settings icon
share icon
Tanong

Paano ko malalaman kung sinasabi sa akin ng Diyos na gawin ang isang bagay?

Sagot


Dapat kang manalangin kung hindi ka tiyak sa kalooban ng Diyos sa iyong buhay. “Ngunit kung kulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan; sapagkat ang Diyos ay saganang magbigay at di nanunumbat” (Santiago 1:5). “Sa harap ng Diyos ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya” (Awit 37:7). Kung hindi mo alam kung ang iyong ipapanalangin, maaari mong gawing personal na panalangin ang mga talata gaya ng, “Ako ay umasa, sa 'yo nagtiwala, na kung umumaga'y ipagugunita yaong pag-ibig mo na lubhang dakila. Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik, patnubayan ako sa daang matuwid” (Awit 143:8) at, “Ayon sa matuwid, ako ay turuan, ituro mo, Yahweh, ang katotohanan” (Awit 25:5).

Ang pangunahing paraan na ginagawa ng Diyos upang turuan tayo ay sa pamamagitan ng Kanyang Salita. “Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyosa at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay” (2 Timoteo 3:16). Kung itinuturo ng Kasulatan ang isang bagay, hindi tayo dapat magalinlangan kung iyon ay kalooban ng Diyos para sa atin. Iniibig Niya tayo at ibinigay na Niya sa atin ang isang simple at malinaw na gabay sa ating pamumuhay – ang Bibliya. “Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, liwanag na tumatanglaw sa landas kong daraanan” (Awit 119:105). “Yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan, nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan” (Awit 19:7). “Paano ba iingatang maging wagas yaong buhay, yaong buhay ng binata sa kaniyang kabataan? Ang tugon ay: “Sumunod s'ya sa banal mong kautusan” (Awit 119:9). Gayundin naman, hindi sasalungatin ng Diyos ang Kanyang sarili, kaya hindi ka Niya pagagawin ng isang bagay na salungat sa Bibliya. Hindi ka Niya uutusang magkasala. Hindi ka Niya pagagawin ng isang bagay na hindi gagawin ng Panginoong Hesu Kristo. Dapat na lumalim ang ating kaalaman sa Bibliya, upang malaman natin kung alin sa mga ginagawa natin ang naaayon sa pamantayan ng Diyos. “Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat na yaon. Dili-dilihin mo iyon araw-gabi upang matupad mo ang lahat ng nasusulat doon. Sa gayon, giginhawa ka at magtatagumpay” (Josue 1:8).

Nagtataglay din ang mga tunay na Kristiyano ng Banal na Espiritu upang ating malaman kung ano ang kalooban at hindi kalooban ng Diyos sa ating mga buhay. “Ang Espiritu ng katotohanan at tutulungan niya kayo upang inyong maunawaan ang buong katotohanan” (Juan 16:13). Minsan inuusig ng Banal na Espiritu ang ating budhi kung gumagawa tayo ng maling desisiyon o pinakakalma Niya at pinalalakas ang ating loob kung gumagawa tayo ng desisyon na naaayon sa kalooban ng Diyos. Kahit hindi Siya nakikialam sa isang paraan na kapansin pansin, mapagtitiwalaan natin na laging Siya ang nangunguna sa atin. Minsan binabago ng Diyos ang isang sitwasyon bagamat hindi natin nalalaman ang Kanyang ginagawa. “At akong si Yahweh ang siyang sa inyo'y laging papatnubay” (Isaias 58:11).

Kung tinatawag ka ng Diyos na gumawa ng isang desisyon ayon sa pananampalataya, palakasin mo ang iyong loob sa katiyakan ng Kanyang presensya. “Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa. Ako, si Yahweh, ang iyong Diyos, ay sasaiyo saan ka man pumunta” (Josue 1:9). At laging tandaan na “Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga kabalisahan sapagkat siya ang kumukupkop sa inyo” (1 Pedro 5:7). “Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Siya ay sangguniin sa lahat mong mga balak, at kanya kang itutumpak sa lahat ng iyong lakad” (Kawikaan 3:5-6).

Hindi natin dapat na asahan at hintayin na makakarinig tayo ng boses mula sa Diyos dahil hindi Niya ito gagawin. May mapanganib na paniniwala ngayon sa ilang grupo ng “born again” na nagsasalita diumano ng malinaw ang Diyos sa kanila sa isang tinig na naririnig ng tainga kaya’t naghihintay sila ng “tinig mula sa Diyos” na salungat at hindi naman matatagpuan sa Bibliya. Ang salitang “Sinabi sa akin ng Diyos…” ay naging tulad sa isang mantra ng ilang grupo sa Kristiyanismo na binibigyang diin ang karanasan sa halip na ang katotohanan ng Salita ng Diyos.

Ang nakalulungkot, ang “sinasabi” ng Diyos sa isang tao ay sumasalungat naman sa Kanyang “sinasabi” sa isa pang tao, at ang mga ekstra Biblikal na mga pahayag na ito ay napatunayan ng nagiging sanhi ng kaguluhan at sinisira ang mga Iglesya habang ang mga miyembro ay nagnanais na mangibabaw ang kanilang karanasan sa karanasan ng iba. Ito ay nagbubunga sa kaguluhan at walang ibang nakikinabang kundi si Satanas na nagnanais na magtanim ng hindi pagkakaunawaan sa gitna ng mga mananampalataya. Dapat nating sundan ang halimbawa ni Apostol Pedro. Sa kabila ng kanyang mahimalang karanasan sa bundok kung saan nasaksihan niya ang pagbabagong anyo ng Panginoong Hesus at ang pakikipagusap nito kina Moises at Elias, hindi siya nagtiwala sa karanasang iyon sa halip kanyang sinabi, “At ang tinig na ito ay aming narinig na nanggaling sa langit, nang kami ay kasama niya sa banal na bundok. At kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula; na mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong sinusundan, na gaya ng sa isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso” (2 Pedro 1:18-19, NKJV).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko malalaman kung sinasabi sa akin ng Diyos na gawin ang isang bagay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries