settings icon
share icon
Tanong

Bakit mahalaga ang sama-samang pagsamba?

Sagot


Maliwanag ang katuruan ng iglesya na namatay si Cristo para sa iglesya (Gawa 20:28; Efeso 5:25) at ang iglesya ang Kanyang katawan (Roma 12:5; 1 Corinto 10:17; 12:12-27; Efeso 1:23; 4:12; 5:30; Colosas 1:18, 24; Hebreo 13:3). Ang partisipasyon sa isang iglesya ay mahalaga sa espiritwal na kalusugan ng indibidwal na Kristiyano.

Kaya bakit dapat na dumalo ang mga Kristiyano sa pananambahan? Una sa lahat, ang pagdalo sa sama-samang pagsamba ay isang utos sa Bibliya. Sinasabi sa atin sa Hebreo 10:24-25 na huwag kaligtaan ang pagdalo sa pananambahan. Mahalagang malaman na ang sinusulatan sa aklat na ito ay nakakaranas ng banta ng paguusig. Ang pagdalo sa iglesya sa publiko ay maaaring maging dahilan ng pagabuso sa kanila. Nagpapahiwatig ang utos na ang pakinabang sa pagdalo sa sama-samang pagsamba ay mas matimbang kaysa sa mga posibleng pagbabanta sa kaligtasan ng mga Kristiyano.

Ang buhay Kristiyano ay hindi dapat ipamuhay ng nagiisa. Ang lahat ng mga pigura ng pananalita sa Bibliya para sa iglesya ay nagpapahiwatig na ang iglesya ay para sa marami hindi para sa iisa: tayo ay isang katawan, isang kawan, isang gusali, at isang banal na bayan. Walang nag-iisang tupa sa Biblikal na Kristiyanismo.

Ang ikalawang dahilan para sa pagdalo sa pananambahan ay ang dala nitong maraming pagpapalang espiritwal. Halimbawa, ang pagdalo sa pananambahan ay nagsusulong ng pakikisama at nagpapalakas ng loob sa isa’t isa. Sa aklat ng mga Gawa, sinabihan tayo na ang mga lumalapit sa pananampalataya noong unang panahon ay “nagpatuloy ng tapat sa pakikisama sa isa’t isa” (Gawa 2:42). Ang talata sa aklat ng Hebreo na nabanggit sa itaas ay nagpapakita na ang isa sa mga payunin ng pagsasama-sama ay para “palakasin ang loob ng isa’t isa.” Nangangailangan tayong lahat ng pagpapalakas ng loob. Ibinibigay ito sa atin ng sama-samang pagsamba. Ang pagdalo sa pananambahan ay tumutulong para maiwasan ang pagtalikod sa pananampalataya at pamumusong. Kung walang regular na partisipasyon sa sama-samang pagsamba, maliligaw sa espiritwal ang isang mananampalataya.

Ang isa pang dahilan para sa sama-samang pagsamba ay ang ginagawa nitong impresyon sa publiko. Kung regular tayong dumadalo sa iglesya, ipinapakita natin sa publiko ang ating pagsunod sa utos na ibigin ang Diyos. Ang magsabi na iniibig natin si Jesus pero pinababayaan naman ang Kanyang katawan ay pagiging ipokrito. Ang regular na pagdalo sa iglesya ay nagpapakita din na sinusuportahan natin ang gawain ng Diyos sa mundo—na tayo ay para kay Jesus sa halip na laban sa Kanya (Mateo 12:30).

Sa karagdagan, ang pagsamba kasama ng iba ay nagdadala ng mga pakinabang na hindi natin makakamit ng nagiisa. Sa tuwing dumadalo tayo sa sama-samang pagsamba, naririnig natin ang pangangaral ng Salita ng Diyos sa publiko. Ang pagpalit sa sama-samang pagsamba ng isang ministeryo gaya ng radyo at telebisyon o isang gawain sa internet ay hindi lamang nagaalis ng pangangailangan ng pangangaral sa publiko kundi maaari ding magsulong ng kaisipan ng pagiisa, at epektibong naiisapribado ang Kristiyanismo. Binibigyan din tayo ng pagkakataon ng pagdalo sa iglesya na makiisa sa pagkain ng Hapunan ng Panginoon, ang proklamasyon sa publiko ng katawan at dugo ng Panginoong Jesus (1 Corinto 11:26).

Sinasabi sa atin ni Juan na tayo ay lumipat na mula sa kamatayan patungo sa buhay dahil iniibig natin ang ating mga kapatid kay Cristo (1 Juan 3:14). Ang pagsasama-sama para sa pagtuturo, pagsamba, at pagpapalakasan sa isa’t isa ay isang pagpapakita ng ating pag-ibig para sa mga tinubos at isang tanda ng ating kaligtasan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit mahalaga ang sama-samang pagsamba?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries