settings icon
share icon
Tanong

Gaano kalaki ang taglay na kapangyarihan ni Satanas?

Sagot


Si Satanas ay isang anghel na nilikha ng Diyos na lumaban sa Kanyang awtoridad (Isaias 14:13) at naging pinuno ng isang kaharian ng masasamang espiritu na tinatawag na mga demonyo, ang kanyang mga anghel (Mateo 25:41). Napakalaki ng kanyang kapangyarihan sa himpapawid at sa daigdig at hindi dapat na tawaran. Gayunman, bagama’t mahirap na kalaban si Satanas at ang kanyang mga kampon, winasak ni Hesu Kristo ang kapangyarihan ni Satanas, at ginanap ang hula sa Genesis 3:15. Ang krus ni Kristo ang dahilan ng ating tagumpay (Juan 12:31). “Sapagkat hinatulan na ang pinuno ng sanlibutang ito” (Juan 16:11), at isang araw ganap na dudurugin ni Hesu Kristo ang kapangyarihan ni Satanas at lilinisin ang sangnilikha (2 Pedro 3:10).

Ang kapangyarihan ni Satanas sa himpapawid/mundo ng mga espiritu:
Iginagalang ang kapangyarihan ni Satanas sa mundo ng mga espiritu (Judas 1:9), kung saan mayroon siyang limitadong kakayahan na lumapit sa presensya ng Diyos (Job 1:6). Ang aklat ni Job ang nagbibigay sa atin ng pangunawa sa relasyon sa pagitan ng Diyos at ni Satanas. Sa Job 1:6-12, tumayo si Satanas sa harap ng Diyos at iniulat ang kanyang “pagpapabalik-balik sa lahat ng sulok ng daigdig,” (talata 7). Tinanong ng Diyos si Satanas kung napansin niya ang isang taong makadiyos na nagngangalang Job at agad na inakusahan ni Satanas si Job ng kawalang katapatan – na iniibig lang nito ang Diyos dahil sa mga pagpapalang Kanyang ibinibigay. Sinabi ni Satanas sa Diyos, “Subukan ninyong alisin ang lahat-lahat sa buhay niya at harap-harapan niya kayong susumpain” (talata 11). Binigyan ng Diyos ng pahintulot si Satanas na bawiin ang kanyang mga ari-arian at pamilya, huwag lamang nitong sasaktan si Job, at umalis si Satanas. Sa Job 2, bumalik muli si Satanas sa harapan ng Diyos at sa pagkakataong ito, pinahintulutan ng Diyos si Satanas na pakialaman ang katawan ni Job ngunit pinagbawalan siya na patayin ito. (Ang natitirang nilalaman ng aklat ay tungkol sa pananaw ni Job at pagbibigay ng mga halimbawa kung paano haharapin ng tao ang mga pagdurusa sa mundo).

Ito ay isang mahalagang sitas sa Bibliya dahil ipinapakita nito ang lugar ni Satanas sa mundo ng mga espiritu. May kakayahan siya na akusahan ang mga anak ng Diyos sa Kanya mismong presensya at ipinapakita sa Judas 1:9 na maging si Arkanghel Miguel ay nangailangan ng tulong ng Diyos upang mapagtagumpayan si Satanas. Gayunman, malinaw na pinipigilan ng Diyos si Satanas na ipalasap ang kanyang buong kabagsikan; nanatili pa rin siyang isa lamang sa mga nilikha ng Diyos na nasa ilalim ng Kanyang kapamahalaan at may limitasyon ang kanyang kapangyarihan.

Ang kapangyarihan ni Satanas sa mundo: :
Ipinapakita din sa Job 2 na si Satanas ang gumagawa ng kasamaan at direktang pumipinsala sa mundo. Ang pinakakilala at pinakamahalaga sa kanyang mga gawa sa mundo ay naganap sa hardin ng Eden. Tinalakay sa Genesis 3 ang tungkol sa pagtukso ni Satanas kay Eba, ang “ina ng lahat ng nabubuhay na tao” (talata 20), at ang kanyang unang pagkakasala. Ang aksyong ito, at ang aksyon ng kanyang asawang si Adan ang nagdala ng kasalanan sa mundo, at ito rin ang dahilan kung bakit kailangang tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan upang maging katanggap tanggap sila sa Diyos.

Isang araw, nagkita si Hesus at ang isang babaeng labingwalong taon nang nakukuba at hindi makaunat sanhi ng isang masamang espiritu (Lukas 13:11). Ipinaratang ni Hesus ang kanyang sakit kay Satanas na siyang “gumapos” sa kanya (talata 16). Totoo ang kapangyraihan ni Satanas, ngunit madali itong napagtagumpayan ng ating Panginoon: “Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa babae, at noon di'y nakatayo siya nang tuwid at nagpuri sa Diyos” (talata 13). Ang himalang ito ni Hesus ay isang malinaw na demonstrasyon ng Kanyang kapamahalaan kay Satanas.

Mula ng pamunuan niya ang kasamaan sa mundo, tinawag na si Satanas na “prinsipe,” “diyos,” o “tagapamahala,” ng mundong ito (Juan 14:30; cf. Juan 12:31; 16:11; 2 Corinto 4:3-4; Efeso 2:2; Colosas 1:13). Si Satanas ang kaaway ng Diyos at ng katotohanan (Mateo 13:24-30; 2 Tesalonica 2:9-12), at ginagawa niya ang lahat upang tuksuhin ang bawat indibidwal (Genesis 3; Luke 22:31; 1 Timoteo3:7) at ang mas malaking grupo ng mga tao (1 Tesalonica 3:5; Pahayag 2:10). Siya ang “nandaraya sa buong sanlibutan” (Pahayag 12:9). Isinasakatuparan ito ni Satanas sa pamamagitan ng iba’t ibang kaparaanan, kabilang ang pagapela sa pagiging palalo ng tao (1 Timoteo 3:6; 1 Corinto 4:6), paghadlang sa pagpapakalat ng katotohanan (Mateo 13:18-22, 38-39), at paglalagay ng huwad na mananampalataya sa loob ng iglesya (1 Timoteo 4:1-2; 2 Timoteo 3:1-9; Pahayag 2:9; 3:9). Sa Juan 8:44, sinabi ni Hesus na si Satanas “ay isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.”

Binibigyan pa rin ng Diyos ng awtoridad si Satanas sa mundo sa ilang antas, na nangangahulugan na ang kanyang kapangyarihan ay hindi pa kumpletong nawawasak – maliban sa isang lugar: sa kanyang kapangyarihan sa kamatayan. Sinasabi sa Hebreo 2:14-15 na pumunta si Hesu Kristo sa lupa at naging tao upang mamatay at “mawasak ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan at sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan.” Ang kaligtasang ipinagkaloob ni Kristo ang nagpalaya sa atin sa mga kamay ni Satanas. Nawalan na ng tibo ang kamatayan (1 Corinto 15:55).

Ang kapangyarihan ni Satanas – konklusyon: :
Sinasabi ng Bibliya na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo” (1 Juan 5:19), at dapat tayong “laging maging handa at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng masisila” (1 Pedro 5:8). Subalit may dakilang pag-asa ang mga Kristiyano, dahil si Hesu Kristo (Juan 16:33) at ang ating pananampalataya sa Kanya (1 Juan 5:4) ang gumapi sa kasamaan ni Satanas. “Mga anak, kayo nga'y sa Diyos at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad na propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan” (1 Juan 4:4)
English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Gaano kalaki ang taglay na kapangyarihan ni Satanas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries