaan at kasalanan ngunit tinitingnan na sila ngayon ng mananampalataya sa isang bagong perspektibo at hindi na sila ang komokontol sa kanya gaya ng dati. Kay Kristo, makapipili na tayo na labanan ang kasalanan, samantalang walang ganitong kakayahan ang luma nating kalikasan. Ngayon, mayroon na tayong kakayahan na piliin na pakainin ang ating bagong kalikasan sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, pananalangin at pagiging masunurin sa kalooban ng Diyos, o pakainin ang ating laman sa pamamagitan ng pagwawalang bahala sa mga bagay na ito.
Kung tayo ay na kay Kristo, "tayo ay higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umibig" (Roma 8:37) at mayroon na tayong kagalakan sa ating Tagapagligtas, na ginawang posible ang lahat ng mga bagay (Filipos 4:13). Kay Kristo, tayo ay inibig, pinatawad at binigyan ng katiwasayan. Kay Kristo, tayo ay mapagtagumpay, puno ng kagalakan at kapayapaan at pinagkalooban ng tunay na kahulugan ng buhay. Anong kahanga-hangang Tagapagligtas ang mayroon tayo kay Kristo!
English
Sino ako kay Kristo?