Tanong
Ano ang dahilan at malaking bagay ang sekswal na kasalanan?
Sagot
Sinubukan ng modernong kultura na baguhin ang sekswalidad bilang isang personal na karapatang maaring gamitin sa anumang paraan na naisin ng isang indibidwal. Ang sekswal na pag-uugali ay itinuturing na isang personal na pagpili, katulad ng desisyon kung bibili ng bahay o magrenta ng condo. Kasabay nito, inalis ng mga kilalang opinyon ang salitang kasalanan mula sa bokabularyo ng ating kultura. Ang tanging ekspresyong sekswal na itinuturing na "mali" ay ang itinuturing na hindi kasiya-siya sa mga tumitingin. Gayunpaman, ang pagiging katanggap-tanggap sa lipunan ay nag-iiba-iba na kahit na ang pinakamasamang gawain ay ituring na makatwiran ng marami. Kaya, bago natin matukoy kung bakit napakalaking bagay ang sekswal na kasalanan, kailangan nating tukuyin ang sekswal na kasalanan.
Sa kabutihang palad, ang tao ay hindi kailanman binigyan ng pribilehiyong tukuyin ang kasalanan. Ang Lumikha ng sekswalidad ay may Karapatan na magtakda ng mga hangganan para dito, at ang Bibliya ay malinaw tungkol dito. Nang likhain ng Diyos ang unang lalaki, si Adan, at dinala sa kanya ang unang babae, si Eva, pinagsama Niya sila sa pag-aasawa at binigkas itong “napakabuti” (Genesis 1:31; 2:18, 24). Noong panahong iyon, ipinakilala ng Diyos ang sekswalidad at nagtakda ng mga hangganan para sa pagpapahayag nito. Nilikha ng Diyos ang pagsasama ng mag-asawa na tinawag Niyang “naging isang laman” (Genesis 2:24; Mateo 19:6; Markos 10:8; Efeso 5:31). Pagkatapos ay tinukoy Niya ang anumang sekswal na aktibidad sa labas ng relasyon ng mag-asawa bilang isang paglabag sa Kanyang regalo. Ang pakikiapid, homoseksuwalidad, pornograpiya, at pagnanasa ay pawang mga paglabag sa layunin ng Diyos nang likhain Niya ang seksuwal na gawain (1 Corinto 6:9,18; Galacia 5:19-20; Judas 1:7; Mateo 5:28; Hebreo 13:4). ).
Kaya bakit napakalaking bagay ang paglabag sa mga hangganang iyon? Ang unang palatandaan ay nasa Genesis 2:24 na may mga salitang “isang laman”. Mayroong malaking kapangyarihang mapag-isa sa loob ng sekswal na pagsasama. Dinisenyo ito ng Diyos na may kinalaman hindi lamang sa mga katawan kundi mga puso at buhay. Ang sex ay idinisenyo upang ganapin ang panghabambuhay na pagsasama sa pagitan ng isang lalaki at babae. Sinabi ni Jesus, “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ninuman” (Mateo 19:6; Markos 10:9). Idinisenyo niya ang mga katawan ng lalaki at babae nang magkaiba upang sila ay magsama-sama sa isang pagkilos ng katawan na magbubuklod sa kanila habang buhay. Sila ay “hindi na dalawa, kundi isang laman” (Markos 10:8). Ang pagkilos ng pagiging isa ay lumilikha ng isang bagong nilalang: isang pamilya. Ang makapangyarihang puwersang ito ay nagdudulot din ng bagong buhay (Genesis 4:25). Ang lahi ng tao ay maaari lamang palaganapin sa pamamagitan ng pagsasama ng isang lalaki at isang babae. At, sa loob ng kasal, pinagpapala ito ng Diyos (Genesis 1:28; 9:27; Awit 17:3). Ang sex ay isang regalo sa mag-asawa upang gawing kakaiba ang kanilang relasyon sa lahat ng iba pang relasyon.
Gayunpaman, kung ano ang nilikha ng Diyos bilang mabuti, binabaluktot ni Satanas. Sinimulan ni Satanas ang kanyang mapanlinlang na karumihan sa Halamanan ng Eden sa mga salitang “Sinabi ba ng Diyos?” ( Genesis 3:1 ). At ang hamon sa awtoridad ng Diyos ay nagpapatuloy pa rin. Kapag ginagamit natin ang seksuwalidad para sa libangan o para bigyang-kasiyahan ang pagnanasa, binabawasan natin ang kagandahan ng makapangyarihang regalong ito at sinasalungat ang nagdisenyo nito. Aanihin din natin ang mga bunga ng ating kasalanan. Ang ating sekswal na pagsuway ay nagbunga ng isang mundo sa ilalim ng bigat ng sakit, aborsyon, perwisyo, pang-aabuso sa bata, adiksyon, at seksuwal na pagsasamantala. Gumawa ang Diyos ng mga hangganan para sa ating ikabubuti upang matamasa natin ang Kanyang kaloob na idinisenyo upang sa atin ay magbigay ng saya.
Ang kuryente ay isang makapangyarihan at kapaki-pakinabang na bagay kung ginamit nang tama. Gayunpaman, ang maling paggamit o pag abuso ng kuryente ay maaaring nakamamatay. Ganoon din sa seksuwalidad. Kung mali ang paggamit, nakamamatay din ang pakikipagtalik. Ang pag-abuso sa kaloob ng Diyos ay nagbubunga ng mga problema gaya ng aborsyon, kahirapan, panggagahasa, pangangalunya, diborsiyo, at pornograpiya. Ang kasalanang seksuwal ay nagsisimula sa tukso, gaya ng lahat ng uri ng kasalanan. Kapag tumanggi tayong kilalanin ang mga hangganan ng Diyos, hinahayaan natin ang pagnanasa na magdikta sa ating mga pagpili. At ang pagnanasa ay hindi kailanman humahantong sa tamang direksyon. Sinasabi ng Santiago 1:13-15, “Huwag sabihin ng sinuman kapag siya ay tinutukso, ‘Ako ay tinutukso ng Diyos’; sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso ng kasamaan, at Siya mismo ay hindi tumutukso sa sinuman. Ngunit ang bawat isa ay tinutukso kapag siya ay nadadala at naaakit ng kanyang sariling pagnanasa. At kapag ang pita ay naglihi, ito ay nagsilang ng kasalanan; at kapag ang kasalanan ay nagawa na, ito ay nagdudulot ng kamatayan”.
Ang isa pang dahilan kung bakit napakalaki ng kasalanang seksuwal ay dahil sinisira nito ang larawan ng hindi masisirang tipan ng Diyos sa Kanyang mga tao. Ginagamit ng Bibliya ang kasal bilang isang paghahalimbawa upang ilarawan ang pakikipagtipan na mayroon si Jesus sa Kanyang “mapapangasawa,” yaong mga binili Niya ng Kanyang sariling dugo (Pahayag 19:7; 2 Corinto 11:2). Sa Lumang Tipan, madalas ikumpara ng Diyos ang mapanghimagsik na Israel sa isang suwail na asawa, gamit ang pangangalunya bilang isang larawan ng pinakakasuklam-suklam na mga kasalanan (Jeremias 3:6). Nilikha ng Diyos ang pakikipagtalik upang maging katuparan ng isang pakikipagtipan—isang tipan kung saan nakilahok ang Diyos (Malakias 2:14; Mateo 19:6; Markos 10:9). Ang tipan ng kasal ay naglalarawan sa hindi masisirang tipan ng Diyos sa atin. Ang pakikipagtalik sa labas ng kasal ay lumalabag sa layunin ng Diyos at nagdudulot ng malubhang kahihinatnan.
Ang kasalanang seksuwal ay nagpaparumi ng higit pa sa ating pisikal na katawan (1 Corinto 6:18). Ito ay may espirituwal na kahalagahan. Halos lahat ng aklat sa Bibliya ay tinatalikuran ang seksuwal na imoralidad, na itinuturing ito ng Diyos na isang matinding kasalanan. Ang paggawa ng sekswal na kasalanan ay direktang salungat sa kalooban ng Diyos na pabanalin tayo (1 Tesalonica 4:3).
Sinabi sa Roma 13:13–14, ang buhay na nais ng Diyos na ating ipamuhay: “Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan. Gawin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo bilang sandata at huwag ninyong pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito”. Ang kasalanang seksuwal ay isa pang paraan upang bigyang-kasiyahan ng mga tao ang laman kaysa lumakad ayon sa Espiritu (Galacia 5:16). Sinabi ni Jesus na ang mga “dalisay ang puso” ay “makikita ang Diyos” (Mateo 5:8). Ang hindi pagsisisi sa kasalanang sekswal ay nagpaparumi sa puso at nagiging imposible na maranasan ang Kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kung nais nating maging malinis ang ating puso hindi tayo dapat gumawa ng kasalanang sekswal
English
Ano ang dahilan at malaking bagay ang sekswal na kasalanan?