Tanong
Sinaktan ako ng iglesya sa nakalipas. Paano ko ito mapagtatagumpayan at paano ko mapapanumbalik ang aking sigasig at pagnanais na dumalo sa iglesya?
Sagot
Ang sakit na dulot ng iglesya ay “pumapatay ng tahimik.” Hindi ito nangangahulugan na ang mga salita at mga pangyayari na sumugat sa iyong damdamin ay nanatiling lihim sa iba. Pumapatay ito ng tahimik dahil sa ginagawa nito sa isip, puso, at kaluluwa. Kung hindi maaagapan, sa hinaharap, maaapektuhan nito ang kasiyahan, kagalakan at pagkatao ng isang mananampalataya . Naaapektuhan nito ang ministeryo at mga gawain ng iglesya at ilang iglesya na ang hindi nakabangon dahil dito. Dapat kilalanin na ang sakit na nararanasan mo sa iyong puso ay hindi kakaiba sa sakit ng damdamin na iyong nararanasan sa trabaho, sa tahanan at sa iba pang lugar. Ang pagkakaiba ay hindi natin inaasahan na ang mga anak ng Diyos ay kikilos na kagaya ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos. Ang iglesya ay isang lugar na inaasahan ng lahat na isang lugar na ligtas, tumatanggap, nagpapatawad at hindi pinagmumulan ng kaguluhan at sakit. Ngunit sa maraming iglesya, may nagaganap na samaan ng loob, kaguluhan at poot sa isa’t isa at ito ang sumisira sa imahe ng iglesya.
Nangyayari ang ganito sa maraming iglesya ngayon at mas malala sa iba. Ang kalusugang espiritwal ng mga miyembro ng iglesya at ang pamunuan ang nasa likod ng mga kaguluhan at sa pagkakaroon ng mga hindi magandang paguugali sa loob ng iglesya. Kung hindi makokontrol, unti-unting sisirain ng mga ganitong pangyayari ang pundasyon at espiritwal na buhay ng kongregasyon.
Napakahalaga na huwag mong ituon ang iyong pansin sa mga taong sangkot at sa iglesya mismo, sa halip ay tuklasin mo ang pinagugatan ng iyong sakit, kaguluhan at pagkabigo. Buong katapatan mong kilalanin ang iyong nararamdaman at narito ang ilang posibilidad: galit, kalungkutan, kabiguan, sama ng loob, takot, pagkapahiya, pagmamataas, pagkainggit, at rebelyon. Alamin mo kung ano ang dahilan – hindi kung sino ang dahilan ng sakit na iyong nararamdaman. Pagkatapos, saliksikin mo ang Kasulatan upang malaman kung ano ang sinasabi ng Diyos patungkol dito. Maaari kang gumamit ng concordance at tingnan ang bawat salita, basahin iyon, manalangin, magisip at isapamuhay ang sinasabi sa mga talata. Halimbawa, maaaring iniisip mo na nagagalit ka gayong ang katotohanan ay nararamdaman mo lamang na tinatanggihan ka. Alamin mo kung ano ang sinasabi ng Diyos kung tinatanggihan ka ng iyong kapwa. Sinasabi sa Hebreo 13:5, “Sa anomang paraan ni hindi kita pababayaan,” “Ang Panginoon ay napakita nang una sa akin, na nagsasabi, Oo, inibig kita ng walang hanggang pagibig: kaya't ako'y lumapit sa iyo na may kagandahang-loob” (Jeremias 31:3); at, “Narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan” (Mateo 28:20).
Kung matuklasan mo na ang ugat ng iyong nararamdaman, may nakalaang haplos ng karunungan, habag, at pag-ibig ang Diyos upang pagalingin ang iyong sugat. Kung hihingi ka sa Kanya ng tulong, maitutuon mo ang iyong pansin sa Kanya hindi sa mga tao at sa kanilang ginawa sa iyo. Titigil ka sa pagiisip sa mga pangyayari na naging dahilan ng iyong pagdaramdam. Maaaring tunay kang nasaktan o tinanggihan at totoong nararamdaman mo ang sakit na dulot nito. Ang iyong nararamdaman ay resulta lamang ng mas malalim at mas mahalagang katotohanan na nakakasagabal sa iyong paglilingkod sa Diyos, sa Kanyang iglesya, at sa Kanyang layunin sa iyong buhay. Kung hindi mapagtutuunan ng pansin at malulunasan, ang damdaming iyong nararamdaman ay magtutulak sa iyo sa kapaitan na magiging sanhi ng negatibong pananaw sa bawat hibla ng iyong kaluluwa at nanakaw sa iyong masaganang buhay kay Kristo (Juan 10:10). Hindi mo nais na mangyari ito sa iyong buhay.
Paano natin maiiwasan ang mga masasakit na karanasan na makakapekto sa ating mga kaluluwa? Sinasabi ng Bibliya na dapat nating “ingatan ang ating puso ng buong sikap; sapagka't dinadaluyan ng buhay” (Kawikaan 4:23). Binabantayan natin ang ating mga puso sa pamamagitan ng hindi pagtuon ng ating atensyon sa mga nangyari at pagtanggi na pagtuunan ng pansin ang mga taong nakasakit sa atin o ang kahinaan ng iglesya. Kailangan ang kapakumbabaan upang maisuko ang kapaitan dahil “Ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba” (Santiago 4:6; Kawikaan 3:34). Kailangan natin ang pagpapatawad sa salita at sa gawa (Mateo 18:22; Markos 11:27; Efeso 4:32; Colosas 3:13) ng walang anumang motibo ng paghihiganti (Roma 12:19). Kailangan natin ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu na gumagawa sa atin at sa pamamagitan natin upang magawa ang mga ito (Efeso 3:16).
Huwag mong sisihin ang Diyos sa paguugali ng Kanyang mga anak. Huwag mo ring iiwanan agad ang iyong iglesya hangga’t maaari. Mas nakararami ang mga mananampalatayang puno ng biyaya, pag-ibig, at pagpapatawad sa iglesya. Hanapin mo sila. Maggugol ka ng panahon na kasama sila. Kung hindi mo sila makita sa iyong iglesyang kinabibilangan, humanap ka ng ibang iglesya (bihirang pagkakataon na hindi ka makakakita ng mga taong ganito kahit saang iglesya). Ang iglesya ay plano ng Diyos at iniingatan Niya ito kahit na minsan ay kinabibilangan ito ng mga taong nagiging sanhi ng pagdurusa ng iba (tingnan ang Pahayag 2–3).
Mayroon kang pag-asa dahil naghahanap ka ng kagalingan mula sa Panginoon. Nasa iyo kung gagawin mo ang tama at itutuon mo ang iyong pansin Kay Hesu Kristo na babago sa iyong buhay sa kabila ng mga sakit na iyong nararanasan. Ipinangako ni Hesus, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagka't malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28-30).
English
Sinaktan ako ng iglesya sa nakalipas. Paano ko ito mapagtatagumpayan at paano ko mapapanumbalik ang aking sigasig at pagnanais na dumalo sa iglesya?