Tanong
Nasa impiyerno na ba si Satanas? Nasaan ngayon si Satanas?
Sagot
Sa mga sandaling ito, wala pa sa impiyerno si Satanas. Sa halip, gumagala siya sa buong mundo at naghahanap ng mga taong tutuksuhin upang magkasala ng sa gayon ay mahiwalay sa Diyos. Sinasabi sa 1 Pedro 5:8, “Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng masisila.” Sa Juan 14:30, tinawag ni Hesus si Satanas na “prinsipe ng sanlibutang ito,” at tinukoy ni apostol Pablo si Satanas bilang “pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos” (Efeso 2:2). Hindi nakatira sa impiyerno si Satanas; nabubuhay siya at gumagawa sa mundo ngayon at gumagala sa himpapawid.
Si Satanas ang “ama ng kasinungalingan” (Juan 8:44) at iniimpluwensyahan niya ang mga lider ng sanlibutan sa mga sandaling ito. Ninanais ni Satanas na sambahin siya ng mga tao (Mateo 4:9), at gumagamit siya ng mga pandaraya at kaguluhan upang agawin ang atensyon ng mga tao para sa kanyang sarili. Sinasamba ng mundo si Satanas sa iba’t ibang kaparaanan maliban ng mga taong kabilang sa kaharian ng Diyos at tinawag ng Diyos mula sa pandaraya ng Diyablo. Kung hindi anak ng Diyos ang isang tao, isa siyang isang anak ng Diyablo (tingnan ang Juan 8:44; Gawa 13:10). Sinasabi sa 1 Juan 3:10 kung paano natin makikilala ang anak ng Diyos at ang anak ng Diyablo: “Dito natin makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng ayon sa kalooban ng Diyos at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos.” Ipinaliwanag ni Santiago na ang sinumang kaibigan ng sanlibutan ay kaaway ng Diyos.
Mahalaga itong malaman dahil darating si Hesu Kristo sa mundo upang tipunin ang sa Kanya. Gagapiin Niya ang mga tagasunod ni Satanas at aangkinin ang mga hinirang para sa Kanyang sarili. Sa huli, itatapon Niya si Satanas at ang kanyang mga demonyo sa dagat-dagatang apoy at, “pahihirapan sila doon araw at gabi, magpakailanman” (Pahayag 20:10). Pagkatapos, hahatulan ni Hesus ang mga hindi mananampalataya ayon sa kanilang mga ginawa habang nabubuhay sa lupa. Ang sinumang hindi natagpuan ang pangalan sa Aklat ng Buhay ay itatapon sa dagat-dagatang apoy kung saan naroon din si Satanas at ang kanyang mga kampon (Pahayag 20:13, 15). Itatapon din ang impiyerno at ang kamatayan sa dagat-dagatang apoy (Pahayag 20:14), kaya nga sa katotohanan, walang yugto ng panahon na tumira si Satanas sa impiyerno. Ngunit permanente siyang pahihirapan sa isa ring napakainit na lugar, sa dagat-dagatang apoy upang doon parusahan ng walang hanggan.
Ang susi sa katiyakan ng kaligtasan para sa isang tao ay tiyakin kung ang kanyang pangalan ay nakasulat sa Aklat ng Buhay upang gugulin ang buhay na walang hanggan sa langit, sa halip na maranasan ang walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos sa dagat-dagatang apoy.
English
Nasa impiyerno na ba si Satanas? Nasaan ngayon si Satanas?