settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng Bibliya kapag sinasabi sa iyong galit na huwag magkasala (Efeso 4:26)?

Sagot


Sinasabi sa Efeso 4:26, “‘Sa iyong galit ay huwag kang magkasala’: Huwag hayaang lumubog ang araw habang ikaw ay nagagalit pa.” Sa pag-unawa sa utos na ito, mabuti na ipaliwanag ang mga emosyon mula sa mga aksyon. Lahat tayo nakakaramdam ng emosyon. Sa iba't ibang pagkakataon, nakakaramdam tayo ng kalungkutan, dalamhati, pagkabigo, pananabik, kaligayahan, at galit. Ang gayong mga damdamin ay natural na dumarating at hindi ito kasalanan. Ito ay kung paano tayo kumilos sa mga emosyon na maaaring maging kasalanan. Ang damdamin ay panloob at hindi nakadirekta laban sa mga tao. Ang pagkilos ay panlabas at maaaring idirekta nang positibo o negatibo sa iba.

Narito ang konteksto ng talata: “Dahil dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. At huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo” (Efeso 4:25–32).

Ang talatang ito ay sumusunod sa pagtuturo ni Pablo tungkol sa bagong kalikasan na tinatanggap natin sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu Cristo (Efeso 4:17–24). Kung tayo ay nagagalit sa ilang kadahilanan—nararanasan natin ang di-sinasadyang emosyon o lagablab ng galit—hindi natin hahayaang mag-udyok ito ng makasalanang pagkilos. At hindi tayo mananatiling galit. Hindi natin ito tinatambayan. Mabilis nating hinaharap ito, sa maayos at nagpaparangal sa Diyos, para hindi ito lumaki at magbunga ng kapaitan sa ating buhay. Ang payo ng Bibliya ay harapin ang galit sa parehong araw na nangyari ito. Bago tayo matulog sa gabing iyon, dapat ay gumawa tayo ng mga positibong hakbang upang makahanap ng solusyon sa problema at maibsan ang galit.

Kung nabigo tayong harapin ang galit nang may pag-iingat at tayo ay nakagawa ng makasalanang pagpapahayag ng galit, binibigyan natin ang diyablo ng karapatan kumilos laban sa atin (Efeso 4:27). Ang parehong talata ay patuloy na nagsasabi na dapat nating sikaping alisin ang lahat ng galit at ang kasama nitong mga kasalanan: “Alisin ninyo ang inyong sama ng loob, init ng ulo, galit, maingay na pag-aaway, sumpa, at poot” (talata 31).

Sa halip na hayaan natin ang damdamin ng galit na magtulak sa atin para gumawa ng makasalanang pagkilos, dapat tayong “maging mabait at maawain, at magpatawad sa iba, kung paanong pinatawad kayo ng Diyos dahil kay Cristo” (Efeso 4:32). Ang lahat ng ito ay bahagi ng “bagong pagkatao, nilikha upang maging katulad ng Diyos sa tunay na katuwiran at kabanalan” (talata 24). Ang isa sa mga kapangyarihang ibinigay ng Espiritu Santo sa mga mananampalataya pagkatapos ng kanilang espirituwal na pagbabago sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu Cristo ay ang pagpipigil sa sarili (tingnan sa Galacia 5:22–23). Kailangan nating hilingin sa Diyos na puspusin tayo ng Kanyang Espiritu kung tayo ay nagagalit; ang pagpipigil sa sarili ay may natatanging resulta.

Hinahayaan natin ang galit na makuha ang pinakamabuti sa atin. Kapag tayo ay nagkamali o nakakaramdam ng hindi patas na pagtrato, natural na gusto nating gumanti o "ayusin ang problema" sa pinakamabilis na paraan. Ngunit kapag ang ating tugon ay nagpapakita ng “poot, galit, masakit na salita, at paninirang-puri” (Efeso 4:31), lumagpas na tayo sa linya. Tayo ay nagkasala sa ating pagkagalit at binigyan ang diyablo ng tuntungan. Kung minsan, matagal na tayong naka-move on, nagtatanim tayo ng pagnanais na balikan ang sugat at manatili sa galit. Ito ay humahantong lamang sa kapaitan. Dapat tayong sumuko sa Banal na Espiritu at magtiwala sa Kanyang kapangyarihan upang madaig ang gayong kasalanan.

Si Solomon sa kanyang karunungan ay may ilang praktikal na bagay na sinasabi tungkol sa kung paano haharapin ang galit:

“Ang hinahon ay nagpapakilala ng kaunawaan, ngunit ang madaling pagkagalit ay tanda ng kamangmangan” (Kawikaan 14:29).
“Ang malumanay na sagot, nakapapawi ng galit, ngunit sa tugong marahas, poot ay hindi mawawaglit” (Kawikaan 15:1).
“Ang mainit na ulo ay humahantong sa alitan, ngunit pumapayapa sa kaguluhan ang mahinahong isipan” (Kawikaan 15:18).
“Higit na mabuti ang tiyaga kaysa kapangyarihan, at ang pagsupil sa sarili kaysa pagsakop sa mga bayan.” (Kawikaan 16:32).



English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng Bibliya kapag sinasabi sa iyong galit na huwag magkasala (Efeso 4:26)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries