settings icon
share icon
Tanong

Patungkol sa kapatawaran, may pagkakaiba ba sa pagitan ng sinasadyang kasalanan at hindi sinasadyang kasalanan?

Sagot


Bagama't hindi gumawa ang Diyos ng pagkakaiba sa pagitan ng sinasadyang kasalanan at hindi sinasadyang kasalanan (Bilang 15:27-31), laging kinakailangan ang pagsisisi para sa pagtatamo ng kapatawaran (Markos 1:15; Gawa 2:38; Gawa 26:18). Ang pagsisisi ay literal na pagbabago ng saloobin ng isang tao tungkol sa Diyos at kalakip ng nagliligtas na pananampalataya kay Kristo (Gawa 3:19; 20:21; 26:20). Kung walang pagsisisi, walang kapatawaran ng kasalanan. Sinabi ni Hesus, "Sinasabi ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan" (Lukas 13:3; cf. 17:3-4; 2 Pedro 3:9).

Ang sadyaing magkasala ay pagiging mayabang at mapagmataas sa kanyang paglaban sa Diyos (Awit 19:13; Hebreo 10:26). Nagdadala ang sinasadyang kasalanan ng hatol, sa malao't madali, ngunit hindi rin katanggap-tanggap ang hindi sinasadyang pagkakasala o pagkakasala sanhi ng kamangmangan: "Ito nga ang sinasabi ko, at sinasaksihan sa Panginoon, na kayo'y hindi na nagsisilakad pa na gaya naman ng lakad ng mga Gentil, sa pagpapalalo sa kanilang pagiisip, na sa kadiliman ng kanilang pagiisip, ay nangahiwalay sa buhay ng Dios, dahil sa kahangalang nasa kanila, dahil sa pagmamatigas ng kanilang puso; Na sila sa di pagkaramdam ng kahihiyan ay napahikayat sa kalibugan, upang kalakalin ang lahat ng karumihan ng buong kasakiman" (Efeso 4:17-19; tingnan din ang Gawa 3:17-19; Gawa 17:30-31). Iniaalok ng Diyos ang kapatawaran sa lahat ng magsisisi, ngunit ipinapaubaya natin sa Kanyang walang hanggang kapamahalaan ang pagbibigay sa nagkasala ng pusong nagsisisi upang mapatawad sa kanyang mga kasalanan (Efeso 2:4).

Ang mga tumatanggi sa Panginoong Hesu Kristo at sa kanyang Ebanghelyo dahil sa kamangmangan ay dapat na tanggapin Siya sa pagsisisi upang magtamo ng kapatawaran mula sa kanilang mga kasalanan. Maliwanag na ipinahayag ni Hesus: "Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko" (Juan 14:6). Walang pagkakaiba sa isang tao na hindi nakita ang daan dahil sa kamangmangan at sa isang tao na sinasadya ang paglaban sa Diyos — hindi rin niya nakita ang daan.

Gayunman, hindi mangmang ang tao gaya ng kanyang maaaring angkinin. Walang sinuman ang tunay na mangmang sa mga bagay tungkol sa Diyos, at walang sinuman ang may lehitimong dahilan para mamuhay sa pagsuway sa Kanya. Sinabi ni Apostol Pablo, "Sapagka't ang poot ng Dios ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat na kasamaan at kalikuan ng mga tao, na mga sinasawata ang katotohanan ng kalikuan; Sapagka't ang nakikilala tungkol sa Dios ay hayag sa kanila; sapagka't ito'y ipinahayag ng Dios sa kanila. Sapagka't ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka-Dios; upang sila'y walang madahilan" (Roma 1:18-20).

Bagama't may mga pagkakataon na nagkakasala tayo ng hindi natin sinasadya, lagi tayong makatitiyak sa kapatawaran ng Diyos. Si Apostol Pablo ang klasikong halimbawa ng katotohanang ito: "Bagaman nang una ako'y naging mamumusong, at manguusig; at mangaalipusta: gayon ma'y kinahabagan ako, sapagka't yao'y ginawa ko sa di pagkaalam sa kawalan ng pananampalataya" (1 Timoteo 1:13). Ngunit para sa mga taong sinasadya ang pagkakasala at namumuhay sa kasalanan, malinaw ang sabi ni Apostol Pedro: "Sapagka't kung, pagkatapos na sila'y makatakas sa mga pagkahawa sa sanglibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ay muling mahalubiluhan at madaig niyaon, ay lalong sumasama ang huling kalagayan nila kaysa nang una. Sapagka't magaling pa sa kanila ang hindi nakakilala ng daan ng katuwiran, kaysa, pagkatapos na makakilala ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila" (2 Pedro 2:20-21).

Binigyang linaw ni Apostol Juan ang isyung ito tungkol sa kapatawaran ng Diyos: "Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, ay ating dinadaya ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin. Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan" (1 Juan 1:8-9).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Patungkol sa kapatawaran, may pagkakaiba ba sa pagitan ng sinasadyang kasalanan at hindi sinasadyang kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries