Tanong
Sino ang pinapahintulutang magbawtismo/magsagawa ng bawtismo?
Sagot
Hindi partikular na sinasagot sa Bibliya ang tanong na ito. Kung titingnan ang mga gawain ng pagbabawtismo na itinala sa mga Ebanghelyo at sa Aklat ng mga Gawa, tila ang tanging kinakailangan para maging alagad ni Jesus o ni Juan Bautista (sa apat na Ebanghelyo) o para maging isang makadiyos na Kristiyano (sa Aklat ng mga Gawa) ay isang “makadiyos” na Kristiyano na nagbabahagi ng mabuting balita ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu Cristo at sa Kanyang natigis na dugo doon sa krus. Ang mga tao ay nagiging handa o nagnanais na magpabawtismo bilang resulta ng pananampalataya sa mabuting balita.
Narito ang ilang mga halimbawa ng makadiyos na Kristiyano sa Aklat ng mga Gawa: Nagbawtismo sina Pedro at ang mga apostol ng maraming tao sa Gawa 2 sa kanilang pagtugon sa Ebanghelyo ni Cristo. Hindi naglaon, si Felipe na isa sa mga unang napili para mamahagi ng pagkain para sa mga babaeng balo sa iglesya sa Jerusalem at nangaral ng Ebanghelyo sa Samaria ay nagbawtismo ng mga mananampalataya doon (Gawa 6, 8). Gayundin, nagbawtismo si Pablo ng ilan sa mga nagtiwala kay Cristo habang siya ay nagmimisyon ngunit hinayaan ang iba na magbawtismo sa halip na siya (Gawa 16:33; 1 Corinto 1:10-17.).
Ang isang susing talata na hindi tuwirang sumasagot sa tanong na ito ay makikita sa talata tungkol sa “Dakilang Utos” (Mateo 28:18-20). Itinala sa talatang ito ang utos ni Jesus na gawing alagad ang lahat ng mga bansa at bawtismuhan sila bilang bahagi ng proseso ng paggawa ng mga alagad. Kung ang utos na ito ay ibinigay para sa lahat na mga Kristiyano (gaya ng karaniwang paniniwala), masasabi na ang awtoridad na magbawtismo ay ibinigay din para sa lahat na mga Kristiyano.
Hindi tinalakay sa mga sulat ng mga apostol kung sino ang dapat magbawtismo. Ang tinatalakay ay ang kahulugan sa likod ng bawtismo. Sa parehong aklat ng mga Gawa at mga sulat ng mga Apostol, ang tamang pangunawa kung paano naliligtas ang isang tao (Gawa 19:1-5) at ang nakapaloob na simbolismo sa bawtismo (Roma 6) ay tila mas mahalaga kaysa sa kung sino ang nagsasagawa ng bawtismo.
Ayon sa Mateo 28:18-20, gayundin dahil sa katahimikan ng lahat ng natitirang bahagi ng Kasulatan patungkol sa isyung ito, tila binigyan ng awtoridad ng Diyos at pinapahintulutan ang kahit sinong tunay na mananampalataya na magbawtismo at binigyan ng Diyos maging ng awtoridad na mangaral ng Ebanghelyo at magturo ng mga iniutos ni Cristo.
English
Sino ang pinapahintulutang magbawtismo/magsagawa ng bawtismo?