settings icon
share icon
Tanong

Ano ang maling paggamit sa mga bagay na itinuturing na sagrado? Ano ang ibig sabihin ng gamitin ng hindi tama ang isang bagay na itinuturing na banal?

Sagot


Ang kalapastanganan ay kawalang-galang sa isang sagradong tao, lugar, o bagay. Ang kalapastanganan ay nangyayari kapag ang isang tao ay sinasadyang gumamit ng isang bagay na inilaan para sa pagsamba, nilapastangan ang isang banal na lugar, o nagsasalita sa isang walang galang na paraan sa isang bagay na may kaugnayan sa Diyos o relihiyon. Ang salita ay galling sa salitang Latin na sacer (“sagrado”) at legere (“magnakaw”). Noong una, ang terminong sakrilehiyo ay tumutukoy sa mga gawain ng mga magnanakaw na lumapastangan sa mga libingan ngunit tumukoy din sa anumang "pagnanakaw" ng kabanalan mula sa isang relihiyosong lugar, bagay, o tao.

Si Haring Belsazar ng Babilonya ay gumawa ng kalapastanganan sa isang piging ng “ipag-utos niya na dalhin ang mga kopa na ginto at pilak na . . . at kinuha mula sa templo sa Jerusalem, upang ang hari at ang kanyang mga mahal na tao, ang kanyang mga asawa at ang kanyang mga babae ay makainom mula sa kanila. Kaya't dinala nila ang mga gintong kopita na kinuha mula sa templo ng Diyos sa Jerusalem, at . . . habang umiinom sila ng alak, pinuri nila ang mga diyos na ginto at pilak, tanso, bakal, kahoy at bato” (Daniel 5:3–4). Ito ang isa sa mga huling gawa ni Belsazar, dahil pinatay siya ng gabing iyon (talata 30).

Sina Nadab at Abihu, dalawang anak ni Aaron, ay gumawa ng kalapastanganan ng “sila ay nag-alay ng hindi awtorisadong apoy sa harap ng Panginoon, na salungat sa kanyang utos” (Levitico 10:1). Ang maling paggamit ng kanilang banal na katungkulan ay nagresulta sa trahedya: “Apoy ang lumabas mula sa harapan ng Panginoon at nilamon sila, at sila ay namatay sa harap ng Panginoon” (talata 2). Malinaw na itinuturing ng Diyos ang kalapastanganan bilang isang malaking pagkakasala.

Ang tabernakulo (at, kalaunan, ang templo) sa Lumang Tipan ay ang lugar kung saan nakikipagpulong ang Diyos sa Kanyang bayan. Ang gusali at lahat ng nakapaloob dito—gaya ng kaban ng tipan—ay winiwisikan ng dugo ng isang banal na handog at itinatalaga para sa Diyos. Ang mga pari lamang, na itinalaga rin sa Panginoon para sa paglilingkod, ang pinahihintulutang pumasok sa tabernakulo. Pinapatay ng Diyos ang sinumang lumabag sa tabernakulo o nilalapastangan ang mga sagradong kagamitan (Bilang 16:1–40; 2 Samuel 6:6–7). Ang dakong kabanal-banalan ay nakahiwalay sa iba pang bahagi ng tabernakulo sa pamamagitan ng isang makapal na tabing at maaari lamang mapasok minsan sa isang taon kapag ang pangulong saserdote ay nag-aalay ng hain ng dugo para sa mga kasalanan ng mga tao. Ang isang aral na itinuro ng tabernakulo ay ang Diyos ay banal at tayo ay hindi—at hindi tayo dapat mangahas na gumawa ng kalapastanganan laban sa Kanya.

Binalaan ni Jesus ang mga Pariseo laban sa kanilang walang silbing paglilingkod at paimbabaw na panunumpa. Sa kanilang mga panunumpa, sinubukan ng mga Pariseo na gumawa ng pagkakaiba sa pagitan ng templo at ng ginto sa kabang-yaman ng templo (na ang huli ay mas banal sa kanilang mga mata) at sa pagitan ng altar at ng handog sa altar (na ang huli ay mas banal sa kanilang mga mata). Itinuro ni Jesus na ang templo at lahat ng nauugnay dito ay inilaan sa Diyos, kaya anumang panunumpa na ginawa sa alinmang bahagi ng templo ay may bisa sa harap ng Diyos (Mateo 23:16–22).

Isa sa pinakakaraniwang anyo ng pamumusong ngayon ay ang paglapastangan sa banal na pangalan ng Diyos at sa pangalan ng ating Panginoong Jesus. Ito ay tuwirang paglabag sa Exodo 20:7, “Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinumang gumamit nito nang walang kabuluhan” (cf. Awit 139:20). Ipinagbabawal ng Bagong Tipan ang “masamang pananalita” (Efeso 4:29), na kasama ang paggamit ng pangalan ng Diyos sa pagsumpa.

Bagama't ang ilang mga simbahan ngayon ay may mga santo at "banal" na mga elemento, walang biblikal na dahilan upang itaas ang isang tao, lugar, o bagay na mas "sagrado" kaysa sa iba. Ang lahat ng mananampalataya, hindi lamang ang ilang pinili ay “Tulad ng mga batong buháy, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo” (1 Pedro 2:5). Ang templo sa Lumang Tipan ay wala na, at ngayon tayo ay “gusali ng Diyos” (1 Corinto 3:9). Tinanong ni Pablo ang mga mananampalataya, Hindi ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu?” (talata 16). Kung ang isang tao ngayon ay nagsulat ng mga kalapastanganan sa gilid ng isang gusali ng simbahan, ito ay talagang isang kalapastanganan, ngunit hindi dahil ang kahoy at bato ng gusali ay banal. Layunin ng lumalapastangan sa Diyos na hindi igalang ang Diyos at ang kanyang pagkilos ay nakabatay lang sa kaya niyang abutin at nahahawakang representasyon ng Diyos sa kanyang isipan. Ang layuning iyan ang dahilan kung bakit ang bandalismo ay kalapastanganan, at nakikita ng Diyos ang laman ng puso.

Kahit na ang mga sistema ng relihiyon ay maaaring magsulong ng kalapastanganan, kung "nakawin" nila ang kabanalan ng Diyos at ilalapat ito sa mga tao o mga bagay. Ang mga simbahan na nagtataas sa mga biblikal na karakter o mga makasaysayang pigura, nagdarasal sa mga santo, nag-uutos sa pagsamba sa mga rebulto o relika, o nagpapatibay ng paggalang sa mga pisikal na bagay ay nagkakasala ng kalapastanganan. Ang mga taong ginamit ng Diyos ay dapat tratuhin ng may paggalang at pag-aralan, ngunit sila ay makasalanan rin na iniligtasn sa biyaya. Ang mga pisikal na bagay ay maaaring may makasaysayang kabuluhan o kahulugan bilang mga simbolo ng relihiyon, ngunit hindi ito dapat luhuran, dalanginan, o hanapin para hingan ng biyaya.



English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang maling paggamit sa mga bagay na itinuturing na sagrado? Ano ang ibig sabihin ng gamitin ng hindi tama ang isang bagay na itinuturing na banal?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries